OTHER ARTICLES
Karanasang Mahal-Banal

 


Karanasang Mahal-Banal
ni Roque J. Ferriols, S.J.

Sa simula ng ating pagtatalakay sa pilosopiya ng relihiyon pagsisikapan nating mamulatan ang ating pagdanas sa mahal o banal. Ang karanasan ang mahalaga. Ngunit mayroon ding sariling halaga ang pagmumulat sa pamamagitan ng pagsusuri kung makapagbibigay-liwanag ito sa karanasan sa isang paraang mapalalalim at mapatitindi ito.

Mahal

Madalas gamitin ang salitang mahal sa mga bilihing mataas ang bayad. At kung puro kalakal ang nasa isip ng tao, wala nang ibang kailangang sabihin. Ngunit sa mismong pamimili may ibang uring mahal na maaaring lumitaw. Ang isang inang namimili ng gulay at isda ay may pagmamahal sa mga ito dahil sa kanyang pagmamahal sa buhay ng kanyang mga anak.

Isang kalabisan ng pag-ibig ang pagmamahal. Kung ngayon mo pa lamang nakilala si Maria at nagagayuma ka sa kanyang kilos at anyo, masasabi mo sa kanya: inaakit mo ako. Kung kilala mo na siya at nagsasagutan na ang inyong kalooban, masasabi mong: iniibig kita. Ngunit kung matagal na kayong magkapiling, marami na kayong natiis at pinagkagalakan, at kamuntik na sana kayong nagkahiwalay ngunit nanatili pa kayong tapat sa isa't isa at nadarama ninyo ang inyong pagtipon, may halagang kasalanan sirain, ang sasabihin ninyo sa isa't isa'y: mahal kita. Pag-ibig ang pinagsisilangan ng pagmamahal, na humihigit pa sa pag-ibig at umiiral sa pinakabuod ng ating pagkatao. Sa namumulatan natin o hindi, may maka-Diyos sa buod ng pagmamahal sa kapwa.

At kaya hindi nakapagtataka na mahal ang tawag sa maka-Diyos. Mahal na araw ang tawag sa panahon na nararamdaman nating may lumalapit sa atin na bisa at kapangyarihang nakahihigit sa atin at nakapanggigilalas dahil sa kanyang kaibhan sa atin. Ang buod ng karanasang mahal ay isang pagsasaatin ng Maykapal at isang pagsasa-Maykapal natin.

 

Banal

Banal ang tawag sa taong simbahin, mapagdasal, mapagkawanggawa. Kung minsan panuya ang pagtawag na banal sa isang tao. Ngunit, sa palagay ko, hindi ito dahil sa isang mababang pagtanaw sa kabanalan kundi dahil sa isang hinala na baka balatkayo lamang itong pananalangin at pagkakawanggawang nakikita sa labas. Kaya sa katapusan, itong panuyang pagbigkas sa salitang banal ay isang tagong paggalang sa tunay na kabanalan, isang pag-amin na di kayang malaman ng tao kung ang panlabas na kabanalan ay huwad at pakitang-tao lamang o kung talagang umaapaw sa isang panloob na pagsamba. Ang tunay na kabanalan ay nasa kalooban ng tao, isang larangang maaaninagan, mahuhulaan lamang ng kanyang kapwa. Ang kabanalan ay isang panloob na pagsambang umaapaw sa gawain kung sumasatao ang Maykapal at sumasa-Maykapal ang tao.

 

Banal at Mahal

Ang buod ng banal at mahal ay may kinalaman sa isang karanasan ng tao na napakalalim at mapaglikha ang buod. Umaapaw ang buod na ito sa pagmamahal sa kapwa, sa pagkakawanggawa, sa pagpuri at pagsamba sa Poong Maykapal. Napakayaman ng larangan ng banal at mahal ngunit, sa mga sandaling hindi tayo nagpapakatao, humihiwalay tayo sa larangang ito, pinatutubo natin ang mga mabababaw na kahulugan nitong mga katagang ito. Naaalaala na lamang natin na mahal pala ang mga bilihin at huwad pala ang kabanalan ng santu-santo. Layunin ng maikling kathang ito ang muling pagtuklas at, kung maaari, isang mapaglikhang pagmumulat sa buod ng karanasang mahal at banal. Sa mula't mula pa aaminin ko na batay kay Rudolf Otto (sa kanyang aklat na Das Heilige o The Idea of the Holy) itong aking pagmumuni-muni. Ngunit may kaibhan din. Ang aking layunin ay hindi imbestigahan si Otto kundi suriin, sa tulong ni Otto, ang buod ng karanasang tinatawag na banal o mahal.

