OTHER ARTICLES
Ang Landas ng Nada: Pagbubuo sa Pagsuko
PART I
PART II
PART III

 

 

 


Ang Landas ng Nada: Pagbubuo sa Pagsuko

Agustin Martin G. Rodriguez
(Pagpapatuloy)

Ang Mga Operasyon ng Alma

Ang Obheto ng mga Katutubong Operasyon

May mga katutubong kakayahan ang tao na dumama, umunawa, kumusa, at makisangkot sa katalagahan. Ito ang kakayahan ng mga panloob at panlabas na pandama at ng potencias espirituales. Ang kabuuang ito ang tinatawag ni San Juan de la Cruz na mga operasyon ng alma, o ng pinakabuod ng pagkatao. Angkop itong mga operasyon ng alma sa pag-uunawa at pakikisangkot ng tao sa mondo, o sa katalagahan mula sa kanyang pag-uunawa bilang sentro na tagapagtakda ng kahulugan. Samakatuwid, angkop lamang ang kakayahan ng tao na makibahagi sa katalagahan ayon sa paraang itinatakda ng makataong pagnanais at pangangailangan.[i] Ang pagturing sa mga umiiral ayon lamang sa depinisyon na ibinibigay ng makataong pangangailangan at pagnanais ang tinutukoy ni San Juan de la Cruz bilang pakikisangkot ng tao sa mga criaturas.[ii] At itong pagkapit sa mga criaturas ang itinuturing niyang hadlang sa landas ng pagkakaisa sa Diyos.[iii]

Mahalagang linawin dito na hindi winawalang-halaga ang pag-iral ng mga nilikha nang sabihing hadlang ito sa pakikiisa sa Diyos. Sa kanyang paglalarawan sa katuparan ng pakikiisa ng tao sa Diyos, tinatalakay niya ang mga nilikha bilang mabuti at maganda.[iv] Ito ay dahil nakikita ng tao ang tunay na kahulugan ng kanyang pag-iral sa pagkamulat bilang Dios por participacion. Ngunit hangga't hindi nararating ang kalagayan ng pakikiisa, nakikisangkot lamang ang tao sa katalagahan ayon sa balangkas ng makataong pakikibahagi. At ang mga nilikha na nauunawaan mula sa makataong balangkas ng pakikibahagi sa katalagahan (criaturas) ay itinuturing niyang hadlang sa pakikiisa sa Diyos. Malinaw ito sa  pagbibigay-diin niya sa pangangailangang ituring na wala ang pag-iral ng criaturas kung ihahambing sa pag-iral ng Diyos.[v] Maituturing na wala ang mga criaturas dahil ang pag-iral ayon sa pagkikilala ng tao ay ang pag-iral ng mga bagay ayon sa kahulugang ibinibigay dito ng tao. Maituturing na "wala" ang pag-iral na ito dahil hindi ito ang tunay na anyo ng kanilang pag-iral na itinatakda ng Diyos. Kung mapako ang pakikisangkot ng tao sa katalagahan bilang criado, hindi magiging posible ang pakikisangkot sa pag-iral na itinakda ng Diyos. Kaya kapag iminumungkahi ni San Juan de la Cruz na ituring bilang "wala" ang criado, iminumungkahi niyang ituring na wala ang pag-iral na nauunawaan mula sa balangkas ng pag-uunawa ng tao sa nilikha.[vi] Kung ipinawalang-bisa ang pagtanggap sa criado bilang tunay na anyo ng pag-iral ng bagay, mas magiging posible ang pag-unawa sa kahulugan ng katalagahan na itinakda ng Manlilikha.

