OTHER ARTICLES
Ang Landas ng Nada: Pagbubuo sa Pagsuko
PART I
PART II
PART III

 

 


Ang Landas ng Nada: Pagbubuo sa Pagsuko
Agustin Martin G. Rodriguez

Ang Paglalakbay Patungong Centro[i]

Ang Centro at Ang Pinakamalalim na Sarili

Marami ang natatakot lumapit sa mistisismo ni San Juan de la Cruz dahil kilala siya bilang ang marahas na prayle na naglahad ng landas ng nada. Siya nga ang kinikilala ng simbahang Katoliko bilang mistikong naglahad ng landas tungo sa pagkakamit ng pagkakaisa sa banal sa pamamagitan ng pagtanggi sa lahat ng layaw at pagtanggap ng lahat ng kawalan sa pandama, sa damdamin, sa katwiran, at sa kalooban. Tila walang karapatang mabuhay sa sariling ligaya ang tao para sa doktor ng nada dahil ang landas tungo sa Diyos ay landas ng pasakit at pagtanggi sa sarili. May katotohanan ang ganitong pag-iisip ukol sa pilosopiya ni San Juan de la Cruz. May doktrina nga siya ng nada. Subalit hindi nagwawakas ang lahat sa nada. Ang paghindi ay nakatali sa isang malalim na pag-oo, sa todo. Mahalagang maunawaan ang pag-oo upang maunawaan ang kahulugan ng paghindi. Sa sanaysay na ito, susubukan nating unawain ang pakay ng mistisismo ni San Juan de la Cruz upang marating ang isang pag-uunawa sa hahantungan ng kanyang paglalakbay at makilala ang kaugnayan ng Diyos at taong naghahagilap sa kanya.

Matatawag na paglalakbay sa sarili ang mistisismo ni San Juan de la Cruz dahil patungo ang kanyang landas ng pagdadalisay, o ang tatawagin nating landas ng nada, sa pagbubuo ng sarili o pag-iral nito sa tunay na sukat ng pag-iral.[ii] Naipakita niya sa kanyang pinakakilalang mga akda tulad ng Subida a Monte Carmelo at Llama de Amor Vida na nakakamit ang kaganapan ng tao sa pagtatahan nito sa Diyos bilang "el mas profundo centro".[iii] Ang pagtatahan ng tao sa kanyang centro ang sanhi at layunin ng paglalakbay sa landas ng nada ni San Juan de la Cruz. Para kay San Juan de la Cruz, ang pagtatahan sa Diyos ay pagsusuko ng sarili ng panindigan nito bilang centro na tagapagtakda ng sariling pag-iral. Ito lamang ang paraan na nakikita niya upang makamit ng tao ang katuparan ng sariling pag-iiral.[iv] Sa kahalagahan ng konsepto ng centro sa pag-iisip ni San Juan de la Cruz matutuklasan ang kanyang pag-uunawa sa kaugnayan ng tao sa Banal at ang kahalagahan ng paglapit ng tao sa Banal, kaya sa sanaysay na ito pagmumuni-munihan at susuriin natin ang kanyang pag-uunawa sa Diyos bilang centro. 

Maaaring gamitin ang talinhaga ng moog na ginamit niya sa Subida upang ipaliwanag ang istruktura ng tao at ang halaga dito ng centro. Sinasabi niya na may bahagi ang moog na pinaka-"loob", ang centro, kung saan nagmumula ang ayos ng pagpapatakbo nito. Sa talinhaga, nakikita na bagama't isang kabuuan ang moog, may bahagi na nagpapasya ng paraan ng pag-iral ng kabuuan, at sa ganitong paraan, nagtatakda ng kasarinlan ng moog. Bukod tangi ang bawat moog dahil may bukod tanging centro na nagpapasya at nagtatakda sa pagpapatupad ng moog sa kanyang pagiging moog. Parang ganito rin ang arkitektura ng tao na nakita, hindi lamang ni San Juan de la Cruz, ngunit pati na rin ng mga mistikong nagmunimuni sa pagkatao ng tao.