 

Mysterium Tremendum: Hiwagang Nakapanginginig

Nang magising si Jacob sa kanyang panaginip ay sinabi, "Ang Panginoon ay tunay ngang naririto sa pook na ito at hindi ko nalalaman." Siya'y natakot at sinabi pa, "Nakatatakot ang pook na ito! Walang ibang naririto kundi ang bahay ng Diyos at ang pintuan ng langit." (Genesis 28:16-17)

Ang taong nakararanas na sumasakanya ang Panginoon ay may nadaramang pag-urong at kilabot. Maaaring matindi itong mga damdaming ito, maaari namang napakabanayad na halos hindi na mapansin. Bago natin talakayin itong mapitagang takot sa banal, paliwanagin muna natin ang mga ibang uring takot na, sa isang mababaw na paningin, maaaring mapagkamalang kapareho nitong magalang na pag-urong sa Panginoon.

Kung minsan sa paglapit sa panalangin o sa pagsamba may nararamdamang kabigatan ang katawan, isang "kawalang-gana" na bumaling sa mahal. Isang uri nga ng pag-urong ito, ngunit hindi ito iyong mapitagang takot na tinutukoy natin dito. Itong kabigatan ng katawang ito marahil ay katamaran o kalabuan ng pananampalataya.

Umuurong din tayo kung sumasapit ang panganib. Kung nakasakay ka sa bus na walang-ingat ang tsuper o sa gabing napakalapit ng kidlat, umuurong tayo nang huwag mapinsalaan. Isang pagkulong sa sarili itong takot sa panganib at matapang ang taong marunong kumawala sa kulungang ito. Ngunit sa takot sa mahal, ang pagkubli sa sarili ay may kasamang paglabas sa sarili. Umuurong ako at ibang-iba sa akin itong sumasaakin, ngunit lumalabas ako sa aking sarili sapagkat itong paglapit niya sa akin ay nagbibigay ng bagong lakas at kalayaan sa aking diwa.

Aking nakita ang Panginoon na nakaupo sa napakataas na luklukan; at ang templo ay napuno ng laylayan ng kanyang damit. Nasa kanyang harapan ang mga serapin na ang bawat isa ay may anim na pakpak: dalawa upang takpan ang mukha, dalawa upang takpan ang mga paa, dalawa upang ipanlipad nila. At nagsisigawan sa isa't isa at nagsasabi: "Banal, banal, banal ang Panginoong Diyos ng mga hukbo; ang lahat ng lupa ay puspos ng kanyang kaluwalhatian." (Isaias 6:1-3)

Sa nabanggit na mga berso ni Isaias, magalang na umuurong ang mga serapin at ginagamit ang apat na pakpak na panakip sa katawan ngunit kasabay nito may dalawang pakpak na pang-akyat at panlipad sa himpapawid at umaapaw sa kanilang bibig ang awit na papuri.

Maaaring mangyari na ang takot sa panganib ay maging pagkakataon ng pagbaling sa Panginoon at ng pagdanas ng takot sa Kanya. At sapagkat masalimuot ang ating pagkatao, kung minsan nangyayari na magkasabay itong dalawang takot na ito. Nagkakahaluan at nagtatalaban. Ngunit iba ang uri ng takot sa Diyos at ng takot sa panganib. Bunga ng pagkalito iyong kuru-kurong nagsasabi na ang takot sa Diyos ay walang iba kundi takot sa panganib.

Bahagi ng takot sa Diyos ang isang pagkamangha sa isang umiiral na ibang-iba sa atin. Ngayon ang takot sa multo ay bunga ng pagharap sa isang linalang na di-kagaya natin. Kaya may mga nagsasabi na ang takot sa Diyos ay walang iba kundi isang tumubo at lumagong takot sa multo. Dito kailangan din ang isang makisig na pagtanaw sa kaibhan ng uri ng takot sa Diyos at sa multo. Ang multo ay ibang-iba sa atin ngunit linikha rin siyang may mga hangganang kagaya natin. At sa katotohanan ang takot sa multo ay madalas bunga ng guniguni. Mayroon pang mga multong sadyang linikha ng guniguni nang tubuan tayo ng takot na may kahalong sarap at aliw. Maraming mga taong handang magbayad sa sinehan nang takutin sila nina Dracula at Frankenstein. May uring laruan itong takot na ganito. 