Ang Balangkas ng Pahayag at
Balangkas ng mga Operasyon

Nilalabag ng tao ang buong katotohanan ng pahayag ng Diyos kung pipilitin nitong unawain ang pahayag mula sa katutubong balangkas ng pakikisangkot ng mga operasyon ng alma. Sa kilos na ito, pinipilit niyang bigyang-paliwanag ang pahayag ng Diyos sa paggamit ng balangkas ng pag-uunawang walang kakayahang unawain ang ganap na katotohanang ipinapahayag. Sa ganitong paraan, nananatiling sentrong nagtatakda ng pahayag ang taong umuunawa mula sa katutubong kilos ng mga operasyon. Ang walang-hanggang paraan ng Diyos ay isinasalin sa mga paraang may hangganan.[vii] Upang maranasan ng tao ang pahayag ng Diyos mismo ayon sa paraang nararapat sa pahayag, dapat niyang matutunang maranasan ang katalagahan mula sa bagong balangkas ng pakikisangkot sa totoo. Maisasatupad ito sa pamamagitan ng pagwawalang bisa sa katutubong kilos ng mga operasyon.[viii] Ito ang unang hakbang sa pagpapalawak ng kakayahan ng mga operasyon na makisangkot sa katalagahan sa paraang lagpas-sa-kalikasan o sobrenatural.[ix] Tungo ang paghahandang ito sa ganap na pagsuko ng tao ng kanyang centro  na nagpapatupad ng mga kilos ng mga operasyon sa Diyos bilang bagong centro na magpapatupad ng mga operasyon ng alma. Nasa pagsukong ito ang posibilidad ng pagtatakda ng Diyos sa pakikisangkot ng tao sa umiiral.[x] Samakatwid, ang lahat ng operasyon ng alma na kumikilos sa paraang iba sa paraan ng Diyos ay kailangang isaknong, tulad ng pag-epoche ng penomenologo sa pag-uunawa ng sentido komun sa katalagahan. Kailangang ipawalang-bisa ng mistiko ang katutubong paraan ng pagbibigay-kahulugan sa katalagahan sapagkat sa ganitong paraan lamang nalalagpasan ang pananatili ng sarili bilang centro na tagapagtakda ng kilos ng mga operasyon.[xi]  

 

Ang Landas ng Nada

Ang Pagpapasya sa Antas ng Pakikisangkot

Ang buod ng landas ng pagbubuo ni San Juan de la Cruz ay ang unti-unting pagsasanay sa tao na umiral ayon sa paraan ng Diyos na ganap na iba. Kaya hinihingi sa tao na ipawalang-bisa ang pakikisangkot ng mga operasyon nito, ng panloob at panlabas na pandama at ng entendimiento, voluntad, at memoria, sa lahat ng mga criado. Kung ipinasya niyang makisangkot sa nibel ng criados, pinipili ng taong humiwalay sa antas ng pag-iral na itinatakda ng Diyos.[xii] Kaya sinasabi ni San Juan de la Cruz na labag sa pananahan sa diwa ang pananahan sa laman.[xiii] Kailangang maging tapat ang tao sa iisang balangkas ng pag-iral, sa iisang paraan ng pakikisangkot sa katalagahan. Kailangang ipasya ng tao ang kahulugan ng katalagahang kinasasangkutan, at kailangang ipasya kung sino o ano ang centro na magtatakda ng kahulugang ito. Hindi maaaring makisangkot ang tao sa katalagahan ayon sa paraan ng Diyos kung nananatili itong centro na nagtatakda ng pakikisangkot sa katalagahan. Kung nakikibahagi ang tao sa katalagahan bilang mondo ng mga criado, at pilitin nitong makisangkot sa lahat bilang sentro na tagapagtakda, hindi nito nararating ang paraan ng pakikisangkot na sobrenatural. Nabibitin ang pag-iral nito sa katalagahan bilang phainomena dahil nananatili ito sa nibel ng katutubong kilos ng mga operasyon.[xiv]

 

