OTHER ARTICLES
Ang Pakikitagpo sa Banal sa Panahon ng Ingay at Katahimikan

 


Ang Pakikitagpo sa Banal
sa Panahon ng Ingay at Katahimikan

Agustin Martin G. Rodriguez


Sa kasaysayan ng sangkatauhan, may tradisyon ng pagkikitagpo sa Banal bilang isang nakikitagpo sa katahimikan. Mula sa mga panaghoy ng Israel na ipinatapon sa Babylon hanggang sa Deus absconditus ni Pascal, mula sa Diyos ng nada ni San Juan de la Cruz hanggang sa Diyos ng Holocaust ni Elie Wiesel, naroon lagi sa karanasan ng sangkatauhan ang sumasaibayo bilang tahimik at umaatras mula sa taong naghahagilap. Marahil bahagi talaga ng kasaysayan ng ating pakikitagpo sa Banal na nararanasan natin ito bilang umaatras sa ganap na katahimikan. Minsan nararanasan natin ito bilang pagtampo, pagtago, o paglimot ng Diyos sa sangkatauhan. Ano man ang pag-uunawa natin sa katahimikang ito, mabigat nating nararanasan ang pag-atras ng Diyos bagama't lumalapit ang tao sa kanya.

Tilang hindi naiiba ang ating panahon sa ibang panahon na naranasan ang Banal bilang isang ganap na katahimikan. Kahit sa ating panahon, maaaring sabihin na tahimik ang Banal at umaatras mula sa tao. Hindi mapagkakaila na atin ang panahon kung kailan binigkas ng mga Hudyong nabuhay sa Holocaust ang daing ng paglimot ni Yaweh. Ito rin ang panahon kung kailan nabigkas ang mga pilosopo tulad ni Albert Camus at Jean-Paul Sartre ang posibilidad na ang Banal ay isa lamang larawan ng makapangyarihang tagapagbigay ng kahulugan na nagpapalimot sa pagka-absurdo ng katalagahan. Sa ating panahon naibigkas ng tao ang posibilidad ng pagkalimot ng Diyos sa tao at ang posibilidad ng pagiging panaginip ng Diyos. Sa ating panahon, kung kailan ganap nang naranasan ang kapangyarihan ng tao, masasabing ganap ang katahimikan ng Banal. Marahil ito ang dahilan kung bakit nabubuhay ang marami sa praktikal na ateismo kung saan kinikilala ang Banal bilang bahagi ng pakikibahagi sa isang simbahan, subalit higit doon walang tunay na lugar sa kanilang buhay ang Diyos.

Tiyak na hindi natin masasabi na ngayon higit kailanman, nararanasan natin ang katahimikan ng Banal. Posible na naranasan ng bawa't panahon ang Banal bilang katahimikan at laging naroon ang posibilidad ng pagduda. At maaari ring makita na sa bawa't panahon, may sapat na dami ng saksi upang ipahiwatig na lagi nating kasama ang Banal at hindi ito nararanasan bilang katahimikan lamang. Subalit ano man ang katotohanan, maaaring makita na sa ating panahon, nagiging higit na mahirap ang pakikitagpo sa Banal dahil ngayon may natuklasan ang tao ukol sa kanyang sarili bilang suheto.

Tiyak na kabalintunaan ang pagsabi na nararanasan natin ang katahimikan ng Banal sa ating panahon dahil mayroon tayong nasasaksihang muling pagpapalalim at pagpapalaganap ng relihiyon. Sa maraming mga bayan, nagiging sentro ng buhay ang relihiyon. Ang mga bayang Islam halimbawa ay may matinding pagnanais na balikan ang nauunawaan nilang pagkadalisay ng kanilang sariling relihiyon. Ganoon rin para sa maraming mga Kristiano: tilang may pagbangon ng matinding pagnanais na bumalik sa sinaunang katotohanan ng kanilang relihiyon. Para sa maraming mga Kristiano, ito ang panahon na higit na tumitindi ang presensiya ng Espiritu Santo dahil napakaraming nagaganap na pagbabalik-loob kay Kristo. Sa telebisyon pa lamang, napakadaling makita sa dami ng taong nagtitipon upang makinig sa salita ng Diyos sa Luneta man o isang coliseum na buhay na buhay ang presensiya ng Banal sa mga tao.