Ayon sa pagsusuri ni Louis Dupre sa karanasan sa sarili ng mga mistiko, tila may dalawang sarili ang tao: ang sariling nakasangkot sa mondo, na maaaring tawagin na pangkaraniwang sarili, at ang sariling sumasaibayo sa mondo.[v] Ang sariling nakasangkot sa mondo ang sariling namamalayan ng tao sa kanyang katutubong kalagayan. Ito ang sarili na namamalayan natin bilang umuunawa at nakikibahagi sa pang-araw-araw na pakikipagsapalaran sa mondo. Ito ang sariling nag-iisip at nagpapasya ukol sa mga pang-araw-araw na kilos na bumubuo sa kabuuang tinutukoy kapag tinutukoy ang ako. Ngunit hindi pa ito ang mismong batayan ng sarili, kundi namamalayang bahagi lamang ng sarili. May isang batayan ng sarili na hindi nagbabago na batayan ng bawat pasya at pagpapatupad ng pag-iral ng sariling nakasangkot sa mondo.

Ipinapahiwatig nitong "sumasaibayong sarili" ang sarili na hindi nagbabago sa pabago-bagong kalagayan ng mondo.[vi] Nakikilala ang sariling nakasangkot sa mondo bilang bahagi na nakasangkot sa katalagahan bilang phainomena.[vii] Ngunit hindi nakasangkot sa pabagu-bagong mondo ng tao ang sariling sumasaibayo, at dahil dito, hindi rin ito pabagu-bago tulad ng sariling nakasangkot sa mondo. Ito ang hindi nagbabagong sarili na nagbibigay-depinisyon sa pagkatao ng tao.

Tinalakay ni Edith Stein ang sumasaibayong sarili bilang centro--ang punto mula kung saan ipinapasya ng tao ang kanyang sariling pagkatao. Ipinapasya ng centro ang pag-iral na isinasatupad ng tao nang malaya sa mga impluwensiya ng mga nagbabagong pangyayari.[viii] Malaya ang sumasaibayong sarili mula sa daloy ng pagsasanhi sa mga partikular na damdamin at sumpong ng isip na nakasangkot sa lumilipas na anyo ng makataong mondo. Hindi tulad ng sariling nakasangkot sa mondo, na umiiral ayon sa mga pangangailangan ng dumaraang panahon, ipinapasya ng pinakabuod ng sarili ang pag-iral na sumasaibayo sa nagbabagong mondo. Ito ang sariling nagtatakda ng balangkas ng pagpapatupad ng pagkatao na hindi nagpapasya ayon sa mga partikular na kondisyon ng kasalukuyang kalagayan.[ix] Masasabi na para sa mga mistiko, ang sumasaibayong sarili ay centro, o bukal ng kapangyarihang nagtatakda ng pag-iiral. Ang buong kasarinlan ng sarili ay binibigyang-depinisyon ng kapangyarihan ng centro na magpasya at magtakda ng pag-iiral.

Tila laging nagbabago ang ako. Sa aking pagbabalik-tanaw sa buhay, mahirap makilala ang sarili sa kasalukuyan sa mga nagawa noong kabataan. Totoong binibigkas ang iyong pagkatao ng mga gawaing iyon, ngunit ibang-iba ang sariling binibigkas ng mga pangyayaring iyon sa nakikilala ko bilang aking sarili ngayon. Tila ibang-iba itong sariling nagbabalik-tanaw at ang sariling binabalikan ng tanaw. Ngunit malinaw rin na iisang sarili ang ngayon at dati. Marahil nagbago ang kaugalian, abot-tanaw, o pag-uunawa sa mondo dahil ang sariling ito ay sariling nakasangkot sa daloy ng mga pangyayari. Ngunit malinaw rin na sa likod ng nagbabagong sarili, mayroong sariling sumasaibayo sa pagbabago ng panahon at nagiging batayan ng kabuuan ng tao sa panahon. Tinatawag itong tunay na sarili ng mga mistiko dahil ang sumasaibayong sarili ay ang nagbibigay- depinisyon sa balangkas ng pagpapatupad ng pagdirito ng ako sa panahon. Ito ang centro, ang bukal ng kasarinlan ng ako.