Ang Kahulugan ng Nada

Dahil sumasaibayo ang katalagahan ng Diyos sa kayang maunawaan ng tao, kailangang ilagay ng tao ang sarili sa kalagayan ng pakikisangkot sa katalagahan na lumalagpas sa kinasanayang paraan ng pagdama, pagnanais, pag-ibig at pag-uunawa. Kailangang ilagay ang sarili sa isang kalagayan na bukas sa paraan ng ganap na iba.[xv] At ito ang buong kahulugan ng nada na landas ni San Juan de la Cruz. Ang landas ng nada ang pagtatanggi sa lahat ng katiyakan at pag-unawa sa katalagahan na itinatakda ng tao mula sa katutubong pag-uunawa. Ang taong naglalakbay sa landas ng nada ay parang bulag na ginagabayan ng nakakakita. Kailangang magtiwala ang bulag sa nakakakita, at hindi niya maaaring ipataw ang ipinapalagay niyang landas, dahil kailangan niyang bitawan ang sariling pag-uunawa sa daan sa talagang nakakaunawa.[xvi]

Ang landas ng nada ay landas ng ganap na paghindi sa sariling kakayahang bigyang- kahulugan ang mundo. Sinasabing nada dahil nagiging parang wala ang sarili at ang mondo na itinatakda nito. Nababatay ang buong landas ng nada sa iisang kilos: ang pagsuko ng sarili ng centro na nagtatakda ng paraan ng pakikitungo sa Diyos. Ito ang diwa ng pagpapahayag ni San Juan de la Cruz na hindi mahahanap ang Diyos kung mananatili sa higaan ng sariling kahiligan at kaligayahan.[xvii] Hindi maaaring manatili sa "malawak at maginhawang landas."[xviii] Maginhawa ang landas dahil naaayon sa katutubong paraan ng paglalakbay. Wala itong dalang pagdurusa o paghihirap dahil ang tao ang siyang nagtatakda ng daan. Ngunit upang marating ang Diyos, mahalagang tahakin ang landas na walang sarap o ligayang dinudulot.[xix] Kinikilala si San Juan de la Cruz bilang mabagsik na santo ng pagtatalikod sa lahat ng pansariling kaligayahan dahil sa inilalarawang landas tungo sa kalagayan ng pagtatahan ng tao sa Diyos mismo. Ngunit hindi ito ang buod ng mga sumusunod na mungkahi kung saan mahahanap ang puso ng doktrina ng nada.

Upang makamit ang lahat,
naising makamit ang wala.
Upang marating ang pagiging lahat,
naising maging wala....

Kapag ibinigay ang sarili sa pagnanais ng ano mang bagay,
tinatalikuran mo ang lahat.
Upang marating ang lahat sa pamamagitan ng lahat,
dapat hubaran ang sarili ng lahat....

Nahahanap ng tao ang kapayapaan
sa pagkahubad,
dahil kapag wala itong ninanais,
walang umaangat sa kanya,
at walang nagpapabigat,
dahil ito'y nananahan sa
kaibuturan ng kanyang pagpapakumbaba.[xx]

Madaling mapako ang pagmumuni sa doktrinang ito sa aspeto ng pagtalikod sa nilikha, o anumang obheto ng makataong pagnanais. At maaari ring mapako sa aspeto ng pagwawalang-halaga sa umiiral. Ngunit ang buod ng doktrina ay narito: "nananahan sa sariling pagpapakumbaba" ang tao sa pagkahubad nito. Itong "pagtatahan sa sariling pagpapakumbaba" ang pag-iral sa paraang tumatalikod sa pag-iral bilang sentro ng katalagahan upang gawing sentro ang ka-iba.[xxi]

 