Ngunit ang takot sa Mahal ay galing sa pagsasaatin ng umiiral na hindi linikha at walang-hanggan. Ibang-iba nga siya sa atin, ngunit sa ibayo ng kanyang kaibhan, nararanasan natin ang isang napakalalim at napakahigpit na pagkabuklod ng ating pagkatao.

Ang pagdanas sa mysterium tremendum ay maaaring napakabagsik at makadama, maaari namang kasing-tahimik ng isang mabanayad na hangin.

Winika sa kanya ng Panginoon, "Lumabas ka at pumaroon sa bundok sa harapan ng Panginoon." Nagdaan ang Panginoon at biniyak ng malakas na bumubugsong hangin ang mga bundok at dinurog ang mga bato sa harap ng Panginoon, ngunit wala naman sa hangin ang Panginoon. Pagkatapos ng hangin ay lumindol, ngunit wala naman sa lindol ang Panginoon. Pagkatapos ng lindol, apoy, ngunit wala sa apoy ang Panginoon; at pagkatapos ng apoy ang marahang simoy ng hangin. Nang marinig iyon ni Elias ay tinakpan niya ang kanyang mukha ng kanyang balabal, at pagkalabas ay tumigil sa may pagpasok sa yungib. May dumating sa kanya na isang tinig na ang wika, "Ano ang ginagawa mo rito, Elias?" (I Mga Hari 19:11-13)

 

Mysterium

Ang buhay ng tao napakalalim, napakayaman at mapaglikha. Hindi dapat mangahas ang pilosopiya na ikulong itong kayamanang ito sa isang lambat ng mga makikitid na konsepto. Mapakumbabang gawain ng pilosopo ang humanap ng paninindigang makadudulot ng liwanag, makabubukas ng abot-tanaw nang kahimanawari'y lumapit sa katotohanan ang katangian ng buhay. Lahat nito ay totoo kung pakikipagkapwa-tao lamang ang usapan, buong-buo ang kaibhan ng Maykapal at kinapal. Ika nga ni Tomas de Aquino, lalong alam natin kung ano hindi ang Diyos kaysa kung ano nga siya. Kaya palaging pahiwatig lamang ang tanang usapan tungkol sa Mahal. Napakalayo ng kanyang katangian sa atin at kasabay nito, napakalalim ng kanyang pagsasaatin: tumatalab sa kaloob-looban ng ating pagkatao.

Maihahambing sa mga hieroglypiko ng mga Ehipsiyo o sa mga titik ng mga Intsik ang salita tungkol sa Mahal. Ang ganitong uring sulat kung minsan ang nagbubukas ng isang landas na makapagpapalapit sa isang mas malalim na pag-uunawa sa katotohanan. Halimbawa, upang isulat ang katagang "paniniwala" pinagsasama ng mga Intsik ang titik na nangahuhulugang "puso" at ang titik na nangahuhulugang "bibig". Kung naniniwala ako sa iyo itinataya ko ang aking puso, ang aking pagkatao, sa mga salitang tutubo ang ating pag-uunawa sa paniniwala at kung bakit napakatalik ng pagkabuklod ng naniniwala at ng pinaniniwalaan.

Ideogram ang tawag sa ganitong uring sulat. Isang pahiwatig ang ideogram. Ang hindi pa nakadaranas sa hinihiwatigan, hindi makauunawa sa pang-araw-araw na paraan, na sumasakanya ang Panginoon, walang mauunawaan sa ating buong usapan tungkol sa mahal. Ngunit sa may mapakumbabang karanasan, liwanag ang taglay ng mga ideogram na binibitawan ng mga bantog na alagad ng Mahal. Ideogram iyong kasabihan ni Kierkegaard na hindi raw na tumutulak sa dagat na pitumpung brasa ang lalim. Ideogram din iyong madalas na nakikita sa bibliya na "nagagalit" ang Diyos. Ideogram din iyong salitang nagsasabi na ang Diyos ay nasa itaas:

Lahat ng mabuting biyaya at lahat ng ganap na kaloob ay nagmumula sa kaitaasan, nagbubuhat sa Ama ng kaliwanagan, na sa kanya ay walang pagbabago ni anino man ng pag-iiba. (Santiago 1:17)\

Hungkag na guniguni ang ideogram sa taong walang pagtanaw sa Mahal, ngunit sa humahanap sa Maykapal maaaring maging diwa at buhay.

