OTHER ARTICLES
Ang Landas ng Nada: Pagbubuo sa Pagsuko
PART I
PART II
PART III

 

 

 

 


Ang Landas ng Nada: Pagbubuo sa Pagsuko

Agustin Martin G. Rodriguez
(Pagpapatuloy)

Ang Pasivo na Gabi ng Pandama

Tulad ng nasabi, may dalawang bahagi ang pasivo na gabi. Ang una ay kilos ng pagdadalisay sa bahaging maka-pandama. Ang pangalawa ay kilos ng pagdadalisay sa espirituwal o maka-diwang bahagi.[i]            

Upang patahimikin ang pandama, iniiwan itong "tuyo" ng Diyos upang walang naisin at pagbalingan.[ii] Sa pag-iwang "tuyo" ng maka-pandamang bahagi, tinatanggal ng Diyos sa mga pandama ang katutubong pagkiling na isalin ang lahat ng karanasan sa balangkas ng imagenes at fantasmas. Upang patahimikin ang mga katutubong kilos ng pandama, binabawi ng Diyos ang lahat ng pahayag ng kanyang katalagahan mula sa nibel ng pakikisangkot ng mga pandama. Bago marating ng tao ang gabing ito, inaangkop ng  Diyos ang kanyang pagpapahayag ng sarili sa kilos ng mga pandama. Subalit sa pagdadalisay, walang ipinapahayag ang Diyos na maisasalin sa pag-uunawa ng makapandamang bahagi. Ipinapahayag ng Diyos ang sarili ayon sa mga kakayahan ng memoria, voluntad, at entendimiento.[iii]

Bagama't may tunay na pagpapahayag ang Diyos bilang phainomena, hindi pa ito ang Diyos mismo. Larawan nga ito ng Diyos na binubuo ng makapandamang kakayahan, ngunit higit ang katotohanan ng Diyos sa larawang ito[iv] kaya sinasanay niya ang tao na humiwalay sa paraan ng pandama. Pinapalaya ng Diyos ang tao sa gabing ito mula sa balangkas ng pagdanas nito sa katalagahan ayon sa balangkas ng fantasmas at imagenes upang maisatupad ang potencia ng espirituwal na bahagi na tumanggap ng pahayag ng Diyos.[v] Para sa pandama, tagtuyo o kadiliman ang paghahandang ito dahil inililipat ng Diyos ang kanyang pahayag ng sarili sa espirituwal na bahagi, habang hinahanap-hanap ng tao ang mga pahayag na ito sa pandama.[vi] Unti-unting binabago ang balangkas ng pagtanggap at pag-uunawa ng maka-pandamang bahagi[vii] nang maiangkop ito sa balangkas ng pakikibahagi ng espirituwal na bahagi. Upang sa ganoon, mabago ito kapag nabago ng Diyos ang espirituwal na bahagi.[viii] 

 

Ang Pasivo na Gabi ng Espiritu

Ang gabi ng espiritu ang pangalawang gabi ng pasibong pagdadalisay. Sa gabing ito, dinadalisay ang espirituwal na bahagi, i.e., ang mga operasyon ng memoria, voluntad, at entendimiento, upang hubad na humarap sa Diyos. Hindi maaaring humarap ang tao sa Diyos kung nananatiling may bahid ng pagsesentro at nanatili sa paggamit ng sariling kakayahan  ang mga operasyong espirituwal. Upang maharap ang Diyos, dapat dalisay ang bawat bahagi mula sa katutubong paraan ng pagkilos.[ix] Dahil sa katapusan, pupunuin lamang ang tao na naisuko ang katutubong kilos ng kabuuan nito.[x] Matinding pagdurusa ang gabing ito dahil tinatanggal ng Diyos sa tao ang ugat ng ka-ibahan ng tao sa Diyos.[xi] Upang maisatupad ang pagiging Dios por participacion ng tao, dapat itong dalisayin mula sa lahat ng pagsasatupad ng sarili na ka-iba sa paraan ng Diyos.