Ang Ako sa Sentro at Ang Pananahan sa Pagpapakumbaba

Likas na kilos ng pag-iral ang pananatili sa sentro ng ako. Ang ako ang nagtatakda ng kahulugan at halaga ng lahat ng umiiral sa mundo. Madalas, ang ako ang nagtatakda ng katotohanan ng mga umiiral at ang kanilang kinahuhulugan sa kabuuan ng pag-iral. Nagkakaroon lamang ng kahulugan at halaga ang katalagahan sa ako ayon sa gamit ng umiiral sa pagpapanatili ng aking pag-iral. Dahil dito, sinusubukan ng ako na itakda ang paraan ng pag-iral ng mga umiiral dahil sa ganitong paraan lamang masasakop ang umiiral bilang ka-iba, at gawin itong bahagi ng mundo ng mga pangangailangan ng ako. Batas ito ng pag-iral. Upang manatili sa pag-iral, nararapat na gawing sentro ang sarili sa katalagahan upang masakop ang pag-iral ng iba at gamitin ito para sa pangangailangan ng sariling pag-iral.[xxii] Halimbawa lamang dito ang paglamon ng hayop sa halaman na may taglay na sariling istruktura ng pag-iral. Sa paglamon ng hayop dito, literal na nagiging bahagi ng sistema ng sariling pag-iral ang dating may sarili at bukod-tanging pag-iral. Ganito rin ang kilos ng imperyalismo ng mga makapangyarihang bansa na sumasakop sa mga mahihinang bansa. Ito mismo ang kilos ng paghahagilap sa Diyos ayon sa sariling paraan, pagnanais, at kakayahan. Ang kilos na ito ay nag-uuwi sa ganap na ka-iba (dahil nga ganap ang agwat na namamagitan sa Diyos at mga nilikha) sa sariling pagbibigay-kahulugan at halaga sa pag-iral.[xxiii] Ito ang kilos ng tao na iniiwasan ni San Juan de la Cruz sa landas ng nada. Nakikita niya ang pagbaling ng tao sa kilos ng paglalagay sa Diyos sa isang nibel ng pakikitagpo na itinatakda nito. Ito'y kilos ng pag-uwi ng Diyos sa uniberso ng mga bagay na pinakikinabangan ng sarili, ang paraan ng paghahagilap sa Diyos habang nananatili sa higaan ng sariling kaginhawaan.

Dapat talikuran ang pagnanais na sukatin ang Diyos ayon sa mga batayan ng sarili, sa halip  sukatin ang sarili sa Diyos.[xxiv] Maaaring sa simula ng buhay-espirituwal, naghahanap ang tao ng mga espirituwal na kaginhawaan na nakukuha sa pakikitagpo sa Diyos.[xxv] Para sa kanila, mahalagang maranasan sa mga itinakdang kategorya ang katalagahan ng Diyos, dahil sa ganitong paraan maaaring makipag-ugnay sa Diyos mismo ang tao na kumikilos pa sa sariling paraan ng pag-iral.[xxvi] Ngunit kilos ng pagtatakda ang pagnanais na ito.[xxvii] Hindi dapat hanapin ang Diyos na nauunawaan at nararanasan mula sa sariling mga kategorya ng pag-uunawa at pagdanas. Dapat hanapin ang Diyos mismo.[xxviii] Kilos ng pagpapakumbaba o pagsuko ng tao sa pagiging centro ang pagharap sa Diyos ayon sa kanyang sariling pag-iral. Ito ang ganap na pagsuko ng sarili at ganap na pag-oo sa Diyos bilang sentro ng sanlinikha.[xxix] Samakatwid, kailangan ng taong pumasok sa gabi ng pagdadalisay upang marating ang isang tunay na pagdanas sa Diyos.

