OTHER ARTICLES
Atheismo at Paniniwala
PART I
PART II

 


Atheismo at Paniniwala

Jovino Miroy

I.

Sa kanyang artikulong  The Problem of Unbelief[i]  ipinakita ni Quentin Lauer, SJ ang mga tulong na ibinibigay ng atheismo sa naniniwala. Kinasangkapan naman ni Merold Westphal sa kanyang artikulong Taking Suspicion Seriously: The Religious Uses of Modern Atheism[ii] ang atheismo upang paigtingin ang pag-unawa sa paniniwala. Sa ganoong paraan din nais tignan ang Atheismo ng sulating ito, lalo na ang di-paniniwalang nagmumula sa pagtanggi sa Diyos upang lalong maipagtibay ang tao o ang Humanismo.

Hindi lamang sa pagpapabula maaaring harapin ang Atheismo kungdi nasa sa pag-alam din sa puwang nito sa paniniwala. Tinatalakay ni Lauer ang atheismo upang maipakita ang di-paniniwala ng mga naniniwala. Ang pagharap ng naniniwala sa atheista ay hindi sa pagpapakita ng kanyang mga kamalian kungdi sa pamamagitan ng “diyalogo at aksyon”  (Lauer 92) Sa kanyang artikulo hindi naghintay si Lauer na isagawa ang kanyang mungkahi sapagkat nilinaw niya ruon ang mga “tulong” na ibinibigay sa paniniwala ng kawalan ng paniniwala. Testimonya ng isang malalim na pakikipagtalaban ng isang Kristyano sa di-naniniwala ang kanyang artikulo.

Ayon naman kay Westphal,  sa kasaysayan ng pag-aaral sa Di-paniniwala, dalawang uri ng intelektwal na atheismo ang hinaharap ng naniniwalang pilosopo. Una ang tinatawag na evidential atheism at ikalawa ang tinatawag na atheism of suspicion.  Tinutukoy nuong una ang uring atheismo na mula sa pagsabing walang sapat na patunay o ebidenysa na may Diyos. Tinutukoy naman ng ikalawa ang uring atheismo na mula sa paghihinala sa mismong kilos ng paniniwala, isang paghihinala na nagmumula sa pagpapalagay na maaring magkamali ang kamalayan (Westphal  27). Maaaring isagawa ang pagpapabula ukol sa una yayamang  ang di-naniniwala ang kinakausap  sa pagtalakay. Ukol ito sa mga katibayan kaya maaaring ipakita ang kalakasan at kahinaan ng mga argumento para o laban sa pag-iral ng isang Walang Hanggan. Ngunit ukol sa ikalawa, hindi sapat ang pagpapabula. Dahil  hindi laging nakatuon sa di-naniniwala ang pagtalakay.  Ito’y  sapagkat tama ang paglalarawan sa paraan ng pag-iral ng sumasampalataya. Samakatuwid nakapagbigay ang mga atheistang tulad nila Nietzsche,  Marx, at Freud ng liwanag ukol sa paniniwala na hindi nangangailangan ng pagpapabula dahil totoo. 

Hindi kaya nasa isang kontradiksyon ang dalawang pilosopong ito?  Dahil kahit na sumasangayon sila sa sinasabi ng mga Atheista ukol sa paniniwala ay naniniwala pa rin sila? Mabuting tignan ang tanong na ito. May kontradiksyon dahil sumasangayon ang naniniwala sa isang di-naniniwala. Tila sinasabi na ukol sa dalawa (paniniwala o di-paniniwala) kailangan pumili lamang ng isa. Ang naniniwala ay hindi di-naniniwala, at lalo na, ang atheista ay hindi naniniwala. Ngunit ganito nga ba ang katotohanan?  Maipaghihiwalay ba ang dalawa sa isa’t-isa?  Maipagpipitagan si Lauer sa kanyang pagsabi na may di-paniniwala sa loob ng paniniwala. Sa katunayan ang buo niyang pagtalakay sa di-paniniwala ay upang bigyang linaw ang isa uring di-paniniwala na natatagpuan sa “lahat” ng naniniwala. May ilang ipinahayag si Lauer sa kanyang artikulo: una)  ipinahayag niya na may tulong ang di-paniniwala sa paniniwala; ikalawa) ipinahayag niya na may paniniwalang tagong di-paniniwala, at ikatlo) may di-paniniwala sa loob ng paniniwala. Sa kabila ng kalinawan ng pagtalakay ni Lauer,  hindi matatawaran ang kalaliman ng kanyang kaisipan ukol sa paniniwala dahil mahigpit na inuugnay ito sa kanyang kabaligtaran. Ang pagtinging ito sa paniniwala ang nilalayon talakayin ng sulating. Maaari sabihing  ang pangunahing tanong ng artikulong ito ay : Ano ang paniniwala kung kaakibat nito ang di-paniniwala?