Sa kanyang katutubong paraan ng pag-iral, angkop lamang sa pakikisangkot sa criado ang memoria, voluntad, at entendimiento. At pinapasya ng tao ang kanyang pag-iral sa abot-tanaw ng mga hangganan ng memoria, voluntad, at entendimiento. Kailangan niyang isatupad ang pag-iral sa balangkas ng kahinaang ito. Subalit, bagama't ito ang naaangkop sa katutubong pag-iral ng tao, balakid ito sa pagbabago sa Diyos dahil iba ang paraang ito sa itinakda ng Diyos.[xii] Kaya ipinapahayag ng Diyos ang ibang posibilidad na nararapat sa tao. At kung mulat na tinatanggihan ng tao ang inalay na pagbabago siya ay nagkakasala. Kasalanan ang pasya na ipako ang epirituwal na operasyon sa criado.[xiii] Ang pagpapanatili ng ako bilang centro ay mulat na pagtalikod sa pagbabago sa Diyos bilang bagong centro. Kaya sa gabi ng espiritu, dinadalisay ang mga potencias espirituales mula sa paraan ng pag-iral na ipinapasya nito upang huwag maging bukal ng kahinaan at kasalanan na balakid sa pagbabago sa Diyos. Upang maging angkop ang tao sa pag-iral na inaalay ng Diyos, dapat patahimikin ang paraan ng pag-uunawa at pagkukusa ng mga operasyong espirituwal.[xiv]   

Sa gabing ito, binabago ng Diyos ang buong kilos ng pag-iral na isinasatupad mula sa pag-uunawa at pagkukusa ng memoria, voluntad, at entendimiento upang maisatupad ang isang mas ganap na pag-iral.[xv] Matinding pagdurusa itong pagbabagong ito at naaayon ang tindi ng pagbabago sa pagkaugat ng pag-iral sa paraang itinatakda ng tao.[xvi] Sa pagtatagpo ng dalawang magkaibang paraan ng pag-iral, kailangang mangibabaw ang isa. Hindi maaaring isatupad ang paraan ng pag-iral ng Diyos habang pinaiiral ang mga kilos ng sarili na labag sa mga paraan ng Diyos.[xvii] Sa bahaging ito, ginagawang parang wala ang pag-iral na itinatakda ng mga operasyong espirituwal upang walang maging hadlang sa pagpupuno ng Diyos.[xviii] Hindi winawasak ang dating kalikasan, ang mga operasyon na likas sa tao, sa gabing ito.[xix] Pinatatahimik lamang ang kilos ng pag-iral na isinasatupad ayon sa katutubong paraan. Ang gabi ng espiritu ay paghahanda ng tao upang isatupad ang sariling kalikasan nito, ayon ngayon sa pag-uunawa at pagkukusa ng Diyos. Sa ganitong paraan inaangat ng Diyos ang paraan ng pagsasatupad ng kalikasan ng tao sa kaganapan ng pagsasatupad nito.[xx]

Ihinahambing ni San Juan de la Cruz ang pagdadalisay na ito sa pagtatalab ng liwanag ng Diyos sa tao.[xxi] Sa kanyang paglalarawan ng pagdadalisay, sinasabi niya na pinupuno ang tao ng liwanag ng Diyos, ng paraan ng pagmamalay ng Diyos, at ipinapakita sa tao ang tunay na kalagayan nito. Mula sa liwanag ng Diyos, namumulatan ng tao ang tunay na kalagayan ng sarili at ang pagkukulang nito sa katuparan, o sa kakayahan nitong maging Dios por participacion.[xxii] Namumulatan ang entendimiento sa pagkukulang ng pag-uunawa nito sa pag-iral ng Diyos, ang voluntad sa pagkukulang ng pag-ibig nito sa Diyos, at ang memoria ang pagkukulang ng larawan nito sa Diyos.[xxiii] Namamalayan ito ng tao dahil sa pagpapasok ng liwanag ng Diyos, napapasok ng pamamaraan ng Diyos ang mga operasyong espirituwal.[xxiv] Sabay ng pagmumulat na ito, binubuo ng Diyos ang isang pagkataong hiwalay sa dating mga hangganan at karupukan. Sa pagtagos ng liwanag ng Diyos, napapatahimik ang mga katutubong kilos ng operasyong espirituwal. Ang tumatalab sa tao ay mismong pagdirito ng Diyos na hindi mapanghahawakan ng memoria, voluntad, o entendimiento kaya napapatahimik sila sa katutubong paraan.[xxv]