Itinuturing ni San Juan de la Cruz ang landas ng nada bilang isang mahabang gabi ng pagdadalisay. Tinatawag niya itong gabi dahil, sa pagbawi ng bisa sa lahat ng makataong kakayahan, naglalakbay sa kadiliman ang tao.[xxx] Habang dinadalisay pa ang mga makataong kakayahan sa lahat ng operasyon ng alma at hindi pa ito nababago sa kilos ng Diyos, naglalakbay itong parang bulag. Bulag ang tao na binawian ng katutubong paraan ng pakikisangkot sa katalagahan,[xxxi] ang nakabitin sa pagitan ng dating paraan ng pakikisangkot at bagong paraan.[xxxii]

 

Ang Gabi ng Pandama at Ang Gabi ng Espiritu

Hinahati ni San Juan de la Cruz sa dalawang bahagi ang gabi ng pagdalisay upang  maipaliwanag ito nang mabuti, bagama't sa tunay na karanasan, walang payak na paghati ng mga gabi. Gabi ng mga pandama ang unang gabi.[xxxiii] Sa gabing ito, hinihiwalay ng tao ang sarili sa paraan ng pakikisangkot sa katalagahan ayon sa mga paraan ng pandama. Sa gayon dinadalisay ang tao mula sa mondo na nauunawaan at kinasasangkutan ayon sa mga paraan ng pandama.[xxxiv] Naisasatupad sa gabing ito ang pag-aangkop ng mga maka-pandamang bahagi sa mga paraan ng espirituwal na bahagi.[xxxv] Pinapalaya sa gabing ito ang tao mula sa pagdanas sa katalagahan bilang fantasma at imagines. Dahil ang katalagahan na inuunawa bilang fantasmas at imagines ang katalagahan na itinatakda mula sa abot-tanaw ng tao. Kaya ang paglaya ng tao mula sa mondo ay kailangang magsimula sa pagwawalang-bisa ng pag-uunawa sa katalagahan ng mga pandama. Dahil sa pagwawalang-bisa ng larawan nito ng katalagahan, pinalalaya rin ang mga potencias espirituales, i.e., ang memoria, voluntad, at entendimiento, mula sa mondo upang maisatupad nito ang pagbubukas sa espirituwal na aspeto ng katalagahan. Ang espirituwal na bahagi ay bahagi ng tao na may kakayahang makisangkot sa katalagahan ayon sa paraan ng Diyos mismo. Ngunit, kung nananatili ito sa pakikisangkot sa katalagahan ayon sa katutubong pag-uunawa ng panloob at panlabas na pandama, mananatiling posibilidad lamang ang pakikisangkot sa Diyos at sa katalagahan mula sa pag-uunawa ng tao.

Hindi sinasabi ni San Juan de la Cruz na walang halaga ang mga kilos ng pandama sa pagkamulat sa pahayag ng Diyos ng kanyang Sarili at ng katalagahan. Kapag nabago na ang kabuuan ng makataong kilos sa paraan ng Diyos, ang mga fantasmas at imagines ay maaaring bigyang-kahulugan mula sa abot-tanaw ng katotohanang itinakda ng Diyos. Ngunit sa katutubong kilos ng mga pandama, maaari lamang nilang maunawaan ang katalagahan bilang phainomena. Kaya hangga't hindi pa namumulatan ang pandama sa katalagahan mula sa pag-uunawa ng Diyos, dapat ipawalang-bisa muna ang pag-uunawang itinatakda nila sa katalagahan. Totoong imposible na hindi pairalin ang mga kilos ng pandama, ngunit sa gabing ito, dapat ituring ang mga katutubong pag-uunawa sa katalagahan bilang nagkukulang, kaya dapat ibitin ang pagpasya sa katotohanan nito hanggang mamulatan sa ganap na totoo.[xxxvi]     

Ang gabi ng espiritu ang gabi ng pagdadalisay sa memoria, voluntad, at entendimiento. Sa gabing ito, pinatatahimik ang mga katutubong operasyon ng espirituwal na bahagi upang ang Diyos mismo ang magsatupad ng mga kilos nito.[xxxvii] Sa pagpapatahimik ng mga operasyon ng espiritu, nagiging handa ang tao na mapuno ng mga kilos ng Diyos mismo upang tanggapin ang pahayag ng Diyos ayon sa paraang angkop sa pahayag.[xxxviii] Sa gabing ito, pinatatahimik ang katutubong kilos ng espirituwal na bahagi upang walang maging hadlang sa kilos ng Diyos mismo. Kung baga, inaangkop ang espiritu na may-hanggan sa espiritu na walang-hanggan.[xxxix] At magagawa lang ito kung ipawalang-bisa ng tao ang katutubong pakikisangkot ng potentias spirituales bilang tagapagsuri at tagapagpasya ng kahulugan at anyo ng mundo.