Naglista si Lauer ng iba’t ibang uri ng di-paniniwala.  Naruon ang unang pangkalahatang paghahati sa Di-paniniwala ng Di-naniniwala at Di-paniniwala ng Naniniwala. Nahahati ang una sa dalawa rin: ang Kawalan ng Paniniwala at ang Paglaban sa Theismo. Kawalan ng positibong dahilan para maniwala sa isang Nakahihigit ang una at  pagkakaruon ng negatibong dahilan para huwag maniwala sa Diyos ang ikalawa.  May tatlong uri ang  di-paniniwala ng naniniwala. Una) iyong paniniwalang  walang pagtataya; ikalawa) iyong paniniwala sa isang hindi-Diyos;  ikatlo) iyong buhay na pananampalataya na ang di-paniniwala ay isang negatibong sandali. Sa wakas ninais ni Lauer na malaman kung ano ang tunay na pananampalataya sa kanyang  artikulo. Ang tunay na paniniwala ay buhay, iyong lumalago at isang proseso. (Lauer,  100) Mahalaga ang gawain ng di-paniniwala sa paglagong iyon. Kung sa gayon, ang bawat pagtalakay ni Lauer sa di-paniniwala  ay isang pahaging na pagpapakita kung ano talaga ang maniwala. Kung di-paniniwala ang hindi magtaya sa tao at sa lipunan  (sapagkat  “Ang luwalhati ng diyos ay taong ganap na buhay.” ) ang maniwala kung gayon ay ang magtaya.  Magagamit ang Atheismo sa pagpapalalim ng pag-unawa sa paniniwala.  (Maaring lumikha ng isang buong kurso sa pilosopiya ng relihiyon na ang mga Atheista lamang ang  kukunin ngunit ukol sa paniniwala ang kurso. )

Minumungkahi ang isang aktitud sa atheismo hindi bilang isang kaaway kungdi isang kapanalig. Sa pagtalakay ni Lauer, binigyang diin niya ang katunayan na ang mga santo ng isang panahon ay tinuring ng ibang panahon bilang “atheista.”  Isa niyang halimbawa si Socrates na pinatay dahil sa kanyang di-paniniwala sa mga Diyos ng Athenas. At isa rin niyang halimbawa ay si Jesus. Katwa na ganito rin ang ginawa ni Westphal. Bilang pagpapatunay sa kanyang mungkahing seryosohin ang paghihinala sinabi niya na matatagpuan sa loob ng Bibliya ang tinatawag  na  “Pagpuna sa Relihiyon.” Liban sa mga Propeta ng Lumang Tipan, si Jesus  ay pinatay din dahil pinuna niya ang  palakad ng mga Pariseo.  Hindi ba’t sinabi niyang mag-ingat sa lebadura ng mga ito.  Kung gayon hindi bago sa kasaysayan ng mga relihiyon na bansagang di-naniniwala ang isang pumupuna sa kanila. Tiyak na wala sa mga iyon ang nagsabing atheista sila, hindi  tulad nila Freud at Marx.  Gayonpaman,  nagdulot ng paglago sa relihiyong pinuna nila ang kanilang pagpuna.  Minumungkahi ng artikulong ito ang  isang personal na pagmumuni-muni (examen), na tignan ng mga mapag-isip na naniniwala kung paano lalago ang kanilang paniniwala sa Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga Atheista.

 

Paghihinala

Tinataya ni  Westphal  na si David Hume (1711-1776) ang nagpasimula ng metodo ng Paghihinala sa Relihiyon. Sa kanyang  The Natural History of Religion  lumikha siya ng panibagong anggulo sa pagtatanong ukol sa relihiyon. Liban sa nakagawiang pagpapatunay  o pagpapabula nito sa katwiran, itinanong rin niya ang “ugat ng relihiyon sa kalikasan ng tao.” (Westphal  27) Hindi obhektibo kung gayon ang mga dahilan ng paniniwala; kungdi mula ito sa kalikasan ng tao. Ang relihiyon ay bunga ng mga “motibo” (motive)  at  mayroon itong pangsariling gamit (function). Narito ang isang listahan ng mga motibong ito:  “ang maligalig na paghahanap sa kaligayahan, ang panghihilakbot sa kamatayan, ang uhaw sa paghihinganti, ang pagnanasa sa pagkain at ibang pangangailangan”  (Westphal 28). May dalawang pangkalahatang tanong ang paghihinala ukol sa relihiyon: una) ano ang pinanggalingan ng pananampalataya; ikalawa) ano ang kalikasan nito?