 

Ang Diyos Bilang Centro ng Centro

Ang buong paghahagilap ng mistiko ay tungo sa pagbubuo ng sarili sa pamamagitan ng paglampas sa dualismo ng sariling nakasangkot sa mondo at ang sumasaibayong sarili. Sa karanasang mistiko, ang Diyos ay ang may taglay ng paradigma ng tunay na kabuuan ng tao.[x] Samakatwid, kabuuan para sa mga mistiko ang pag-iral na isinasatupad ayon sa paraang itinakda ng Manlilikha. Ninais ng mistiko na buuin ang kilos ng dalawang bahagi sa iisang balangkas ng pag-iral.[xi] Hinahagilap ng mistiko ang kabuuan ng dalawang sarili sa iisang centro na maaaring magtakda ng balangkas ng kabuuan sa mga bahaging ito. Ang Diyos ay ang centro na ito.

Sa tradisyong mistiko, ang sumasaibayong sarili ay ang centro na nagpapasya ng pagpapatupad ng pag-iiral ng tao. Nakikilala ng mga mistiko bilang katuparan ng pag-iral ng tao ang pagsuko ng centro na ito sa Diyos.[xii] Upang maging ganap ang pag-iral ng sarili, kailangang maisuko ng sumasaibayong sarili ang kanyang centro sa Diyos bilang centro na tagapagtakda ng tunay nitong pag-iral.[xiii] Nagiging buo lamang ang pag-iral ng dalawang sarili kung ang Diyos ang sentro na iniikutan ng buhay ng tao.[xiv]

Kinikilala ng mga mistikong tulad ni San Juan de la Cruz na wala sa kakayahan ng tao ang maisatupad ang sariling pag-iral dahil wala sa kanyang kakayahan ang maunawaan ito. Hindi kilala ng tao ang pinakabuod ng kanyang sarili. Tago sa pag-uunawa ng tao itong sumasaibayong sarili dahil hindi ito umiiral bilang phainomena na nabibigyang-kahulugan ng kamalayan.[xv] Nasa antas na higit sa ano mang mauunawaan ng tao sa pamamagitan ng mga karaniwang paraan ng pakikitagpo sa mundo. Maisasatupad lamang ang tunay na makataong pag-iral kung isinasatupad ng centro ang pag-iral nito ayon sa kanyang katotothanan. Samakatuwid, nararapat na ang mismong centro ay mulat sa tunay nitong pag-iral. Subalit hindi kilala ng tao ang tunay na balangkas ng kanyang sarili. Ang Diyos bilang tagapaglikha ang may kilala sa ating pinakamalalim na sarili, at maisasatupad lamang ang tunay na pag-iral kung isinasatupad ng Diyos bilang bagong centro ang pag-iral ng sarili.[xvi] Kaya para kay San Juan de la Cruz ang tao ay “ek-sentriko” dahil nasa ka-iba ang tunay na centro.[xvii] Dahil ang Diyos lang ang tunay na nakakikilala sa tao ang Diyos lang ang makapagpapamulat sa tao sa kanyang tunay na sarili. Kapag sinasabing iminumulat ang tao sa tunay nitong sarili, hindi nito tinutukoy ang isang purong intelektuwal na pagkamulat. Ang pagpapamulat ng Diyos ay mismong pagbabago ng paraan ng pagpapatupad ng pag-iral ng tao ayon sa paraan na itinatakda ng Diyos. Masasabi na ibinabahagi ng Diyos ang tunay na sarili ng tao sa pahayag ng Kanyang sarili dahil sinasakop ng paraan ng Diyos ang paraan ng tao. Ngunit bago matanggap ng tao ang pahayag ng Diyos, kailangan nitong maging angkop sa paraan ng pagpapahayag ng Diyos. Ito ang buong landas ng mistisismo ni San Juan de la Cruz, ang pagdadalisay ng sarili mula sa lahat ng hindi Diyos upang maging bukas sa pahayag ng Diyos.[xviii]

 