Masasabi na sa gabing ito ipinapasok ng Diyos sa tao ang ibang paraan, at naghihidwaan ang magkaibang paraan sa kanya.[xxvi] At dahil sa hidwaan ng dalawang magkaibang centro nagiging pagdurusa ang pagdadalisay. Mahalagang tanda ng pagdadalisay ang pagdurusa na dinaraanan sa gabi ng espiritu dahil tanda ito ng paghugot ng tao mula sa isang paraan ng pag-iral tungo sa iba at mas ganap na paraan ng pag-iral.[xxvii] Ito ang dahilan ng pagdanas ng tao sa isang uring pagwasak ng sarili habang binubuo ito. At lalong matindi ang pagdurusang nararanasan ng tao, lalo itong nababago sa Diyos, dahil tanda ang matinding pagdurusa ng matinding paglampas sa pag-iral na nagkukulang sa pag-iral ng Diyos.[xxviii]

Subalit walang dinaraanang pagdurusa na hindi binibiyayaan.[xxix] At ang biyaya sa pagdurusang ito ay ang pagpapatibay at pagsasang-ayon ng pag-iral ng tao sa ganap na espirituwal na antas ng pag-iral.[xxx] Ang matinding pagdurusang ito ay paghahanda ng Diyos sa tao upang matanggap ang Diyos ayon sa paraan ng Diyos mismo. Sa wakas ng pagdurusa, nagiging parang sisidlang walang laman ang tao dahil wala siyang aspeto ng pag-iral na labag sa Diyos. At dahil matatanggap na nito ang Diyos ayon sa paraan ng Diyos, maaari na itong punuin ng Diyos. Hingit na matibay ang taong babangon sa pagsubok na ito dahil sa kanyang pagiging dalisay.[xxxi] At sa paglagpas ng pagpapadalisay, magiging matamis ang liwanag ng Diyos na nagdulot ng pagdurusa, dahil tumatalab sa tao na angkop sa pahayag.[xxxii]

Ang Kabayaran sa Pagdurusa: Ang Bagong Tao

Ang Talinhaga ng Cavernas

Ginagamit ni San Juan de la Cruz ang talinhaga ng cavernas upang ilawaran ang kakayahan ng potencias espirituales na tumanggap sa pahayag ng Diyos. Tulad ng kuwebang malalim, o kuwebang walang-hanggan, hindi napupuno ang potencias espirituales ng pakikisangkot sa mondo na may hangganan. Ipinapahayag ng talinhaga ng cavernas ang malalim na pangangailangan ng mga operasyong espirituwal na mapuno ng isang obhetong ganap ang pagkapuno.[xxxiii] Kapag dinalisay na ang potencias espirituales, ganap ang potensiya nito na tumanggap ng obhetong higit sa kinasanayan. Sa puntong ito, hindi na sapat ang kinasanayang obheto ng mga potentias upang mapuno ang pangangailangan ng mga operasyon ng pag-ibig at pag-unawa. Kailangang mapuno ang tao ng pag-iral ng Diyos dahil ang Diyos lamang ang sapat na makakapuno sa malalim na pangangailangan ng kuwebang dinalisay.[xxxiv] Cavernas ang mga potencias ng tao dahil sila ay mga sisidlang malalim na naghihintay na mapuno.