Ihambing natin ang mga tanong ni Hume sa tanong ng naniniwala sa kanyang sarili at sa Diyos: Saan ako nanggaling at ano ang aking kalikasan? Ano ang dahilan ng aking pag-iral. May Diyos ba at  ano ang Kanyang mga katangian? Paano ako makararating sa Kanya?  Makikita na may paralelismo ang mga tanong ni Hume sa mga tanong ng naniniwala. Sa isang paningin hindi iyon orihinal at binaligtad lamang ang pagtatanong. Ngunit may sinasabi ang kanyang  pagbabaligtad. Bilang atheista tiyak na tinataya niya na walang obhektibong pag-iral ang Diyos at kung may naniniwala man bunga ito ng mga suhektibong pangangailangan at damdamin.  Ang pagtuklas sa mga pangangailangan at damdamin iyon ang ninais tuklasin ng paghihinala. Higit sa mga rasyunal na mga dahilan, ay may mga di-namamalayang motibo ang paniniwala.  Ngunit para sa naniniwala na nagnanais na lumago mula sa Atheismo, ano talaga ang binabaligtad ng atheismo?  Sa wakas sa isang naniniwala, hindi nababaligtad ang Diyos. Kahit na iyon ang ipinalalagay ng atheista—na isang katha lamang isip ng tao ang Diyos bunga ng mga takot at inaasahan ng tao.

Sa puntong ito tatalakayin natin ang  palagay ng manunulat sa pagsilang ng paniniwala sa puso ng tao.  Sunod sa tradisyon nila Kierkegaard o William James,  ang pagtawid ng isang tao mula sa kawalan ng paniniwala o mula sa skeptisismo patungo sa paniniwala ay maipaliliwanag lamang ng indibidwal  na kasaysayan. Gayonpaman, sa loob din ng parehong tradisyon may dalawang katangian ang pag-amin na may Diyos.  Una ay ang elemento ng pasya.  Ipinaliwanag ni  James sa kanyang klasikong sanaysay na The Will to Believe na tama si Pascal na isa ngang pusta ang maniwala, isang pusta na nilalampasan ang mga dahilan o ang kawalan ng mga ito. Sapagkat higit na kabaliwan ang manatili sa pag-aalinlangan dahil sa takot na magkamali at maloko. Ngunit  ang pagbibigay -diin ni James sa  kalooban ay  inilalagay ang pilosopiya niya sa bingit ng Fideismo. Kaya, kailangan isusog  ang kaisipan ni Paul Tillich[iii] na nagsasabi na Sukdol na Malasakit ang pananampalataya. At kung gayon, kilos ito  hindi lamang ng kalooban kungdi ng kabuoan ng sarili—pati  ng isip.  Sa wakas, ayon kay  Tillich, dahil sukdol na pagmamalasakit ang kilos na ito, maaari lamang magmula sa Sukdol mismo yayamang kailanman hindi naranasan ng tao ang anumang sukdol. Isang “tanda” ng  Sukdol sa tao ang isang pagnanais na mag-alay ng sukdol na pag-ibig. Ang pananampalataya ay  pakikipag-isa ng suhektibong kilos ng sarili na pinangungunahan ng kalooban  at  ng  Sukdol na obhektibo nito (Diyos). O sa bokabularyo ng theolohiya, biyaya ng Diyos ang pakikipag-isa sa Kanya sa bawat kilos ng pananampalataya. Sa pilosopiya ng paniniwalang iyon itinataya na may obhektibong pag-iral ang Diyos bilang sukdol. Hindi ginagawa ng paniniwalang may Diyos; kungdi nararansan lamang siya sa loob ng paniniwalang iyon. Bilang sukdol, lagpas Siya sa isip at kalooban; kaya’t kung nakararating man sa Kanya iyon ay dulot ng Kanyang paglapit sa akin. Ngunit anomang biyaya ay hinihingi at tinatanggap nang malaya. Kaya, kahit obhektibo ang paniniwala bilang biyaya, suhektibo rin ito bilang kilos na ginagawa ng sarili. Samaktuwid ang paniniwala ay ang kaugnayan ng suhektibong kalooban at obhektibong sukdol na Meron.

Sa wakas,  kung hindi  ang obhektibong umiiral na Diyos ang binabaligtad para sa naniniwalang humaharap sa atheismo, ang suhektibong elemento ang binabaligtad. Ipinamumukha ng Atheismo sa sumasampalataya ang  suhektibong elemento ng pananampalataya.  Sa anong paraan ito ipinamumukha? Sa paraang  pinaalalahanan siya na baka nawawalan ng obhektibong katangian ang Diyos dahil sa suhektibong mga dahilan ng naniniwala. Ipinamumukha ng paghihinala ni Hume ang posibilidad na hindi Diyos ang pinaniniwalaan bunga ng takot at pagnanais ng tao.