Totoong buhay na buhay ang napakaraming relihiyon sa ating panahon. Totoo rin na may alon ng pundamentalismo na dumadaluyong sa ating mundo. Ano pa nga ba ang higit na totoong tanda ng pagbangon ng Banal sa ating panahon kundi ang pagpapalaganap ng napakaraming grupong relihiyoso na nakakapangakit sa napakaraming tao? Subalit tanda nga ba ito ng higit na matinding pagpepresensiya ng Banal? Masasabi ba natin na may nakikitagpo sa atin? May nagsasalita nga ba? At masasabi bang nakikitagpo tayo? Madaling isipin na may malinaw na pakikipagtagpo ang Banal, kaya bumabangon tayo upang makitagpo. Napakaraming tao ang nakasangkot sa iba't ibang kilusang nagpapalaganap sa pananalig. Ginagamit nila ang mga kasangkapang inilalaan sa kanila ng ating makapangyarihang teknolohiya at matagumpay nilang naaakit ang napakaraming tao na makitagpo rin sa Banal. Isang produktong madaling tinatanggap ng mga tao ang relihiyon kaya maaari na totoong may pakikitagpong nagaganap sa pagitan ng tao at Banal. Ito ang maaaring magpaliwanag kung bakit napakaraming puso ang tumutugon sa tawag ng iba't ibang mga relihiyon. Maaaring totoo na may kakaibang nagaganap ngayon sa pagitan ng tao at Diyos. Marahil tulad ng sinasabi ng mga milenaryo, dumarating na tayo sa wakas ng isang milenya at magsisimula na ang pagwakas ng panahon. Marahil dumarating na ang Diyos upang dalhin ang lahat sa kaganapan. Posible ang lahat ng ito. Subalit kung titignan natin ang mga umiiral na kilusang relihiyoso, masasabi ba natin na mayroon ditong pagbubukas at pananalig sa Banal? Mahirap itong sagutin mula sa labas, at hindi makatarungan na tayo'y magkunwari na nasa ating kakayahan ang maghusga sa katotohanan ng kaugnayan ng tao sa kanyang Diyos. Subalit maitatanong pa rin kung ang nag-aanyong pagpapalaganap ng relihiyon na nagaganap ay bunga ng isang tunay na pagbukas ng tao sa Banal o bunga ng paghahagilap sa nararanasan bilang kawalan. Hindi ba posible na ang ating pagbubukas sa Banal ay isang kilos ng desperasyon dahil kawalan ang ating nakakatagpo sa dapat sanang meron?

Sa ating panahon kung kailan natutuklasan ng tao ang kanyang ganap na kapangyarihang magbigay depenisyon at anyo sa kanyang mundo, malinaw sa atin kung papaano sumasailalim ang katalagahan sa ating kapangyarihan. Ano nga ba ang umiiral na hindi hawak ng tao sa kanyang kamay? Ano ang hindi sumasailalim sa ating agham at teknolohiya? Nahuhubog natin ang anyo ng kapaligiran, nakalilikha tayo ng iba't ibang uri ng hayop, nakapagbubuo tayo ng tao sa labas ng sapupunan, at nasa ating kapangyarihan ang pagpili ng uri at hugis ng sariling katawan. Ang ating buhay at ang pag-iral ng ibang mga umiiral sa mundo kasama ng tao ay sumasailalim sa ating kakayahang lumikha. Malinaw ito kung susuriin natin ang ating pamumuhay. Ang ritmo ng buhay ay binibigyan natin ng depeniyson ayon sa ating teknolohiya. Kung papaano tayo gumawa, kumilos, makitagpo sa isa't isa, at makitagpo sa mundo ay binibigyang depenisyon ng ating itinakdang patakaran. Mayroon tayong sagot sa halos lahat ng mga suliranin ng ating pag-iral at kung wala man sa atin ang sagot ngayon, malinaw na madali natin itong mararating dahil sa kapangyarihan ng ating katwiran. Sa ganoong kalagayan, nararanasan ng tao na walang sumasaibayo sa kanyang kapangyarihan.