Ang Pananahan ng Diyos sa Tao at Pananahan ng Tao sa Diyos

Ayon sa antropolohiyang inilalahad ni San Juan de la Cruz, ang pananahan ng tao sa Diyos ang siyang kaganapan ng pag-iral na maaabot ng tao.[xix] Ngunit kailangang ilahad ang bukod-tanging kahulugan ni San Juan de la Cruz sa pananahan ng tao sa Diyos upang maunawaan ang kahulugan ng pagpapakatao. May dalawang paraan ng pananahan ang Diyos sa kanyang mga nilikha: ang pananahang substansiyal at ang pananahan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng pagkakatulad.[xx] Pangkaraniwan sa mga umiiral ang unang paraan ng pananahan. Walang maaaring umiral kung hindi ito pinatitibay sa pag-iral ng Diyos. Tulad ng naipakita ni Sto. Tomas, ang Diyos lamang ang umiiral na hindi kailangang makibahagi sa pag-iral ng iba. Ganap na ang Diyos sa kanyang sariling pag-iral at hindi kailangang makibahagi sa isang bukal ng pag-iral dahil kalikasan ng Diyos ang pag-iral. Siya ang umiiral bilang esse subsistens, na ang ibig sabihin ay umiiral siya ayon sa sariling kapangyarihan. Sa kabilang dako, ang mga nilikha, bilang nilikha, ay nakikibahagi lamang sa pag-iral ng Diyos. Hindi nila kailangang umiral dahil posibilidad din sa kanilang kalikasan ang pagka-wala. Kaya kailangan silang makibahagi sa pag-iral ng isang may kalikasang umiral.[xxi] Ang substansiyal na pananahan ng Diyos sa mga umiiral ang nagpapanatili sa kanila sa pag-iral dahil ang Diyos bilang Tagapaglikha ang bukal ng pag-iral ng mga umiiral. Katutubo ang unang paraan ng pananahan.[xxii]

Ang ikalawang paraan ng pananahan ng Diyos sa tao ay tinutukoy ni San Juan de la Cruz bilang kalagayang higit sa likas na pakikibahagi sa pag-iral. Ito ang pananahan ng tao sa pagka-diyos ng Diyos na isinasatupad ng malayang pagpasya. Bunga ito ng malayang pagsuko ng katutubong paraan ng pag-iral sa isang mas ganap na paraan ng pag-iral.[xxiii] Sa pananahang substansiyal, binabago ng Diyos ang paraan ng pag-iral ng tao upang maging isa ang kilos nito sa kilos ng Diyos. Masasabing pinipili ng taong manahan sa Diyos dahil sumusukob siya sa ganap na kapangyarihan ng kanyang Tagapaglikha. Tinutukoy sa kalagayang ito ang ganap na pag-iisa ng tao sa Diyos hanggang sa magkaisa ang pagkatao nito sa ganap na pagka-Diyos ng Diyos at ang dalawa ay maging iisa sa loob, alaala, at pag-uunawa.[xxiv] Ito ang kahulugan ng pananahan ng tao sa kanyang centro: ang pagbubuo ng sarili sa pamamagitan ng pakikibahagi ng centro sa paraan ng pag-iral ng Diyos.[xxv] Samakatwid, ibinabahagi ng Diyos ang kanyang pagka-Diyos sa tao. Ang kilos dito ay pagbabago ng makataong paraan ng pag-iral sa paraan ng Diyos.[xxvi] Ngunit ang pagbabago na ito ay hindi pagbabago ng substansiya ng tao. Nananatili ang tao sa kanyang substansiyal na pag-iral.[xxvii] Ang pagbabago na nagaganap ay nasa pagiging iisang centro ng tao at Diyos.

 

Ang Pagbabago ng Pakikibahagi, Pagbabago ng Pag-ibig

Mahalaga ang paggamit sa salitang pakikibahagi o participacion dahil binibigyang-diin ang pananatili ng hiwalay na pag-iral ng tao sa Diyos.[xxviii] Tulad ng bintanang nakikibahagi sa liwanag ng araw, nananatiling bintana ang bintana. Ngunit dahil sa ganap na pakikibahagi sa liwanag, tila iisa ang substansiya nito sa liwanag, o kaya ay para bang nabago na ang substansiya ng salamin at naging substansiya ng liwanag.[xxix] Sa kalagayang ito, pinatitibay ng liwanag ang likas na kakayahan ng salamin na tanggapin at isatupad sa sariling substansiya ang mga kaganapang taglay ng liwanag. Bagama't hindi liwanag mismo ang bintana, napapatibay ang mga katangian ng salamin na naaayon sa liwanag sa pamamagitan ng pakikibahagi ng salamin sa liwanag. Ang bintana ay liwanag sa pakikibahagi.[xxx] Sa ganoong paraan, tila nababago ang substansiya ng tao sa substansiya ng Diyos.