Ayon kay Lauer,  inihaharap ng Atheismo na laging may Larawan tayo ng Diyos sa kaugnayan natin sa Kanya. “Ngunit ang katotohanan ay ang pinaniniwalaan ng taong Diyos ay sa malawak na paraan man lamang, ang Diyos na siyang nililikha ng tao sa kanyang larawan—hindi mananatiling tao ang tao kapag ganap na makatatakas sa anthropomorphismo. Sa anumang panahon, sa anumang kultura, ang mga katangian na pinamamalas ng Diyos ay sadyang prodyeksyon ng mga ideyal ng panahon o kultura” (Lauer 92-93)  Maraming magsasabi na dulot ng mga pangangailangan ng isang tao ang paglapit niya sa Diyos. Ayon sa kanyang pangangailangan iyon ang larawan niya sa  Diyos. Kaya hindi natin nararating ang Diyos sa kanyang sarili (Deus Ipse). Ang paliwanag  ng ilang atheista ay dahil sa ating mga takot at pagnanais  lumilikha tayo ng Diyos natin. Sa atheista ang katunayang  ito ay nangangahulugang walang Diyos.  Atheismo ang paniniwala sa isang hindi Diyos. Hindi talaga paniniwala ang idolatriya. Ngunit ang posibilidad ng idolatriya dulot ng maling larawan ng Diyos ay nagbubunsod naman sa naniniwala na hanapin ang tunay na larawan ng Diyos.  Kaya ang paghihinalang ito ng atheismo ay ang laging pagtatanong sa naniniwala kung Diyos nga ba ang pinaniniwalaan o baka isang prodyeksyon lamang ng isang ideyal.

Kasabay ng paghihinalang ito ay ang pagtanggi sa mga makasariling dahilan para maniwala. At bunga ng  makasariling interes na ito ang paggamit sa relihiyon para sa sariling kapakanan. Ito ang tinatawag ni Westhpal  na instrumental  na relihiyon (Westphal 30).  Mula sa tanong ukol sa bukal ng paniniwala, napunta sa tanong ukol sa silbi nito  para sa sarili.  “Anong mga gawain (uring pamumuhay, institusyon)  ang ipinagtitibay ng aking paniniwala?”  (Westphal 29)  Ang tinatawag ni Westphal  na instrumental na  relihiyon kaya ang tinatawag ni Lauer na paniniwalang tagong di-paniniwala?  Tinatalakay ni Westphal ang  Ikatlong Utos (“Huwag mong  babanggitin ang pangalan ng Panginoon nang walang kabuluhan.”)  Higit sa pagmumura  tinutukoy ng utos ang paggamit sa “banal na kapangyarihan upang matamo ang mga pansariling maling mithiin” (Westphal 30).  Idolatriya kung gayon. Ang paniniwala sa isang huwad na diyos ay di-paniniwala. Marahil nagmumula ang pagtatanong na ito ni Hume sa pagsabi ng mga Kristyano na pag-ibig sa kapwa ang kanilang buhay. Ngayon kung may gamit ang relihiyon, hindi ba’t nilalabag ng Kristyano ang pangunahing utos ng kanilang Diyos na umibig. Tinatanong rin ng Atheista ang posibilidad na kalimutan ang sarili ng ganap kung suhektibo ang paniniwala. Kaya kasabay sa paghihinala kung may Diyos nga ba talaga ay ang paghihinala sa posibilidad na mabuhay ayon sa mga utos ng relihiyon. Samakatuwid, dinadala rin ng paghihinala ang talakayan sa kaugnayan ng paniniwala at etika.

 

Hermenyutika ng Kwaresma

Para sa nag-iisip na naniniwala hindi kailangang magdulot ng pagtanggi sa Diyos ang paghihinala na ginagawa ng  Atheismo. Sa proposisyong ito may maaari magtanong: Posible kaya ito? Hindi ba’t magdudulot iyon ng pag-aalinlagan? At maaaring humantgong ang pag-aalinlangan sa pagtanggi? Hindi ko itatawa na maaari nga itong mangyari. May iba’t ibang conversio sa buhay ng tao. Maaari siyang magbago mula sa paniniwala patungo sa kawalan nito. Ngunit maaari din naman na mula sa pag-aalinlangan at kawalan ng paniniwala ay maging  masidhi siyang tagapagtanggol ng paniniwala.  Sa ngayon nabubuhay tayo sa kulturang naniniwala, kaya ang nag-aalinlangan ay binabata ang kanyang alinlangan sa isang lipunang napakatindi ang pagkarelihiyoso. May mga tao naman na lumaki sa kulturang sekular kaya ipinanganak silang di-naniniwala sa Diyos. (Greoschel  34) Iba ang  pagharap sa atheismo sa lipunang sekular sa pagharap natin dahil naliligiran tayo ng mga tanda ng paniniwala. Gayonpaman, naliligiran din tayo ng mga tanda ng kawalan ng Diyos, ng kahirapan o kawalan ng kaayusan at katwiran. Bilang guro ng Pilospiya ng Relihiyon hinihintay ko pa ang mag-aaral na absolutong atheista.  Samantala, napagsigla na ng napakaraming agnostiko (mga hindi alam kung may Diyos o wala) ang mga klase ko. Naroon ang takot ng ilang tagapagtanggol ng pananampalatayang baka madulot ng agnostisismo ang mga pilosopiyang ito.

