|
Sa pilosopiya, ang mismong karanasan ng tao bilang tao ang siyang simula ng pagtalakay natin sa kaugnayan ng tao sa Maykapal. Isang karanasan itong mahirap maunawaan dahil hindi maipagbabaha-bahagi o maisasakonsepto. Totoo nga ang kasabihang “madaling maging tao, mahirap magpakatao.” Dati-rati, inilalagay sa kanyang pagkarasyonal ang pagkatao ng tao, subalit alam nating hindi lamang sa kanyang kaisipan nagiging mas tao ang tao. Binubuo ang tao hindi lamang ng kanyang pag-iisip kundi ng kanyang panimdim at paggawa rin. Bukod-tangi ang tao. Bawat isa sa atin ay may pagka-“ako” at pagka-“ikaw.” Ako ay “ako” sa harap mo at ikaw ay “ikaw” sa harap ko. Hindi tulad ng hayop, ang pagiging sarili natin ay isang malayang gawain na buong buhay nating binubuo. Habang buhay kong ginaganap ang aking pagka-ako, ang aking pagkabukod-tangi. Isang personal at malayang gawain ang pagbubuo ng ating sarili; personal dahil bukod-tangi ang pagka-ako, malaya dahil ako lamang ang makapagpapaganap nito. Bagama’t personal at malaya ang pagpapaganap ng sarili ko, hindi pa rin ito maihihiwalay sa sitwasyon. Nabubuhay ako sa isang panahon, sa kasaysayan; umiiral ako sa mundo, kasama ang kapwa. Samakatwid, matutupad ko lamang ang aking pagkatao sa loob ng sitwasyon at hindi sa labas nito. Paano nabubuo ng tao ang kanyang pagkatao? Kung ang pagkatao ng tao ay isang gawaing kailangan pa niyang matupad, nangangahulugang sa kasalukuyan ay hindi pa nabubuo ng tao ang kanyang sarili. Sa ibang pananalita, kalat pa siya, sabog na sabog pa ang kanyang buhay. Nagkakahiwalay o kaya ay nagkakasalungat ang mga bahagi ng kanyang pagkatao: iba ang ginagawa niya sa kanyang sinasabi o iniisip o nararamdaman, o di kaya’y iba ang sinasabi niya sa kanyang iniisip o ginagawa o nararamdaman, o iba ang nararamdaman niya sa kanyang sinasabi, iniisip o ginagawa. Sa madaling salita, hindi siya tapat sa kanyang buong sarili. Kaya kailangan niyang buuin ang kanyang sarili. Paano? Kung kinakailangang talian ang mga tinting ng walis upang mabuklod sa isa’t isa at magkaroon ng isang walis, hindi ba ganoon din ang tao? Sinasabi natin sa penomenolohiya na “intensyonal” ang kamalayan ng tao: ang bawat bahagi ng tao, ang kanyang kaisipan, kilos at damdamin ay tumutungo sa isang obheto. Kung nagkakaisa silang lahat sa kanilang tinutunguhan, hindi ba para bagang tinatalian sila ng iisang direksiyon at samakatwid nabubuo sila ng direksiyong ito? Tawagin nating “halaga” ang direksiyong ito. Subalit may dalawang uri ng halaga. May mga bagay na mahalaga ayon sa kahiligan ng taong nagpapahalaga ng mga ito. Kinakailangan ang isang suhetong nagpapahalaga, isang taong nagnanais upang magkaroon ng halaga ang isang bagay. May mga bagay na ang kahalagahan ay nababatay sa tao mismo. Halimbawa, ang pera: mahalaga ito dahil sa mga taong nagpapahalaga nito. Noong panahon ng digmaan laban sa mga Hapon, hindi raw mahalaga ang pera ng mga Hapon. Tila lahat ng mga bagay na materyal ay may halagang ayon sa tao lamang. Halimbawa, para sa akin, hindi mahalaga ang alimango at hipon dahil hindi hiyang ang mga ito sa akin. Ngunit may mga umiiral na mahalaga sa kanilang pagka-sila. Hindi nababatay ang kanilang kahalagahan sa pagnanais lamang ng tao. Tinutukoy dito ang tao mismo. Mahalaga ang tao hindi dahil sa anu-anumang dahilang labas sa kanyang sarili kundi sa kanyang pagkabukod-tangi. Ibang-iba ang tao sa lahat ng umiiral sa mundo. Kailan pa man hindi mauulit ang pagka-siya ng isang tao, at dahil dito mahalaga siya sa kanyang pagka-siya; hindi siya mapapalitan. Kung nagiging mahalaga ang