Maaaring hindi natin ito inaamin, subalit marami sa atin ang nabubuhay na parang ang tao ang siyang pinakaganap na kapangyarihang umiiral sa katalagahan. Ano pa ba ang wala sa ating kapangyarihan? Mahirap isipin na may humihigit sa atin. At higit na mahirap isipin na kailangang umasa ang tao sa isang higit sa kanya. At ito ang dahilan kung bakit nagiging higit na matindi ang karanasan ng katahimikan ng Banal sa ating panahon. Mahirap marinig ang tinig ng likas na tahimik kung hindi ito kailangang pakinggan. Mahirap marinig ang Diyos kung nasa sentro ang tao at ang Diyos ay isang bisang umiiral sa ibayo at madaling pagdudahan o sapawan ng kapangyarihan ng tao. Kung tutuusin, kung nasa ganitong kapangyarihan ang tao at hindi kailangan ang Banal upang buuin ang buhay, nagiging higit na madaling tanggihan ang pag-iral ng Banal. Subalit marami pa rin ang natatakot na umamin sa kapangyarihan ng tao.

Maraming tao ang nagpupumilit na hindi ang tao ang sukdulan ng kapangyarihan na magdadala sa kosmos sa kaganapan nito. Marami pa rin ang nais mag-isip na mayroong umiiral higit sa tao na may pananagutan at kabutihang loob na tiyakin ang pagdating ng lahat sa kanilang kaganapan. Ito ang ating pagkapit sa Banal: isang kinakailangang kapangyarihan na binabalikat ang pananagutan ng paghatid ng katalagahan sa kanyang kaganapan. Isa itong kapangyarihang na inaasahan natin bilang tagapagsalo sa atin mula sa kapahamakan, isang tagapagtubos mula sa kadiliman. Hindi mapakawalan ang paniniwala sa Banal dahil higit na tiyak ang buhay kung may maaasahang kapangyarihan higit sa tao. At tilang hindi pa ganap ang tiwala ng tao sa kanyang kapangyarihan dahil bagama't nasa ating kamay ang paglikha ng mundo, kailangan pa rin natin ang isang Diyos. Maaari nga nating sabihin na ang pananalig sa Banal ay isa lamang kilos ng kawalan ng tiwala sa sarili. Kailangan ng tao ng isang nakahihigit sa kanya upang hindi niya kailangang pasanin ang buong bigat ng pananagutan sa sariling kapalaran. Higit na madali kung sa wakas may ibang may pananagutan sa ating buhay at kapalaran.Subalit gaano ba kalalim ang pagbubukas ng taong may pananalig sa Banal?

Sa isang banda, naroon nga ang pangangailangan sa Banal at masasabing naroon na rin ang isang uring pananalig sa isang sumasaibayong kapangyarihan na naghahatid sa kaganapan. Subalit maaari pa ring tanungin kung gaano katotoo ang pagbukas ng tao sa sumasaibayo bilang sumasaibayo. Walang malinaw na tanda na ang taong may pananalig ay nabubuhay na may pagturin sa sumasaibayo, dahil kahit may pananalig man ang tao sa isang sumasaibayo, naroon pa rin ang kilos ng pagsentro ng sarili bilang kapangyarihang tagapagtakda ng hugis ng mundo. Sa maraming kilusang relihiyoso, madaling makita kung papaano si Kristo ay nagiging isang Panginoon na madaling manipulahin basta't tinggap bilang "personal" na tagapagligtas. Mayroong mga sektang nagbebenta sa relihiyon na may "miracle assurance plan" na parang kaya ng taong itakda ang kilos ng Banal sa kanyang buhay. Sa ganitong paraan, ang Banal ay isa lamang kasangkapan sa buhay ng tao, at ang relihiyon ay isang lamang teknolohiya upang mamanipula natin itong bukal ng ganap na kapangyarihan. Sa wakas, isa lamang kasangkapan ang Diyos. Isa lamang kagamitan na maaaring gamitin ayon sa ating sariling mga pakay at hangarin. Wala tayong kaugnayan sa Banal bilang siyang sumasaibayo. Wala tayong kaugnayan sa banal maliban sa kaugnayan sa isang likas na bisang umiiral para magamit ng tao.