Marahil kailangan nating linawin na lumalampas tayo sa isang hermenyutika ng paghihinala kung nais nating makatulong sa atin ang Atheismo sa ating paniniwala. Isang intelektwal na pagtatanong ang paghihinala. Bilang gayon, napakalaking tulong  ito sa mga taong lumaki sa isang kulturang naniniwala, iyong bunga ng kanilang kasaysayan lamang ang kanilang paniniwala. Kung tatanungin mo ang karaniwang tao kung bakit siya naniniwala sasagutin ka niya na lumaki kasi siya na ganoon. At para sa kanya sapat na iyon. Samantala ang di-naniniwala  ay laging may malinaw na dahilan kung bakit siya hindi naniniwala.  Dahil mas nagiging tapat siya sa kanyang pagiging tao at nag-isip siya, mas nagiging tapat siya sa Diyos. Sa mga karamihan ang Diyos ay bahagi  lamang ng mga nakagawian sa buhay tulad ng kasangkapan sa kanilang tahanan.

Ngunit bilang intelektwal na pagtatanong humahanap ito ng malilinaw na dahilan at paliwanag. At kaya maaaring makaligtaan ang isang katunayan ukol sa pag-iisip sa Diyos, na lagi iyong kulang sapagkat laging higit ang Diyos. Sa wakas kung katiyakan ang hinahanap ukol sa Diyos, mabibigo ang naghahanap dahil kulang ang kakayahan ng isip na tiyakin ang isang Hiwaga. Bilang sukdol, nakatago ang Diyos, o kadalasan Siya’y  animoy tahimik. Marami sa atheistang  tinuturing ang katahimikhang iyon bilang pagkawala. Sa naniniwala ang katahimikan ay tanda ng pagkanaroroon ng Diyos, sapagkat tanda na naroon ang Hiwaga. Si comprehendis non est Deus.  Maaari ding sabihin kung gayon,  Si non comprehendis, (in fide)  Deus est. Kung hindi nauunawan, sa pananampalataya naroon ang Diyos. Ika nga ni Basil Mitchell,[iv] hindi hinahayaan ng taong naniniwala na madaig ng anumang patunay na walang Diyos (ang panahon ng Kanyang katahimikan) ang kanyang paniniwala.  May katangian ang paniniwala na huwag itong itakwil anuman ang mangyari.  Talos ito ng pinakakaraniwang tao, tulad ng mga simpleng martir.

Kung gayon, ang taong naniniwala ay kailanman hindi nabubuhay ng ayon sa isip lamang. Ngunit nabubuhay ng ayon sa isip rin. Ang paghihinala kung makatutulong ito sa paniniwala ay hindi maaaring maging isang intelektwal na kilos lamang. Kaya tinawag rin ito ni Westphal na HERMENYUTIKA NG KWARESMA. Sinabi ni Westphal  na: “Maaari itong maging makapangyarihang kasangkapan sa pangsarili at pangkalahatang pagninilay kung ibubukas ang sarili nang tapat at mapagkumbaba” (Westphal 34). Dito natin nakikita na higit sa metodo ni Hume ang minumunkahing metodo. Sapagkat una) ginagawa iyon ng isang naniniwala, at ikalawa) ginagawa iyon sa harap ng kaaway nang may katapatan at pagpapakumbaba. Hindi marahil sinasabi ni Westphal na iisa lamang ang pagsusuri na ginagawa sa Kwaresma at sa pagsusuri na ginagawa ng paghihinala. Sinasabi niya na magkatulad ang dalawa. Ngunit hindi maipagpapalit ang isa para sa isa.

Kaya nga kung makatutulong ang Atheismo, makatutulong lamang ito sa isang may  buhay na paniniwala, siyang ang paniniwala ay hindi na hahayaang madaig ng anumang kontradiksyon—intelektwal man o real. Ibig sabihin, siya na may kaugnayan sa Diyos, isang kaugnayang  ayon sa katotohanan at pag-ibig. Ikalawa, bilang may buhay na paniniwala, alam niya ang paniniwala niya ay lumalago.  Lumalago ito dahil nga pananampalataya. Ito ang tesis  ni Lauer, na ang “paninwala ay isang proseso, isang kalkulus, laging lumalapit, ngunit hindi nakararating sa ganap na pagkapit” (Lauer 100) Bilang paniniwala hindi ito tiyak, o ang katiyakan nito ay sa mismong di-pagkatiyak. Iba ang paniniwala sa kaalaman.  Iba hindi dahil mayroon  itong sariling katiyakan. Ang katiyakan  nito ay sa pagsuko sa Misteryo. Kung gayon, bilang paniniwala, lagi itong may elemento ng paghihinala, ng kawalan ng paniniwala. Dito nagsisimula ang buong pilospiya ng paniniwala ni Lauer. Kung sinasabi man niya na kaakibat ng paniniwala ang atheismo ito’y sapagkat, bilang paniniwala, isang  pagkakalkula ang paniniwala.  Alalahanin natin na ang anumang mabuting depinisyon ay  iyong tunay sa karanasan. Ibig sabihin, ang tunay na naniniwala ay umiigpaw sa tukso na iwaksi ang Diyos. At ito’y totoo sa bawat kilos ng paglapit sa Kanya.  Ang paglapit sa Diyos  ay pagsagwan laban sa mga alon ng paghihinala sa pagkanaruruon ng Diyos.