Naisasatupad ang pag-iisa ng tao sa Diyos hindi sa pamamagitan ng pagbabago ng substansiya ng tao kundi sa larangan ng pagpapatupad ng pag-iral ng centro.[xxxi] Ang pagbabagong pinag-uusapan ay ang pagbabago na bunga ng pag-ibig. Sa pag-ibig mayroong pag-iisang nagaganap sa mga mangingibig dahil pinapasya ng bawat isa na gawing centro ang kalooban ng iniibig. Ito ang kilos ng pagpapasya ng tao na isuko ang sarili bilang centro na tagapagtakda ng sariling paraan ng pag-iral. Dahil sa pagkabihag sa iniibig, ang obheto ng pag-ibig ang siyang nagiging centro na tagapagtakda ng pag-iral ng dalawang sarili na nakikibahagi sa iisang buhay.[xxxii] Iisa ang buhay ng dalawa dahil ang iniibig ang nagiging sentro ng orientasyon ng pag-iral, ang kinaiikutang punto ng buong pag-iral ng mangingibig.[xxxiii]

Malinaw ito sa mga tula ukol sa landas ni San Juan de la Cruz. Halimbawa, sa Noche Oscura, nilalarawan niya ang pagtagpo sa iniibig bilang kalagayan ng paglimot sa sarili.

 

8. Quedeme y olvidema,
El rostro recline sobre el Amado,
Cese todo, y dejeme,

 

Ang sarili'y iniwan at nilimot,
Sa paghiga ng mukha sa Mangingibig,
Tumigil ang lahat, at lumabas mula sarili,

 

Ang buong Cantico Espiritual ay paglalarawan ng paghahagilap ng kaluluwa sa Amado na nagtatago dahil iniwan itong "nagdurusa" sa pagnanais. Nilalarawan ang Amado bilang tagapagnakaw ng puso na, kung tutuusin, siya ang may-ari.

 

Y pues me le has robado,
Por que asi le dajaste
Y no tomas el robe que robaste?

 

At matapos mo itong nakawin mula sa akin
Bakit iniiwan nang ganito
At hindi tinatangay ang iyong ninakaw?

 

Sa mga paglalarawang ito, ipinapakita kung paano nagdurusa ang tao sa pagnanais na isuko ang kabuuan sa iniibig upang maging payapa. Bihag ang centro sa pagnanais makibahagi sa pag-iral ng iniibig. Magiging mapayapa lamang ang umiibig kapag naisatupad nito ang pag-iral na nakasentro sa iniibig. Nagdurusa dito ang tao dahil namulatan ito sa ka-iba bilang karapat-dapat pag-alayan ng sarili. Bihag ngayon ito ng pagnanais na isuko ang buong pag-iral sa ka-iba. Buhay na pagnanais ang isuko ang sarili sa ka-iba dahil ang pag-ibig ay kilos ng paglabas sa sarili upang hayaan ang ka-iba na magpahayag ng sarili sa ako.

Likas na kilos ng ako ang pagsakop sa ka-iba dahil umiiral ang ako bilang sentro ng sanlibutan. Ang pagtagpo sa ka-iba ay kilos ng pag-uwi sa mga pangangailangan at pagnanais, sa kategoriya ng pag-uunawa at pagbibigay-kahulugan ng ako. Walang tunay na pakikibahagi sa iniibig bilang ka-iba kung hindi nito matutunang tanggapin ang ka-iba bilang ibang-iba at hindi maiuuwi sa mga kategoriya ng ako. Samakatwid, dapat ang ka-iba ang magtakda ng mga kondisyon ng pagtatagpo. At sa ganitong paraan, siya ang nagiging centro ng pag-iral ng ako. Ang pag-ibig ang pagkamulat sa ka-iba bilang ibang-iba na hindi dapat gawing bahagi lamang ng ako kundi dapat matagpuan sa pagiging ka-iba nito.  Kaya ginagawang centro ng pag-iral ang iniibig dahil sa ganitong paraan lamang lalampasan ang pagkasentro ng ako at magiging posible ang pagtatagpo sa ka-iba ayon sa kondisyon ng kanyang pagiging iba.[xxxiv] Ang tunay na kilos ng pag-ibig ay isang kilos ng pagsuko ng centro sa iniibig. Ito ang pagbubukas sa posibilidad na ang Ganap na Iba ang tagapagtakda ng pag-iral ng sarili. Sa pag-ibig, kilos ng tao na tumalikod sa katutubong pagsasatupad ng pag-iral upang hayaan na itakda ng iniibig ang pag-iral nito.[xxxv]