 

Ang Activo  at Pasivo na Gabi ng Pagdadalisay

May dalawang uring kilos ng pagdadalisay na isinasatupad sa pagtatahak sa mga gabing ito: ang activo at pasivo. Ang activo na aspeto ng pagtahak sa gabi ng maka-pandamang bahagi at ng espirituwal na bahagi ay isinasatupad ayon sa kakayahan ng tao, at ang pasivo na bahagi ay isinasatupad ng Diyos para sa tao. Tinatawag na activo ang gabi kapag ang pagdadalisay ay isinasatupad ng tao ayon sa kanyang sariling mga kakayahan. Activo ang tao dahil ginagamit nito ang buong lakas at kakayahan upang ipawalang-bisa ang mga kilos ng sarili na nananatiling centro ng makataong pag-iral. Sa ganitong paraan, ihinahanda ng tao ang kanyang sarili upang tanggapin ang paraan ng Diyos bilang bagong centro ng makataong pag-iral. Tinatawag itong activo dahil sinisikap ng tao na maisatupad mula sa sariling kapangyarihan ang pagtatalikod nito sa pananatiling sentro ng pag-iral. Ito ang isinasatupad na "pagtalikod sa sarili" upang makamit ang Diyos mismo.[xl] Sa aktibong pagdadalisay, mahalagang talikuran ng tao ang lahat ng kilos na katutubo. Malinaw ito sa antas ng mga pandama na binibigyang-kahulugan ang katalagahan mula sa mga sariling kategorya nito. Kaya ang ano mang pag-uunawa at pagnanais na bunga ng pakikisangkot ng tao sa katalagahan ayon sa paraan ng mga panloob at panlabas na pandama ay hindi hinahayaang magtakda sa paraan ng pakikisangkot ng tao sa katalagahan. 

Bagama't itinuturing na bahaging angkop sa pahayag ng Diyos ang mga potencias espirituales, hindi nito kayang matanggap ang pahayag ng Diyos ayon sa sarili nitong kakayahan. Kaya upang tunay na maabot ang Diyos dapat isuko ang mga katutubong operasyon ng memoria, voluntad, at entendimiento.[xli] Sa aktibong gabi ng espiritu, isinasatupad ng tao, sa abot ng makakayanan nito, ang pagwawalang-bisa sa kilos ng memoria bilang kilos ng paghawak sa mga karanasan. Isinasatupad ito sa pamamagitan ng pag-asa na kilos ng pagtutuon ng alaala sa hindi pa nito natatamasa[xlii] dahil ganap na humihigit ang Diyos sa ano mang naranasan na ng tao. Upang mapatahimik ang katutubong kilos ng entendimiento, na kilos ng pag-uunawang inuuwi ang nauunawaan sa balangkas na taglay ng kaisipan, nararapat ang pananampalataya. Dahil sa pananampalataya nakatuon ang kaisipan sa hindi nito kayang maunawaan. Kaya sa pananampalataya, tinatalikuran ang likas na kakayahan ng tao na umunawa.[xliii] At upang maisuko ang katutubong kilos ng voluntad, dapat talikuran ang lahat ng pagnanais sa mga criado at ituon lamang ang buong pag-ibig sa Diyos. At sa kasukdulan ng pagbabago, ang pag-ibig ng tao ay naisasatupad tulad ng ganap na pag-ibig ng Diyos, dahil ang Diyos ang magpapakilos sa tao sa kanyang kaibuturan.[xliv]