Ngunit sa ganitong dahilan din nangangailangan ang paniniwala ng paghihinala. Dahil laging hindi tiyak,  hindi lang ito naghihinala kungdi kailangang maghinala. Huwad na paniniwala iyong  tiyak na. At ang maging tiyak dahil napapako  lamang sa suhektibo nitong elemento. Ang paniniwala bilang kilos ng kalooban ay may kahiligang umikot sa kanyang sarili. “Naniniwala ako basta!” Ngunit huwad ang ganitong paniniwala kahit na matibay at gumagana. Nangangailangan kung gayon ang paniniwalang pag-ingatang huwag umiikot sa kanyang sarili. Hindi sa mayroon itong malinaw na dahilan kung na may malinaw itong obheto at na ang obhetong iyon ay ang Diyos. Narito rin ang kahirapan sa paniniwala, ang pinaniniwalaan ay Di-Nakikita kapwa ng mata at isip. Isang Diyos ang pinaniniwalaan na lagi lamang dumaraan at nag-iiwan ng mga bakas. Isa siyang mailap na usa na hinahanap ng isang mahinang lente ng inaantok na kaluluwa. Dahil mahirap, may kahiligan na pababain ang uri, ang mamahinga sa katiyakan. Ibig sabihin ang  iuwi  ang Diyos sa kalinawan, sa mga pormula ng relihiyon, sa sistema ng  pagsamba, sa batas moral, sa aksyon, sa damdaming debosyunal, sa mga relihiyosong pagbabasa. Ngunit kapag namahinga na lumalayo na rin sa Diyos. Nagiging atheismo, o isang paniniwalang tagong di-paniniwala. Sa hermenyutika ng kwaresma, nag-aalistong hindi ko niloloko ang sarili na naniniwala ako samantalang hindi pala. Hindi dahil wala talagang Diyos (paghihinala lamang ito); kungdi dahil wala na ang Diyos sa harap ko. Ako na lamang ang naruon sa paniniwala. Ang hermenyutikang ito ay pagbabalik sa bukal ng paniniwala, na walang iba kungdi ang Diyos.

Makikita natin na bilang may kahiligang maging suhektibong lamang, kailangan ng paniniwala ng  Tanod.  At maaari tayong magbigay ng apat  Tanod. At ayon sa uri ng taga-tanod ay may iba’t ibang uri ng pagtatanod. Naroon unang-una ang Diyos;  tapos ang kapwa-tao. Naruon din ang ibang relihiyon, at naruon din ang atheismo.  Ang  tanod  laban sa suhektibismo ng paniniwala ay ang  IBA.  Hindi maaaring tanuran ng sarili ang kanyang sarili sapagkat laging naruroon ang posibilidad ng Pangloloko sa Sarili. Ngunit iba rin kung ang Diyos ang mismong tanod sapagkat siya ay Ganap na Iba. Tinatawag ang pagtatanod na ito na Pagdadalisay sa Pananampalataya. Sa puntong ito upang luminaw ang ginagawa sa Hermenyutika ng Kwaresma kasama ang Atheista, titignan natin kung paano ito katulad at naiiba sa Pagdadalisay ng Pananampalataya.

 

Pagdadalisay at Paghihinala

Ang panahon ng pagdadalisay ay isang panahon na humihingi ng mas higit na kilos ng paniniwala. Sa isang  paningin katulad ito ng sinabi ni Gabriel Marcel na panahon ng hidwa. Sa puntong ito nakararanas ang sarili ng pagkaputol sa isang dating sitwasyon; at ngayon napadpad siya sa isang sitwayson na kakaiba at mahirap. Ganito kadalasan ang kamatayan at pagkakasakit.  Nilarawan naman ni Basil Mitchell  ang panahon ng pagdurusa na panahon kung kailan  parang walang Diyos. Ano ang nakasangkot sa depinisyong iyon?  Nakasangkot ang isang pagpapakitang sinasabing iba ito nuon kung kailan malinaw pa na may Diyos. Pinahihiwatig nito na kadalasan mayron tayong larawang buhay na nagpapatunay na may Diyos, isang larawan marahil ng buhay na masagana at madali ang lahat. Kaya nga kung nakararating sa isang punto na nawawala ang kaginhawahan, parang nawawala ang Diyos. Tulad ng sinabi natin sa itaas, ang pagkakataong ito ay isang pagkakataon na  nawawala ang Diyos, pagkakataong  sinasabi nating  “Adonde esta escondiste?” (Cantico Espiritua)