isang bagay o hayop dahil bihira ito, ano pa kaya ang bawat tao, na kailan pa man ay bukod-tangi? Mabalik tayo sa tanong, paano bubuuin ng tao ang kanyang sarili? Kailangan niya ang isang direksiyon sa kanyang buhay sa pagbubuklod niya ng mga aspeto ng kanyang pagkatao: ang wika, isip, damdamin at kilos. Ang direksiyong ito ay ang larangan ng tao mismo. Hindi mabubuo ng tao ang kanyang sarili kung mga bagay o mga hayop lamang ang mahalaga sa kanyang buhay, sa dahilang hindi tiyak ang kahalagahan ng mga ito at nababatay rin sa kanyang sariling kahilingan. Sa halip, kailangan niyang ialay ang kanyang sarili sa halaga ng kapwa tao upang tunay na maging mahalaga ang kanyang layunin at sa ganoon maganap niya ang kanyang kabuuan. Kataka-taka ngunit totoo ang sinasabi ni Gabriel Marcel: naiiba ang buhay-tao sa buhay-hayop. Kinakailangan ng tao ang isang sentrong ginagalawan ng kanyang mga kilos, at ang sentrong ito ay nakahihigit sa kanya.[1] Hindi sa mapagkamit, mapagsuklam na pamumuhay nagiging makatao ang tao kundi sa layuning mapagmahal. Sa buhay-pagmamahal, ng pag-aalay ng sarili sa kapwa, natatagpuan, nalilikha at nabubuo ang pagka-ako ng tao. Subalit hindi ito nangangahulugan na wala nang halaga ang pakikitungo ng tao sa mga bagay. Kongkreto ang pagmamahal, nangangailangan ng pagsasakatawan. Sa pamamagitan ng mga bagay naisasakatawan ng tao ang pag-aalay ng kanyang sarili. Kung mahal ko ang aking kapwa, mahal ko rin ang kanyang sarili. Kung mahal ko ang aking kapwa, mahal ko rin ang kanyang katawan at ang kanyang mundong ginagalawan, kaya isinasagawa ko ang aking pagmamahal. Magtatrabaho ako alang-alang sa kanya; binibigyan ko siya ng magandang kinabukasan. Ang pagbibigay ko ng mga bagay ay sagisag ng aking pagmamahal, ng pag-aalay ko ng aking sarili. Ang pagmamahal ang siyang tugatog ng pagkatao ng tao. Ngunit hindi ito ang buong larawan ng buhay ng tao. Bagaman nasa pagmamahal ang pagpapalaganap sa pagkatao ng tao, makatao pa rin ang pagmamahal na ito. Bahagi ng makataong pagmamahal ang pagmamalasakit, pagdurusa, kabiguan, at di-pagkaunawa. Hindi maipagkakaila na kasangkot sa mga rosas ng buhay ang mga tinik. Pati na sa pagtatrabaho, madalas nararanasan ng tao ang pagkayamot. Naroroon ang mga pangakong magsikap at maging tapat sa panaginip at sa isa’t isa, subalit malakas ang silakbo ng damdamin, mahina ang sarili. Maraming kakulangan ang tao at maraming pangyayaring wala sa kanyang kapangyarihan. Umiiral sa lipunan ang napakaraming kasamaan, poot, digmaan, kawalang-katarungan, atbp. Totoo, nararanasan din ng tao ang kaligayahan ng tagumpay, ng pagmamahalan, ng pakikipagkapwa. Ngunit hindi ito palagian, lumilipas ang panahon, at ninanais man niyang maging tuluyan ito, sumasama pa rin sa daloy ng kasaysayan, at sa alaala lamang nabubuhay. Higit sa lahat, namamatay ang tao. Tiyak na haharapin ng tao ang lahat sa dulo ng kamatayan. Sa kamatayan nagkakaroon ng hangganan ang buhay ng tao. Wika ng isang tauhan sa isang nobela ni Andre Malraux: Ika nga nila: “Kailangan ng siyam na buwan upang gumawa ng tao, at iisang araw lamang upang wasakin siya.” Dalawa tayong lubusang may alam, kung mayroon mang makaalam, sa katotohanang ito.... Makinig ka May: Hindi lamang siyam na buwan ang kailangan upang bumuo ng tao, kailangan ng limampung taon -- limampung taong pagmamalasakit, limampung taong pagpupunyagi, at -- ay! kay rami-rami pa! At pag nabuo na nga ang taong ito, pag wala nang kamusmusang nalalabi pa sa kanya, ni ano pa mang pagka-binata, pag tao na nga siyang tunay at ganap -- wala nang kulang sa kanya kundi ang mamatay.