Sa pakikibahagi, binabago ng Diyos ang tao dahil ang bawat pagsasatupad ng pagdirito ay isinasatupad ayon sa paraang itinatakda ng Diyos.[xxxvi] Isinusuko ng tao ang sarili bilang tagapagtakda ng sariling pag-iral upang maisatupad ng Diyos ang pag-iral ng tao sa paraang naaayon sa Diyos.[xxxvii] Sumasailalim sa Diyos ang kilos ng bawat bahaging nagbubuo sa tao.[xxxviii] Sa pag-iisa, isinusuko ng tao ang katutubong kilos ng entendimiento (pag-uunawa), memoria (alaala), at voluntad (kalooban) kaya ang mga ito ay nag-iisip, umuunawa, at umiibig ayon sa paraan ng bagong centro na nagtatakda dito.[xxxix] Ganoon rin sa kilos ng mga pandama. At ang dating pag-iral na isinasatupad ayon sa balangkas ng mga makataong hangganan ay binabago sa balangkas ng pag-iral ng Diyos.[xl]

Sa puntong ito, sinasabi ni San Juan de la Cruz na

Hindi ang banal na substansiya ang substansiya ng tao, dahil hindi maaaring magbago ang substansiya nito sa Diyos. Ngunit sa pagiging isa sa Diyos at sa pagpapasakop sa Kanya ay nagiging Dios por participacion.[xli]

Dito sinasabi ng santo na ang tao ay ginawang bukas sa Diyos at angkop sa pahayag ng Diyos dahil sa pag-ibig.[xlii] Dahil sa pag-ibig, nagiging Dios por participacion ang tao na tinutulak ng pag-ibig na mapuno ng bagong pag-iral ng Ganap na Iba.[xliii] At dahil sa pakikibahagi na ito, nagiging katulad ng Diyos ang tao.[xliv]

Ang Pagiging Sapat sa Pagbabago

Upang matanggap ng tao ang Diyos bilang centro na tagapagtakda ng pag-iral, kailangan nitong maging angkop sa pagbabahagi ng Diyos ng Kanyang sarili. Samakatuwid, kailangan ng tao na iangkop ang mga kakayahan, na angkop lamang sa mondo, sa pahayag ng Diyos na may ibang pag-iral. Ibang-iba rin ang kanyang pahayag sa katalagahan na nauunawaan ng tao bilang bahagi ng kanyang mondo.[xlv] Ganap ang kaibhang ito, at walang kakayahan ang tao na unawain ang istruktura ng ganap na iba mula sa kanyang mga kakayahan lamang. Matatanggap lamang ang pahayag ng Diyos kung malalagpasan ng tao ang katutubong balangkas ng pagdirito at pakikisangkot sa totoo upang maisatupad ang sariling pagdirito ayon sa paraan ng Diyos.[xlvi] Sa katutubong kalagayan ng pag-iral at pakikisangkot sa katalagahan, angkop lamang ang kakayahan ng tao na makisangkot sa katalagahan ayon sa katutubo nitong istruktura ng pag-unawa at pagdanas. Tulad ng madalas sabihin ni San Juan de la Cruz, natatanggap lamang ang pahayag ng nagpapahayag ayon sa sukat ng kakayahan ng tumatanggap.[xlvii] Kung may hangganan ang kakayahang tumanggap, ang pag-iral na walang hanggan ay nauunawaan at nararanasan sa abot-tanaw na may hangganan. Bilang ganap na iba, ang Diyos lamang ang may tamang sukat ng pagtanggap sa sarili Niyang pahayag.[xlviii] Samakatwid, matatanggap lamang ng tao ang pahayag ng Diyos kung tinatanggap nito ang Diyos ayon sa paraan ng Diyos. Samakatwid, kailangang tanggapin ng tao ang Diyos bilang Diyos mismo.[xlix] Dapat dalisayin ang bawat operasyon ng tao mula sa anumang bahid ng katutubong paraan upang maging posible ang pagkilos ng mga operasyon na ito ayon sa paraan ng Diyos.[l] 

 



[i] Mayroong mga bahagi na gagamitin ang katagang centro at ibang pagkakataon na gagamitin ang katagang sentro. Kapag ginamit ang centro, tinutukoy nito ang bukal ng sarili na nagtatakda sa bukod-tanging pag-iral ng tao. Kapag ginamit naman ang katagang sentro, tinutukoy ang sarili bilang tagapagtakda ng kahulugan at halaga ng katalagahan. Binibigyang diin sa centro ang pakikitungo ng tao sa sarili at ng sentro ang pakikitungo ng sarili sa ibang umiiral.