Sa paanong paraan humahantong ito sa pagdadalisay at hindi sa  pagtanggi sa Diyos? Sa wakas makikita natin na ang pagkanaruroon ng Diyos ay hindi batay sa isang larawan, at lalo’t  higit sa isang larawang tayo ang lumikha ayon sa ating kapakinabangan. Pagdadalisay ito sapagkat sa puntong ito sinasabi ng Diyos na Diyos nga Siya. Ibig sabihin higit Siya sa ating larawan sa Kanya.  Ito ang tinatawag na  Karanasang ‘Akalo ko.’  Karanasan iyong  pinamumukha sa atin na nagkamali tayo ng pakiwari sa Diyos. Akala natin ito at ganito ang Diyos; iyon pala hindi. Kung tunay na may kaugnayan tayo sa Kanya dumarating sa atin ang isang damdamin na naging hindi tayo makatarungan sa Diyos. Tinuring nating Diyos ang hindi Siya. “Akala ko Santa Claus ka.” “Akala ko pera ka.” Sa wakas ang pagsira sa larawan natin ng Diyos ay pagsabi na hindi tayo ang Diyos.

Nilarawan ni Lauer ang karanasang  ito bilang pagkakataon kung kailan nababago ang isang larawan ng Diyos sa isang larawan niya na higit na matunog; higit na kapani-paniwala. Ngunit lumalabas na tayo lamang ang lumikha sa Diyos ayon sa ating pangangailangan. Kaya  ang tunay na  pagdadalisay ay ang paglampas hindi  lamang sa iisang larawan kungdi sa lahat ng larawan. Makikita natin na mahirap ito.  Nakikita din natin ang pagkahigit sa atin ng Diyos.  Pumapasok rin dito ang pagnanais natin sa isang tunay na larawan, iyong hindi lamang batay sa kasalukuyang interes. “May suliraning akong sikolohikal kaya para sa akin sikologo ang Diyos.”  Sa pagdadalisay ng paniniwala ninanais ko na makarating sa Diyos mismo. Nabanaagan ito ni San Agustin nang hinahanap niya ang katotohanang higit sa sinasabi ng pilosopiyang ito o ng lapiang iyon—nais niya ang  Katotohanan mismo (Confessiones III, 4). Dito nakikita na sa puntong  ito ang kaluluwa na lamang at ang Diyos ang nakasangkot. Ito’y paglisan sa lahat patungo sa pag-iisa, isang paglalakbay na ang tanging  kasama ay ang Diyos.  Kasabay ng Diyos mismo ay ang Diyos laman.

Makikiita natin na sa  panahon ng pagdadalisay  humihingi ng mas tunay na pakikiisa sa Diyos, ng  mas mahabang pakikiniig sa kanya, kung kailangan, ng mas matibay   na pagsuko sa Kanya. Ngunit nakikita rin natin na pumapasok tayo sa isang teritoryo na nasa labas lamang ang nag-iisip. Ibig sabihin, teritoryo na iyon ng kaluluwang umiibig  at ng Diyos.  Dito magkaharap ang Kaluluwa at Diyos.  Ngunit hindi  sa hindi isinasangkot ang kapwa. Kungdi dito ang Kapwa ay ang Diyos.  Ang kaugnayang ito ang mahalaga sa lahat sapagkat isang kaugnayang bukal ng kaugnayan sa kapwa.

Ang mga salitang ito ni San Agustin ay isang pagbigkas ng pagdadalisay ng Diyos:

Ngunit ikaw, Panginoon, habang nagsasalita siya, pinipihit mo ako upang makita ko ang aking sarili,  binaligtad mo ako, sapagkat tumalikod ako upang huwag mapagmasdan ang sarili, at  ipinaharap ako sa akin upang matanto kung gaano ako kadukha…Kung nanaising ilayo ang tingin, pinatatayo mo ako sa harap ko, pinipilit na humarap sa sarili, nang makita ko ang aking kasalanan at  kamuhian ito. Alam ko ito ngunit nagkunwaring hindi ko alam. Iwinawaksi ko iyon sa malayo at sinusubukang kalimutan. (Confessiones VIII, 7)

Ito’y  ilang sandali bago ng kanyang pagbabalik-loob sa isang hardin sa Milan. At ang tanda ng pagbabalik-loob na iyon ay an pagkantanto sa kanyang sarili. Ang pagbabalik-loob  na ito ay pagkakilala ng sarili sa kanyang sarili, sa tulong ng pagharap sa Diyos. Pinaamin  si Agustin na alam nga niya ang kasalanan ngunit nagpanggap siya na hindi niya ito alam. Diyos lamang ang tanging mapagpapakita sa atin ng ating pagkamalayo sa Kanya. Sa iba’t ibang paraan pinadadalisay tayo ng Diyos, ngunit sa bawat pagkakataon ibayong pakikipag-isa sa Kanya ang bunga. Masakit ang pagdadalisay. Ipinamumukha ang dating kahibangan at pangloloko sa sarili. Ngunit sa harap ng Walang Hanggang Diyos at sa pag-alala sa ating mahinang isip at pag-ibig magtataka pa ba tayo na ukol sa Diyos lagi tayong nagkakamali.