Dahil sa ganitong kaugnayan sa Banal, masasabi nating madaling mabuhay ang taong may pananalig sa isang kalagayan ng praktikal na ateismo. Totoong may isang uri tayong panananlig, subalit hindi ito sa isang Diyos na sumasaibayo. Sa ating relihiyon, tilang hindi pinahihintulutan ang Banal na maging banal. Wala tayong paggalang sa sumasaibayo sa pagsasaibayo nito. Ang pananalig sa ating panahon ay isang uring pagkilala sa posibilidad na merong isang umiiral na higit sa atin bilang isang kapangyarihang umiiral, subalit sumasailalim pa rin ito sa kapangyarihan ng taong umunawa at nagmamanipula ng mga umiiral sa katalagahan. Samakatuwid, ano mang umiiral sa nibel ng banal ay bahagi lamang ng mundong sumasailalim sa ating kapangyarihan. Walang higit sa tao, at walang sumasaibayo sa ating kapangyarihan at pag-uunawa. Bahagi lamang ang Banal ng mga kasangkapan na ginagamit ng tao upang lumikha ng mundo ayon sa kanyang sariling larawan. Ganito ang karanasan ng tao sa Banal dahil mahirap makita ang mundo na wala ang tao sa sentro. Malinaw na nating nakita ang mga posibilidad na isentro ang tao bilang tagapaglikha ng sanlibutan. Sabay nito, nakita na rin natin ang posibilidad na mabuhay ang tao na walang Diyos. Kaya magiging atidud ng isang uring eksistensiyalismo na pinanindigan nina Albert Camus at Jean-Paul Sartre na dapat maging tapat ang tao sa kanyang sarili. i.e. may Diyos man o wala, ang tao pa rin sa kanyang kakayahang lumikha ng kahulugan ang magtatakda ng kanyang sariling buhay at ng anyo ng katalagahan. Mahalaga sa ating panahon na maging matapang ang tao. Dapat nating panindigan ang ating pagkaulila, yakapin ang ating pag-iisa sa mundong naghihintay sa ating salita at gawa. Sa panahon ng tao, sa panahon kung kailan ang tao ang siyang sentro ng uniberso, mahalagang bitawan natin ang ating pagkapit sa Banal bilang isang tagapagbigay ng kahulugan sa ating mga buhay. Ang taong kumakapit sa Banal ay ang taong takot managutan para sa kanyang sariling pag-iral. Ang taong nananalig sa isang bukal ng buhay at kahulugan ay taong takot aminin ang sariling kakayahang lumikha ng makahulugang buhay.

Mula nang natuklasan ng tao ang malikhaing kapangyarihan ng suheto na umunawa sa mundo mula sa isang tinakdang balangkas ng pag-uunawa, naging mahirap tanggapin ang katotohanan ng Banal. Kung mayroon ngang umiiral bilang makapangyarihang bukal ng katalagahan, isa itong bukal ng kahulugan ng katalagahan. Kung may Diyos umiiral ito bilang suhetong nagbibigay-hugis at kahulugan sa lahat-lahat mula sa knayang ganap na pag-uunawa. Papaano tatanggapin ng tao nasentro ng kahulugan ang posibilidad na may ibang sentro na nagbibigay depenisyon sa kanyang karanasan ng katalagahan. Ang pagkasentro ng ako ay nilalagay sa alanganin ng presensiya ng isang ganap na suheto na hindi lamang umuunawa sa katalagahan kundi bukal ng kahulugan nito. Tilang pinawawalang bisa ang kapangyarihan ng tao ang pag-iral ng sumasaibayong suheto, ng isang ikaw na bukal ng katalagahan. Kaya higit na mahirap para sa taong aminin ang pag-iral ng Diyos ngayon na natikman na niya ang sariling kapangyarihan bilang bukal ng kahulugan at hugis ng mundo. Nasaan ang lugar ng Banal dito sa mundong nililikhang tao? Nalalagay nga sa alanganin ang katotohanan ng Banal sa harap ng kapangyarihan ng tao, subalit patuloy na naghahagilap ang tao. At patuloy tayong umaasa na meron ngang isang sabay sumasaibayo at nakikitagpo sa tao. Bagama't nararanasan natin ang Banal bilang isang katahimikan, marami pa ring nagbubukas. Bunga nga ba ito ng takot na ang tao'y mangunlila o bunga ba ng isang malalim na pakikitagpo?