Sa pagdadalisay, isinasatupad ng Diyos ang isang ganap na paglilinis ng mga cavernas na ito. Tulad ng nasabi, tinatanggal ng Diyos ang lahat ng nilalaman ng kuweba na hindi Diyos mismo. At sa paghuhubad na ito, tinatanggal ang mga hangganan ng kakayahan ng tao na tumanggap ng pahayag ng walang-hanggan.[xxxv] Madalas sinusubukang punuin ng pakikisangkot sa mga criado ang potensiya ng mga kuweba. Ninais ng tao na mapuno ng mga criado at naipit ang mga kakayahan ng tao sa sarili nitong balangkas, sa halip na maisatupad ang paglalampas tungo sa mas ganap na pagkasangkot sa katalagahan.[xxxvi] Dahil dito, nawawasak ang kakayahan ng tao na umiral ayon sa paraan ng Diyos. Kapag nahubaran na ang tao ng mga criado, doon lamang lalabas ang ganap na kalaliman nito upang magpapuno sa Diyos mismo.[xxxvii] Bunga ng pagdadalisay na isinasatupad ng Diyos ang pagbukas sa ganap na pag-iral ng Diyos. Bagama't sa kanyang likas na kalagayan, walang kakayahan ang tao na maranasan at maunawaan ang pahayag ng Diyos,[xxxviii] ang Diyos mismo, bilang bagong centro ng tao, ang magsasatupad ng pagbubukas sa Diyos. Sa nibel ng pag-iral na pinupuno ng pag-iral ng Diyos, ang Diyos mismo ang tumatanggap ng pahayag ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapakilos ng  kakayahan ng tao.[xxxix] Sa pagpupuno ng mga cavernas, binabago ang pagsasatupad ng mga kakayahan ng tao dahil ang Diyos ang nagtatakda ng kilos nito.[xl]

Dahil dinalisay ang mga cavernas, ganap na naisuko ang  paraan ng tao, at sumasaibabaw ang paraan ng Diyos.[xli] Umiinom sa Diyos ang entendimiento at lumalampas ito sa pag-unawang sumasakasaysayan. Nakikibahagi ang voluntad sa pag-ibig na isinasatupad ayon sa sukat ng Diyos. At pinupuno ang memoria ng alaala ng mga bagay na hindi pa nararanasan ng tao, ang alaala ng Diyos.[xlii] Samakatwid, nararanasan ng tao ang mga bagay sa espirituwal na nibel bilang Dios por participacion, dahil binabago ang paraang itinatakda ng dating centro ng paraan ng Diyos mismo.[xliii] At sa halip na mawasak, nagiging ganap ang mga likas na kakayahan.[xliv] Sa kaganapan ng tao, iisa ang kaisipan ng tao at Diyos at dahil dito nagiging ganap ito.[xlv] Ito rin ang kilos ng voluntad: umiibig ito ayon sa pag-ibig ng Diyos. Diyos ang nagsasatupad ng pag-ibig ng taong nakikibahagi sa Diyos.[xlvi] Ganoon din ang nagaganap sa memoria at pati sa mga pagnanais o mga apetitos.[xlvii]

 

Ang Tao na Binuo sa Pagbabago

Kapag ang Diyos ang nagtatakda ng pag-iral ng tao, nakikisangkot ito sa katalagahan na itinatakda ng Diyos, i.e. ang katalagahan bilang espirituwal. Umiiral pa rin ito sa mondo ng makataong pangangailangan, ngunit isinasatupad nito ang pagsasakatawan mula sa pagdanas, pag-unawa at pagsasaloob na itinatakda ng Diyos.[xlviii] Sa panahon na mamulatan ang tao sa katalagahan mula sa paraan ng Diyos, nakikisangkot na ito sa umiiral ayon sa pag-uunawa at kalooban ng Diyos. Sa kalagayang ito, isinasatupad ang pag-iral ng tao ayon sa kaayusan na itinatakda ng Diyos sa katalagahan. Ito ang kahulugan ng pagiging ganap na espirituwal ng pag-iral ng tao: na naisasatupad ang pakikisangkot sa katalagahan na may pagkamulat sa tunay na ayos ng pag-iral na itinatakda ng tunay na centro nito.[xlix] Nabubuo ang sarili dahil may iisang centro na nagbibigay-kahulugan sa pag-iral ng tao. Nakasangkot ang kabuuan ng tao sa iisang pag-iral na itinatakda ng Diyos. Sa pakikibahagi sa Diyos, ang sariling nakasangkot sa mondo at ang sariling sumasaibayo ay nabubuo dahil iisang buhay ang isinasatupad nila--pareho silang kumikilos ayon sa pagka-centro ng Diyos sa tao. Dahil ang Diyos ang centro na nagtatakda ng pag-iral ng tao, ang kilos ng dalawang sarili ay nakasangkot sa iisang kilos ng pagsasatupad ng Diyos ng pag-iral nito.