Tinatawag ding theologia negativa ang usapan tungkol sa mahal -- negatibong usapan na kalabisan ng positibo ang tinutukoy. Ito ang ibig-sabihin noong pangungusap ni Sto. Tomas na binigkas na natin. Ito rin ang kahulugan noong sinulat ng mistikong Ingles tungkol sa ulap ng di-kaalaman (the cloud of the unknowing) at hinahanap ni Nikolas na taga-Kusang "walang-kaalamang-karunungan" (docta ignorantia).

 

Mysterum Fascinosum

Kasabay ng pag-urong sa Mahal, may isang pag-akit ng Mahal na napakabisa at di-matatanggihan ng taong bukas ang kalooban. Nakatatagpo ng kaligayahan ang taong sumasagot sa pag-akit na ito. Ngunit sa isang mababaw na paningin madaling mapagkamalan ang ligayang galing sa Mahal at ang mga ibang uring ligaya. Kaya kailangang uling patalasin natin ang ating pag-uunawa.

May mga pilosopong inuuwi ang pag-akit ng Mahal sa pag-akit ng maganda. Isang magandang tanawin, halimbawa isang bundok sa tabi ng dagat, o isang taong maganda ay makagagayuma sa atin hanggang parang lumalabas na tayo sa ating sarili at naglalakbay sa mga bago at mahiwagang lupain. At ganito rin ang nangyayari kung sinusundan natin ang Maykapal: lumalabas tayo sa ating kakitiran at lumalakad sa isang malawak at laging bagong lupain. Ngunit sa katapusan, isang paghanga sa dinaraig natin ang paghanga sa bundok, sapagkat ang bundok ay walang isip. At ang pag-akit ng kapwa, maaga o malaong nararanasang may hangganan. Ang pagsunod sa Panginoon ay mga panahon ng kalungkutan, panahon ng parang walang wala na siya: ngunit kung, sa biyaya niya, nananatili tayong tapat, matutuklasan natin na ang kanyang pag-akit ay walang hanggan. Kung akala nating nakapasok na tayo nang malalim sa kanyang lupain, may bagong pag-akit sa lalong malalim na pagsunod. At kung akala nating nakatuntong na tayo sa pinakamalalim na ligaya, nabubuwal ang ating tinutuntungan at may mas malalim na nakatago. Sa katapusan ang pagsunod sa pag-akit ng Mahal ay isang pagsamba: kung wala ka, wala ako. Kung naroroon ka lalong wala ako. Ngunit isang kawalan ito na puspos ng pag-ibig at katotohanan; ng katuparan at higit pa sa katuparan ng aking kaakuhan at ng aking pakikipagkapwa-tao.

Kahit na naghihirap ang katawan, maaaring umiral ang ligaya ng pag-akit ng Mahal. Ngunit kung minsan nadarama ng mismong katawan itong ligaya ng Mahal. At dahil dito may mga pantas na nagsasabi na ang ligaya ng Mahal ay walang iba kundi ang masiglang kalagayan ng katawan ng taong may mga magagandang iniisip, o nakainom ng alak, o nakakuha ng mga droga. Ngunit ang kasiglahan ng katawang nararanasan sa pagsasaatin ng Mahal ay bahagi lamang ng isang panloob na balangkas na ang buod ay nakatitig sa Maykapal. Kung wala itong pagtitig na ito, ibang-iba ang katangian ng mga damdamin. Kung natapos na ang pagdalaw ng Maykapal, maaaring mapansin ang damdamin kagaya ng mga disipulo sa Emaus.

Noong nakaupo na sa hapag na kasalo sila, kumuha siya ng tinapay, binasbasan at pagkahati ay ibinigay sa kanila. Nabuksan ang kanilang mga mata at siya'y nakilala nila, datapwat bigla siyang nawala sa kanilang harapan. At sila'y nag-usap, "Hindi ba naramdaman nating nag-aalab ang ating puso samantalang kinakausap niya tayo sa daan, at ipinaliliwanag niya ang mga Kasulatan?" (Lukas 24:30-32)

At ganoon din, pagkatapos ng isang pagdalaw ng Diyos masasabi natin: hindi ba kagalakang makalangit o pag-ibig na lumiliyab, atbp. ang ating naramdaman? Ngunit kung palaging nababalisa tayo sa kung anu-anong kaakit-akit na damdaming nararanasan natin, maaari itong maging sanhi ng pagkalimot sa Mahal.

At sa katapusan, ang pag-akit ng Mahal at ang ligaya niya ay nakaugat sa isang larangan na mas naloloob sa atin kaysa sa damdamin, at isa sa kanyang mga pagsubok sa atin ang paminsan-minsan o madalas o palagiang paglaho ng ligayang nararamdaman.