Nagpapahayag ang Diyos sa mga espiritu na tahimik, i.e. sa tao na hindi pinakikilos ang mga pandama at mga potencias espirituales.[xlv] Samakatwid, sa aktibong gabi ng pandama at sa aktibong gabi ng espiritu, isinasatupad ng tao ang pagwawalang-bisa ng pagbaling nito sa katutubong kilos upang maihanda ang kabuuan ng pagkatao sa pagpapatupad ng Diyos sa pag-iral nito. Bagama't may kakayahan ang taong ipawalang-bisa ang katutubo niyang paraan ng pakikisangkot sa katalagahan, may hangganan ang kakayahang ito. Mapapatahimik lamang ng tao ang pagkapit sa larawan ng katalagahan sa pamamagitan ng katutubong paraan. Ngunit kailangang dumaan ang tao sa gabing isinasatupad ng Diyos para sa kanya upang mapatahimik ang mismong pagkilos ng katutubong paraan. Ito ang landas na inihahatid ng Diyos ang tao sa kanyang patutunguhan. Dahil ang patutunguhan ng tao ay hindi pa naranasan o naunawaan nino man, maliban sa Diyos.

Ang activo na pagdadalisay ay kilos ng sabay paghahanda at tugon sa pagbabagong isinasatupad ng Diyos. Hindi maituturing na ganap na handa ang tao sa kilos ng pagbabago, at hindi pa nararating ang tunay na pagdadalisay, kung hindi ito dumaan sa gabing pasivo. Mas ganap na pagsasatupad ng paghuhubad ang pagdadalisay ng makapandama at espirituwal na bahagi ng tao na isinasatupad ng Diyos.[xlvi] Walang tao na nakararating sa gabi kung hindi ito nilalagay ng Diyos sa gabi.[xlvii] Sa gabing ito, iniaangkop ang tao na may hangganan sa Diyos na walang hanggan.[xlviii] Kaya, higit sa pagtatahimik ng katutubong paraan ng pakikisangkot ng mga operasyon, inaangkop ang buong paraan ng pagsasatupad sa pag-iral sa ganap na ibang paraan ng Diyos.

Ginagamit ni San Juan de la Cruz ang larawan ng pagbabago ng kahoy sa apoy upang ilarawan ang kilos ng Diyos sa tao. Sa larawang ito umiikot ang tulang Llama de Amor Viva ngunit mas ganap na naipapaliwanag ang larawan sa prosang komentaryo ng Noche Oscura.[xlix] Inihahambing ni San Juan de la Cruz ang kilos ng pagdadalisay ng Diyos sa tao sa kilos ng pagbabago sa kahoy ng apoy. Upang maging angkop ang kahoy sa pagiging apoy, unti-unting dinadalisay ng apoy ang kahoy mula sa mga elementong hindi apoy mismo. Dinadalisay ng apoy ang kahoy mula sa mga katangiang hindi ayon sa pagka-apoy ng apoy mismo. At kapag nadalisay na ang kahoy, handa ito upang maisatupad ang pag-iral ayon sa paraan ng apoy. Pagkatapos ng pagdadalisay, wala nang sariling kilos ang kahoy. Natitira lamang ang kilos ng apoy mismo na isinasatupad sa kahoy. Natitira sa pagdadalisay ang kahoy na umiiral ayon sa mga katangian at kilos ng apoy. Ang mga katangiang isinasatupad nito ay naaayon sa mga katangian ng apoy mismo.