Ang mga salitang iyon ni San Agustin ang ginamit ni Westphal upang ipaliwanag ang pagdadalisay na dulot naman ng Atheismo. Bahagi ng kahinaan ng tao ang laging  mabingit sa  pangloloko sa sarili; tanod sa ganoon ang paghihinala. Sa pamamagitan ng pagmamasid nila Freud at Marx maaaring mapilitan tayong umamin sa ating pagpapanggap. Laging napakadaling turingin ang isang ideya ng Diyos na nagagamit ko bilang Diyos na. Ika nga ni Tillich kahit ano sa ilalim ng araw maaaring maging Diyos.  Kadalasan  tinuturing natin itong Diyos dahil nabibigyan katwiran ang kabaliwan ng kasalanan.  Ipinaliwanag ni Westphal na naging gayon ang Manicheismo kay Agustin. Pinahintulutan siya ng materyalismo at dualismo nito na magpatuloy ng kanyang pagnanais ng katanyagan at ligaya.

Pinatatalos sa atin ng paghihinala na kadalasan  hindi Diyos ang hanap natin kungdi ang ating sarili. Laging tayong humanahap ng Diyos para sa ating sarili.  Kaya nga nauuwi sa mga maginhawang pananaw ang relihiyon. Ika nga ni Hume “kadalasan, kaugma ng mapamahiing banal-banalan at debosyon ang pinakahigit na mga krimen” (Westphal 28).  Dahil may kakayahan ang taong ika “iwaksi at kalimutan” ang mabuti at tama, maaari niyang gamitin ang kanyang paniniwala para sa  talagang masama at mapang-api.  Sa paglampas sa paggamit sa relihiyon sa pagpapatibay sa mga mali, nakikita natin ang Diyos mismo.  Ang paglagpas sa pagtingin sa relihiyon upang gawing mabuti ang buhay  ko ay pagharap talaga sa Diyos. O pagharap  sa Diyos na totoo.  Sapagkat ang pagharap sa Diyos ay pag-angat ng sarili sa isang Walang Hanggan, sa isang Sumasaibayo. Ang paniniwala sa Diyos kung gayon ay hindi lamang para sariling kaligtasan. Mayroon itong mga kahingian (exigencies). Kaya nga kasabay ng pagdadalisay ng Diyos ay ang pagdadalisay ng mukha ng kapwa.

Sa isang paningin  pinamumukha sa atin ng paghihinala na hindi natin mailalagay ang Diyos sa loob ng ating sistema ng paniniwala kahit na napakadaling gawin nuon. Dahil may suhektibong elemento ang paniniwala, maaari kong iuwi ang Diyos sa loob ng aking personal na debosyon at pananampalataya. Gayondin ang kapwa, na makita siya bilang isang bahagi ng aking kaligatsan; na kinakailangan siya sa pag-akyat ko sa langit. Ngunit ipinakikita sa atin ni Emmanuel Levinas na kailanman hindi ako tumatayo sa harap ng Iba  (Diyos man o kapwa)  ayon sa isang sistema  ng  totalite. Sapagkat ang Walang Hanggan ay laging labas sa kabuoan ng sarili ko. Kaya nga, sa isang banda naruon ang kahiligan na angkinin ang Diyos (at tawagin ang pag-aangkin na iyon na personal na kaugnayan) at sa kabilang banda ay ang paghihilagpos ng Diyos sa pag-aangkin na iyon sa pamamagitan ng panahon ng pagdadalisay.  Katwa na sa pagbigay sa atin ng kalayaan sinasabi ng Diyos na hindi Niya gustong angkinin tayo; ngunit sa pamamagitan ng parehong kalayaan ay inaangkin natin Siya. Laban sa kahiligan ito ang bunga  ng paghihinala ng mga Atheista.

 

 



[i] Quentin Lauer, SJ,  “The Problem of  Unbelief,” sa The Lauer Reader, ed. Rainier Ibana, Ph. D., (Quezon City: Office of Research and Publications, 1990), 91-102.

[ii] Merold Westphal, “Taking Suspicion Seriously: The Religious Uses of Modern Atheism,”  Faith and Philosophy  4 (January 1987): 26-42.

[iii] Paul Tillich, “Kung Ano ang Pananampalataya,” sa Ilang Babasahin sa Pilosopiya ng Relihiyon, ed. Jovino Miroy, (Quezon City: Office of research and Publications,  1993), 74-81.

[iv] Anthony Flew, R. M. Hare, Basil Mitchell, “Theolohiya at Pagpapalsipika,” sa  Ilang Babasahin sa Pilosopiya ng Relihiyon, ed. Jovino Miroy ( Quezon City: Office of Research and Publications, 1993), 6-8.