Sinabi na natin na sa pinakamalalim na karanasan ng tao sa Banal, naroon ang katahimikan. Kung titignan ang panitikan ng panaghoy ng Lumang Tipan o ng mga mistiko, maaari nating maunawaan itong katahimikan bilang isang uring pag-atras ng Banal mula sa ating pananaw. Sa pananaw ng nananalig, kahit tahimik ang banal, nagdirito siya sa kanyang ganap na presensiya at kapangyarihan. Naging posible ang pananalig na ito dahil nakakatagpo ng nananalig ang Banal bilang isang tiyak na meron na bukal ng buhay at kahulugan. Kung wala siya, hindi maaaring magkaroong ng kahit anong kahulugan ang kanyang pagdirito. Subalit higit dito, ang presensiya ng Banal, kahit sa katahimikan, ay nararanasan bilang isang pagdiritong nakikitagpo. Hindi lamang isang palagay ang merong Diyos. Hindi lamang ito bunga ng isang takot mangulila para sa ilan. Ang pananalig sa Banal ay bunga ng isang buhay na karanasan sa isang Ikaw na sumasaibayo at nakikitagpo sa akin. Mahirap sabihin na bunga lamang ng takot ang ganitong panananlig. Nananatiling saksi ang panitikan ng mga taong saksi sa Banal ang isang karanasan ng pagkikitagpo sa isang Ikaw na nagpepresensiya, bagama't madalas ang presensiyang iyon ay presensiya ng isang umatras sa liwanag ng katwiran. Kaya mauunawaan rin natin kung papaano, sa panahon ng pagbangon ng tao, sa panahon ng pagpapahayag ng ating sariling tinig at kapangyarihan, mayrong pa ring naghahagilap sa isang hindi marinig o makatagpo. Posible na presensiya pa rin ang Banal bilang isang Ikaw na nakikitagpo sa mga nagbubukas sa kanyang katahimikan. At dito natin nakikita ang posibilidad na mayroong posibilidad ng pagpepresensiya ang Banal sa panahon ng tao. Nakikita rin natin na may ibang interpretasyon kaysa sa takot ang pagnanais ng taong makitagpo sa sumasaibayo. Marahil ang karanasan ng pagbukas ng tao sa Banal ay nasa nibel ng tugon sa isang sumasaibayong presensiya na tumatagos sa tinig at kapangyarihan ng tao. Subalit, anong uring presensiya ang maaaring makitagpo, tumagos sa mundo kung saan ang tao lamang ang sentrong bukal ng buhay at kahulugan? Ito ang panahon ng tao. Panahon ito ng pagbangon ng tao sa pagiging sentro, anong lugar ang meron dito para sa Diyos na tahimik?

Sa ating panahon ng pagbangon, tilang nahahadlangan tayo mula sa pakikiagpo sa Banal. Subalit maaari rin itong maunawaan bilang panahon ng higit na posibilidad ng pagbubukas dahil sa ating pagbangon, doon natin natutuklasan ang ating hangganan. Maari nating makita na habang natutuklasan ng sangkatauhan ang ating mga posibilidad, habang natutulak natin ang ating kapangyarihan, doon natin natutuklasan ang hangganan ng ating kapangyarihan. Ngayon , higit sa ano mang panahon ng ating kasaysayan, natutuklasan natin ang ating kapangyarihang lumikha at magwasak ng mundo. Namumulatan natin kung papaano sa pamamagitan ng agham at teknolohiya nakalilikha tayo ng sariling mundo na may tatak lamang ng tao. Tilang narating na natin ang pinakaaasam na panahon: ang panahon ng paghari ng tao sa kanyang sariling buhay. Subalit hindi pa rin natin nakakamit ang pinangakong kaligayahan o kaganapan. Wala pa sa tao ang pinakaaasam na kaganapan ng buhay bagama't sa isang banda masasabing masagana na nga ang kanyang pag-iral. Kaya sa pag-ikot ng bagong milenya, nagigising ang tao sa kanyang hangganan, at napipilitan siyang tuklasin ang ibang posibilidad ng kanyang kaganapan. Kaya muling nagiging mahalaga ang tanong ng Banal. At tilang ang pinakamahalagang tanong ay ano ang posibilidad ng pakikitagpo sa Banal sa panahon ng kapangyarihan ng tao.