Ganito ang nagaganap sa pasibong pagdadalisay sa tao. Tulad ng apoy, isinasatupad ang mga hakbang ng pagdadalisay ng Diyos. Ang Diyos ang kumikilos, at nananahimik ang tao.[l] Walang kakayahan ang tao na padalisayin ang sarili mula sa mga kilos na katutubong bahagi ng pag-iral nito. Maikikilos lamang ng tao ang paghahanda, upang huwag maging hadlang ang sarili sa kilos ng pagdadalisay ng Diyos. Kaya mahalagang manatiling pasivo ang tao sa bahaging ito ng pagdadalisay, dahil maaaring maging hadlang sa ganap na kilos ng Diyos ang sariling kakayahan. Nagkukulang ang marupok na kilos ng tao sa ibinibiyaya ng Diyos.[li] Dumaraan sa aktibong pagdadalisay ang pagkukusa ng tao na iwanan ang mga katutubong kilos sa kabuuan nito upang marating ang pasibong antas ng pagdadalisay kung saan ang Diyos lamang ang kumikilos. Kung baga, ang Diyos ang gabay ng bulag upang marating ang lugar na hindi pa nararating.[lii]

 



 

                [i]Llama 1,23.

 

                [ii]Subida III,19,1, Subida III,21,2.

 

                [iii]Subida I,4,1-4, Subida III,3,4.

 

                [iv]Llama 4,4.

 

                [v]Subida I,4,3.

 

                [vi]Bendick, 285.

 

                [vii]Green, 31.

 

                [viii]Subida II,4,4, Subida II,4,2. Bendick, 284.

 

                [ix]Llama 1,23.

 

                [x]Subida II,5,4. Maritain, 370.

 

                [xi]Llama 2,6. Maritain, 357.

 

                [xii]Subida II,4,3.

 

                [xiii]Subida III,26,1.

 

                [xiv]Llama 3,72.

 

                [xv]Pax, 236-37.

 

                [xvi]Subida II,1,2.

 

                [xvii]Noche II,24,4.

 

                [xviii]Llama 2,27.

 

                [xix]Subida II,7,4-5.

 

                [xx]Subida I,3,11.

 

                [xxi]Dupre, The Other..., 528. Ginagamit ko ang bokabularyo ni Emmanuel Levinas upang ipaliwanag ang kahulugan ng pagtatahan sa pagpapakumbaba ni San Juan de la Cruz.Tingnan ang "On The Trail of the Other," Philosophy Today 10 (Spring 1966): 43-44.

               

                [xxii]Ito nga ang katotohanan ng pag-iral na inilahad ng pilosopong si Emmanuel Levinas sa Ethics..., 85-101.

 

                [xxiii] Emmanuel Levinas, "God and Philosophy," Collected Philosopohical Papers (   Martinus Neijhof,         ), 155-159.

 

                [xxiv]Noche I,7,3.

 

                [xxv]Noche I,6,1-4.

 

                [xxvi]Noche I,6,5.

 

                [xxvii]Subida II,7,4-5, Subida III,1,1-3.

 

                [xxviii]Subida II,7,5.

 

                [xxix]Subida I,13,11. Maritain, 331.

 

                [xxx]Subida I,1,4.

 

                [xxxi]Subida I,3,1-3.

 

                [xxxii]Dupre, 523.

 

                [xxxiii]Subida I,1,2.

 

                [xxxiv]Dupre, 527.

 

                [xxxv]Noche II,2,1. Maritain, 361.

 

                [xxxvi]Maritain, 359.

 

                [xxxvii]Ibid., 361.

 

                [xxxviii]Green, 34.

 

                [xxxix]Maritain, 362.

 

                [xl]Subida I,13,9.

 

                [xli]Subida II,6,1.

 

                [xlii]Subida II,6,3.

 

                [xliii]Subida II,4,2.

 

                [xliv]Llama 1,9.

 

                [xlv]Llama 3,44. Maritain, 361.

 

                [xlvi]Noche I,3,3.

 

                [xlvii]Subida I,1,5.

 

                [xlviii]Maritain, 362.

 

                [xlix]Noche II,10,1.

 

                [l]Bendick, 287.

 

                [li]Noche I,9,7.

 

                [lii]Llama 3,29.