Sa parehong paraan, iisa ang kilos ng maka-pandamang bahagi at ng espirituwal na bahagi dahil pareho na silang nakasangkot sa iisang karanasan ng katalagahan at sa iisang aspeto ng katalagahan, ang espirituwal. Hindi na ang mondo ang kinasasangkutan ng mga pandama dahil binago ang mondo nila sa katalagahang itinakda ng Diyos. At ganito rin ang nagaganap sa espirituwal na bahagi. Hindi lang ito nakasangkot sa mondo kundi sa mismong katalagahan ng Diyos.[l] Nabubuo sa isang bagong kabuuan ang taong binago sa Diyos. Ang espirituwal na bahagi  at maka-pandamang bahagi ay may iisang kilos bilang nakasangkot sa katalagahang itinakda ng Diyos.[li]

Dahil nakasangkot ang maka-pandamang bahagi at ang espirituwal na bahagi sa iisang katalagahan, nagiging iisa na rin ang kilos ng sariling nakasangkot sa mondo at ng sumasaibayong sarili. Ang buong kilos ng tao ay nakasangkot sa iisang katalagahan sa pagsasailalim ng sumasaibayong sarili. Sa kalagayang ito sumasailalim ang mga kilos at pasya ng sariling nakikisangkot sa mondo sa pagdanas, pag-uunawa at pagpapasya ng sariling nakasangkot sa katalagahan ng Diyos. Pinapasya ang buong pagkasangkot sa katalagahan ng tao ng sariling nakasentro sa Diyos. Kaya hindi winawasak ang buhay ng tao bilang sumasakatawang diwa sa pagbabago sa Diyos. Nabubuhay pa rin ang tao sa katalagahan bilang sumasakatawang diwa, ngunit ang buong operasyon at pag-iral nito ay kumikilos ayon sa patakaran ng Diyos.

Masasabi natin na nakasalalay ang pagiging tao ng tao sa pagiging espirituwal ng mga kilos ng tao. Sa taong binago, kumikilos ang buong pagkatao sa paraang espirituwal dahil sumasailalim ang kabuuan nito sa espirituwal na aspeto ng katalagahan. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga para kay San Juan de la Cruz na sumailalim ang maka-pandamang bahagi, bilang aspeto ng pagkatao na nakasangkot sa mondo, sa espirituwal na bahagi.[lii] Sa pagsasailalim na ito, nabibigyan ng espirituwal na kahulugan ang pagkasangkot sa mondo ng mga makataong pangangailangan dahil nakikita ang lahat sa perspektibo ng Diyos. Isinasatupad ng taong espirituwal ang mga likas na kilos ng pagsasakatawan sa balangkas ng pag-uunawa at pagpapasya ng Diyos. Sa ganitong pananaw, nakasalalay ang makataong pag-iral sa kanyang pagiging espirituwal, kung ang kahulugan ng pagiging espirituwal dito ay ang pagsasatupad ng tao sa kanyang pag-iral ayon sa balangkas ng pag-iral na itinatakda ng Diyos.

 

Ang Matrimonio Espiritual[liii]

Naisasatupad ang ganap na pag-iisa ng tao sa Diyos sa matrimonio espiritual.[liv] Ang pag-iisang ito ay ang pagsuko ng centro ng  tao, ang mismong bukal ng kanyang sarili, sa Diyos. Sa kalagayang ito, tinatanggap ng tao, bilang Dios por participacion, ang pahayag ng Diyos ng kanyang sarili. Iniibig, inuunawa, at dinaranas ng tao ang Diyos mismo ayon sa paraan ng Diyos na bagong centrong nagtatakda ng pag-iral ng tao. Sa antas ng pag-iral na ito, ibinabahagi ng Diyos sa tao ang kanyang sarili. Ipinapahayag ng Diyos sa mismong centro ng tao ang Kanyang pag-iral. At nagaganap ang pagbabahagi ng mga sarili, ang pagsuko ng tao ng centro at ang pagbabahagi ng Diyos ng kanyang pag-iral, bilang kilos ng dalawang mangingibig na nabihag sa isa't isa. Bilang mangingibig, ibinabahagi ng Diyos ang lahat ng kanyang sarili sa tao na isinuko ang pag-iral para sa Diyos.[lv] At dahil angkop na ang tao sa pahayag ng Diyos, ibinabahagi at ipinapahayag ng Diyos sa tao ang sariling katalagahan upang makilala nang ganap ng tao ang kanyang mangingibig.[lvi]