               

                [ii]Edith Stein, The Science of the Cross, Isinalin ni Hilda Graef (London: Burns and Oats, 1960), p. 122.

 

                [iii]Llama 1,12. Tuwing ginagamit ang Llama, tinutukoy nito ang Llama de Amor Viva ni San Juan de la Cruz.

 

                [iv]Llama 1,9.

 

                [v]Louis Dupre, "The Mystical Experience of the Self and its Philosophical Significance," International Philosophical Quarterly 14 (December 1974): 496. 

 

                [vi]Ibid., 497.

               

                [vii]Ibid., 496.

 

                [viii]Stein, 120.

 

                [ix]Ibid., 122.

 

          [x]Stein, 144.

 

                [xi]Joseph Marechal, Studies in the Psychology of the Mystics, isinalin ni Algar Thorold (New York: Magi Books, 1964), 170.

 

                [xii]Noche II,2,1. Ginagamit ang Noche upang itukoy ang  akdang Noche Oscura.

 

                [xiii]Stein, 122.

 

                [xiv]Jaques Maritain, The Degrees of Knowledge, isinalin sa pamamahala ni Gerald B. Phelan (New York: Charles Scribner's Sons, 1959), 361.

 

                [xv]Stein, 118-19.

 

                [xvi]Llama 1,9-13.

               

                [xvii]Clyde Pax, "Companion Thinkers: Martin Heidegger and John of the Cross," Philosophy Today 29 (Fall 1985): 238.

 

                [xviii]Noche II,23,13.

 

                [xix]Llama 1,9.

 

                [xx]Subida II,5,3. Stein, 136-39. Tatlong paraan ang tinatalakay ni Stein ayon sa pagmumunimuni ni San Juan de la Cruz nguni't dalawang paraan lamang ang tatalakayin sa bahaging ito. Ginagamit ang Subida  upang itukoy ang aklat Subida del Monte Carmelo.

 

                [xxi]ST Ia, Q.44, A. 1. 

 

                [xxii]Subida II,5,3.

 

                [xxiii]Subida II,5,3.

 

                [xxiv]Noche II,20,5.

 

                [xxv]Llama 3,78.

 

                [xxvi]Llama 1,35, Llama 2,17.

 

                [xxvii]Noche II,20,5.

 

                [xxviii]Noche II,20,5.

 

                [xxix]Llama 1,13.

 

                [xxx]Subida II,5,5-6.

 

                [xxxi]Maritain, 368.

 

                [xxxii]Cantico 38,3, Cantico 39,4-5. Tinutukoy ng Cantico ang Cantico Espiritual B.

 

                [xxxiii]Marechal, 176-77.

 

                [xxxiv]Ito ang buong paksa ng pamimilosopiya ni Emmanuel Levinas. Mahusay na pambungad sa kanyang pag-iisip ang, Ethics and Infinity, isinalin ni R. Cohen (Pittsburg: Duquesne University Press, 1985). Tignang ang pahinang 59-60.

 

                [xxxv]Maritain, 356.

 

                [xxxvi]Cantico 39,4-5.

 

                [xxxvii]Cantico 23-24,4, Noche II,6,1.

 

                [xxxviii]Noche II,20,5.

 

                [xxxix]Llama 3,9, Cantico 38,3.

 

                [xl]Subida III,13,3. Maritain, 369.

 

                [xli]Cantico 2,29-36.

 

                [xlii]Ibid., 370.

 

                [xliii]Ibid., 372.

 

                [xliv]Cantico 23,4, Subida II,5,7.

 

                [xlv]Johannes Bendick, "God and World in John of the Cross," Philosophy Today 16 (Winter 1972): 284.

 

                [xlvi]Llama 3,14.

 

                [xlvii]Llama 3,32, Noche I,4,2, Noche II,16,4.

 

                [xlviii]Subida III,12,2.

 

                [xlix]Maritain, 370.

 

                [l]Llama 2,34.