Tilang ang pinakamahalagang tanong para sa Pilosopiya ng Relihiyon sa ating panahon ay ang posibilidad ng pakikitagpo ng tao sa Banal ngayon na natuklasan siya ang kanyang pagiging malikhaing sentro ng katalagahan? Papaano posible ang makitagpo sa Banal ngayon na natuklasan ang kapangyarihan ng suheto?

Hindi natin makakaligtaan na natuklasan ng modernidad ang kapangyarihan ng suheto bilang malikhaing sentro ng kahulugan. At kaya naging posible ang pagtanggi sa isang sumasaibayaong sentro dahil ang pag-iral ng sentrong ganito ay tilang labag sa kalayaan at pagkamalikhain ng suheto bilang sentro ng kahulugan. Sa wari ng tao, siya ang malikhaing sentro ng kahulugan ng katalagahan, kapangyarihang nagbibigay ng kahulugan sa kabuoan. Ano ang kanyang pangangailangan magbukas sa isang sumasaibayo? Hindi nga ba isang uring pagtanggi sa dignidad ng malaya at malikhaing tao ang pag-amin sa isang sumasaibayo? Samakatuwid, nagiging mahirap ang magbukas sa banal. Parang isang pagtalikod sa sarili ang pagbubukas sa Banal. At bakit pa nga ba nagbubukas ang tao sa Banal kung nasa kanyang kapangyarihan ang maging sentro ng uniberso. Bagama't ganito nga ang ating pag-uunawa sa ating sariling kalagayan at sa ating kaugnayan sa Banal, naroon pa rin ang hindi mapagdudahan na pangangailangan o pagnanais na hagilapin ang bukal ng kaganapang hindi makamit ng tao sa kanyang sariling kapangyarihan ngayon na natuklasan na natin ang sukdulan ng ating kapangyarihan. Kaya mahalaga ang tanong ukol sa posibilidad ng pagbubukas at pakikitagpo ng tao bilang makapangyarihang suheto sa isang sumasaibayong bukal ng katalagahan.

Sa maraming pagkakataon, sinusubukang gawing posible ang pakikitagpo sa pamamagitan ng pagmamaliit ng halaga ng suheto. Kung baga, ang suheto ay winawalang halaga bilang bukal o sentro ng kahulugan. Ito ang isang pag-iisip na winawalang-bahala ang pagiging isang sentro ng pag-uunawa at pagpasya ang tao. Nais nitong ipakita na posible ang pakikipagsapalaran sa makapangyarihang bukal ng totoo kung tanggihan ng tao ang kanyang pagka-suheto, kung tanggihan niya ang kanyang kapangyarihang unawain ang mundo. Subalit hindi ito madaling tanggapin ng taong namulat na sa kanyang kakayahang bigkasin ang katalagahan. Maaari rin nating makita ang posibilidad ng pakikitagpo ng tao sa Banal sa pagwawalang-bisa sa ganap na kapangyarihan ng Banal bilang sumasaibayong bukal ng katalagahan. Ito ang nakikita natin sa mga kasalukuyang kilos ng pag-uwi ng Banal sa pamilyar, sa nibel ng isang taong maaaring imanipula para sa ating pagnanais. Subalit sa dalawang pag-iisip na ito, winawalang galang ng tao ang kanyang pagkasuheto at ang pagka-banal ng banal. Sa mga susunod na pagmumunimuni, ipapakita kung papaano posible ang paglapit sa banal na walang pagtanggi sa katotohanan na isang makapangyarihang sentro ng pag-uunawa ang suheto at hindi tinatanggihan ang pagka-banal ng Diyos. Ang susunod na mga sanaysay ay ilang pagmumunimuni sa pakikitagpo ng Banal sa tao mula sa pilosopiyang kumikilala sa tao bilang posibleng sentro ng mundo. Makikita dito ang isang tradisyon ng pag-iisip sa banal na nakaugat sa kanyang pagsasaibayo at pagka-persona. Sa paglalahad ng tradisyong ito, inaasahan namin na magkakaroon tayo ng landas ng pag-uunawa sa tunay na posibilidad ng pakikitagpo ng banal sa taong nakatuklas sa kanyang kapangyarihan, nang sa ganoon, magkaroon tayo ng isang makatotohanang pagharap sa katahimikan ng Diyos.