Ito ang katuparan ng matrimonio espiritual: ang ganap na pagbibigay ng sarili sa Diyos ayon sa paraan ng Diyos. Ito ang katuparan ng pagsuko sa pag-aari ng sarili na nais maisatupad ng tao na nabihag sa Diyos. Sa pagsuko na ito, inaalay ng tao at ng Diyos sa isa't isa ang kanila mismong pag-iral upang makilala ang isa't isa. Nakasangkot ang buong kasaysayan ng mga mangingibig sa isa't isa dahil may iisang centro na nagiging bukal ng pag-iiral na isinasatupad ng dalawang pinag-isa. Sinasabi ni San Juan de la Cruz na hubad na essentia ng Diyos at ng tao ang nakikiugnay dahil ang mismong sarili ng mga mangingibig ang nakasangkot sa pagbabahagi sa matrimonio.[lvii]

Sa kanyang mga larawan ng matrimonio espiritual, ipinapahayag ni San Juan de la Cruz ang kilos ng pagpupuno ng Diyos sa tao. Ang bawat bahagi ng tao, ang kanyang mga pandama at ang mga operasyong espirituwal, ay pinupuno ng isang bagong paraan ng pagkilos.[lviii] Kilos ng Diyos mismo ang mga paraan ng pagkilos na ito. Ngunit kahit nabago ang mga kakayahan ng tao, hindi ito laging nananatili sa nibel na sobrenatural. Hindi ito ang buod ng pag-iisa sa matrimonio espiritual. Nananatili sa kalagayan ng matrimonio ang tao kahit wala sa kalagayan ng pagsanib ang mga kakayahan nito. Ang pagsasatupad ng pag-iral na may iisang centro ang buod ng matrimonio.[lix]

Dito, ipinapahiwatig ang matrimonio bilang kalagayan ng pagtatahan ng tao sa kanyang buod. Hindi lamang mahalaga sa pagsanib ang pag-uugnay ng mga kakayahan sa kakayahan ng Diyos, mahalaga ang mismong pagbabago ng tao sa kanyang pagsasatupad ng pag-iral. At ang buod ng pagbabago ng tao sa pag-ibig ay ang pakikibahagi nito sa buhay ng Diyos. Sa kalagayang ito, isinasatupad ng Diyos, bilang epektibong centro ng tao, ang sumasakatawang pag-iiral.[lx] Iisa ang buhay ng Diyos at tao dahil, bagama't ang pag-iral mismo ay nananatiling bukod-tangi, may iisang centro na nagtatakda ng pagsasatupad ng mga bukod-tanging pag-iiral. Kaya sinasabi ni San Juan de la Cruz na inaari ng tao sa kalagayang ito ang essentia ng Diyos.[lxi] Kahit hindi laging nararating ng mga kilos ng tao ang kaganapan ng pagsanib sa Diyos, nakikibahagi ito sa buhay ng Diyos. Kaya nakasalalay ang makataong pagdirito ng tao sa ganap na pag-iral ng Diyos.

Ang kalagayan ng matrimonio espiritual ay kaganapan ng pagkamatay ng tao sa sarili. Ito ang kaganapan ng landas ng nada kung saan isinuko ng tao ang sarili, sa kahinaan at hangganan nito, upang makamit ang paraan ng pag-iral na walang-hanggan. Sa katapusan, ang kalikasan ay isinasatupad sa mas ganap na pag-iral ng pagtatahan sa Diyos mismo.[lxii]

Masasabi nga na mayroong ironiya sa pangangailangang lagpasan ang kinikilalang sarili at pag-iral upang makamit ang sarili. Ngunit mahalaga ang kilos na ito dahil nararating lamang ang tunay na batayan ng sarili sa landas ng paghuhubad at ganap na pagpapakumbaba. Sa kilos na ito, isinusuko ang sarili upang marating ang tahanan. At pagbubuo ang bunga ng landas ng paghubad sa sarili. Buo ang sarili sa kalagayang ito dahil sumasailalim ang bawat bahagi sa centro na iisang bukal ng bawat kilos ng tao. Nabubuo ang tao sa ganap na kabuuan ng Diyos. Sa ganitong paraan, nakikita natin na nagpapahayag ng bagong posibilidad ng pagdating sa karunungan ang bagong kalagayan ng kabuuan. At ito ang henyo ni San Juan de la Cruz, inilahad niya kung papaanong ang paghahagilap ng tao sa Diyos ay isang paghahagilap ng sentro na mag-iipon sa kanya sa kanyang kaganapan. Sa kanyang landas ng nada, naibahagi niya ang landas ng oong-oo.

 



 

                [i]Subida I,1,2-3.

 

                [ii]Noche I,8,4.

 

                [iii]Noche I,9,4.

 

                [iv]Maritain, 359.

 

                [v]Noche I,11,3, I,4,6.

 

                [vi]Noche I,9,4.

 

                [vii]Noche II,1,2, II,2,1.

 

                [viii]Noche II,3,1.

 

                [ix]Noche II,1,1. Maritain, 361.

 

                [x]Noche II,8,1. Maritain, 357.

 

                [xi]Llama 2,30.

 

                [xii]Subida II,12,3.

 

                [xiii]Binibigyang diin dito ang pagbabago ng espirituwal na bahagi bilang bahaging nagpapasya ng paraan ng pakikisangkot sa katalagahan. Dahil sa pamamagitan ng memoria, voluntad, at entendimiento, nauunawaan at kinukusa ng tao ang katalagahan na kinasasangkutan nito.

 

                [xiv]Maritain, 362.

 

                [xv]Noche II,6,1.

 

                [xvi]Llama 2,24.

 

                [xvii]Cantico 1,22.

 

                [xviii]Subida I,6,4. Bendrick, 285.

 

                [xix]Maritain, 332.

 

                [xx]Ibid., 350.

 

                [xxi]Noche II,9,1.

 

                [xxii]Noche II,9,2.

 

                [xxiii]Cantico 3,3.

 

                [xxiv]Llama 2,33-34.

 

                [xxv]Noche II,5,5.

 

                [xxvi]Noche II,5,4.

 

                [xxvii]Noche II,6,1.

 

                [xxviii]Noche II,9,9.

 

                [xxix]Llama 2,23.

 

                [xxx]Llama 2,25.

 

                [xxxi]Llama 2,26.

 

                [xxxii]Llama 1,25.

 

                [xxxiii]Llama 3,22.

 

                [xxxiv]Llama 3,18.

 

                [xxxv]Llama 3,68.

 

                [xxxvi]Green, 34.

 

                [xxxvii]Llama 3,69. Pax, 239.

 

                [xxxviii]Subida II,32,4.

 

                [xxxix]Llama 3,33.

 

                [xl]Cantico 3,5.

 

                [xli]Green, 33.

 

                [xlii]Cantico 26,5.

 

                [xliii]Llama 3,26.

 

                [xliv]Llama 1,29.

 

                [xlv]Llama 2,34.

 

                [xlvi]Llama 1,4.

 

                [xlvii]Llama 2,34.

 

                [xlviii]Ibid., 34.

 

                [xlix]Llama 4,5.

 

                [l]Llama 2,34.

 

                [li]Llama 4,12.

 

                [lii]Cantico 20-21,1.

 

                [liii]Malinaw sa mga teksto ni San Juan de la Cruz na bago marating ang matrimonio espiritual dumaraan ang kaluluwa sa isang panahon ng esponsales. Hindi tatalakayin ang bahagi ng esponsales sa ating pagmumunimuni dahil mahalaga lamang sa ating pagsusuri sa antropolohiya ni San Juan de la Cruz ang pagdadalisay at ang bunga ng pagdadalisay. Sa mga bahaging ito ng kanyang landas, makikita kung ano ang dapat talikuran at yakapin upang mabuo ang tao.

 

                [liv]Cantico 26,5.

 

                [lv]Cantico 27, 1-2. Stein, 139.

 

                [lvi]Cantico 27,3.

 

                [lvii]Llama 3,79.

 

                [lviii]Cantico 26,5-9.

 

                [lix]Cantico 26,11.

 

                [lx]Ibid., 372.

 

            [lxi]Llama 3,79.

               

                [lxii]Ibid., 377.