[2] Kung gayong namamatay ang tao, ano ang kahulugan ng lahat? Ano ang kabuluhan ng kanyang buhay-pagmamahal kung ito’y nagtatapos sa kamatayan? Sa hangganang ito, dalawa ang mapagpipilian ng tao: Una, maaari niyang tanggapin ang katapusan ng lahat sa kamatayan, at samakatwid, isang kabalighuan ang buhay ng tao. Ito ang pinili ng mga pilosopong tulad nina Jean-Paul Sartre at Albert Camus.[3] Pangalawa, maaari niyang harapin ang hangganang ito bilang pagbabaling tungo sa isang Maykapal, isang Ganap na Ikaw na makapagdudulot ng kaganapan sa kanyang pagkatao. Ang pangalawa ang tatalakayin natin. May ikatlo: ang hangarin ng mga pilosopong taga-Tsina. Ang buhay na walang hanggan para sa kanila ay ang pagpapatuloy ng kanilang mabuting pangalan at karangalan sa kanilang mga anak at sa mga sumusunod na salinlahi. Kaya, bahagi ng kanilang kultura ang pagsamba sa kanilang mga ninuno. Subalit sa ganang akin, hindi makokontento ang tao sa walang-hanggang alaala lamang. Nakararating pa rin tayo sa tanong: may buhay bang walang-hanggan sa taong mapagmahal?) Kung pipiliin ng tao ang ikalawang opsiyon, maitatanong niya sa kanyang sarili: umiiral ba talaga ang Maykapal? Hindi ba bunga lamang ito ng isip ng tao dahil sa kanyang limitasyon bilang tao? Hindi kaya likha lamang niya ang Maykapal sa halip na siya ang kinapal? Bago natin sagutin ito, liwanagin muna natin ang kahulugan ng ikalawang mapagpipilian. Sa ikalawang mapagpipilian, naniniwala ang tao na bukod sa kanyang pakikipag-ugnayan sa kanyang kapwa sa mundong ito, may higit pa siyang kaugnayan sa isang Umiiral na Maykapal na hindi mahihiwalay sa kanyang pakikipagkapwa-tao. Sa larangan ng ugnayan niya sa Maykapal mahahatulan niya ang kabuuan ng kanyang iba-ibang ugnayan: makabuluhan ba ang lahat ng ito? Sa ugnayan niya sa Maykapal nagkakaisa ang mga magkakasalungat niyang mga tungkulin sa kapwa, dahil kumapal sa lahat ang Maykapal. Sa Maykapal rin nagiging tunay na mahalaga ang lahat ng kanyang mga ginagawa dahil ganap na kabutihan ang Maykapal at wala siyang linilikhang hindi mabuti. Higit sa lahat, nasa Maykapal ang kaganapan ng lahat, dahil Siya ang kahuli-hulihang layunin ng pag-aalay ng sarili sa pagmamahal. Sa Kanya nagkakaroon ng walang-hanggan ang pagmamahal ng tao sa kanyang kapwa. “Minamahal kita,” parang sinasabi ko rin sa kanya, “Hindi ka mamamatay.”[4] Hindi ibig sabihin ni Marcel na hindi maaaring mamatay ang minamahal ko; ang ipinahihiwatig niya, ay ang kaugnayan ko sa aking mahal sa buhay. Bagaman hindi mahihiwalay ng tao ang ugnayan niya sa Maykapal sa kanyang iba-ibang ugnayan naiiba pa rin ito sa kanyang pangkaraniwang pakikihalubilo sa kapwa. Ang karanasan sa Maykapal ay isang batayan at abot-tanaw. Isang batayan ito dahil Siya ang nagbubunsod sa akin na lumabas sa aking makasariling paningin at pamumuhay upang makipagkapwa-tao. Isang abot-tanaw naman ito dahil habang ako’y nabubuhay, palaging mayroon pa akong “higit” na mararanasan: may higit pang katotohanan akong malalaman, may mas malawak pang katarungan akong makakamit at may mas malalim pang pagmamahal akong mararanasan. Tunay Siyang Higit sa aking sarili. Kaya masasabi natin na ang paghahanap ko sa aking tunay na sarili ay paghahanap na rin sa Kanya. Subalit bakit tinatawag siyang “Ganap na Ikaw”? Tinutukoy sa salitang “Ikaw” ang taong kinakausap ko at sumasagot sa akin. Tinatawag na “Ganap na Ikaw” ang Maykapal dahil tumatawag at sumasagot Siya sa akin sa katahimikan ng aking pagdarasal o sa buod ng aking pakikihalubilo sa kanya. Personal ang kaugnayan ko sa Maykapal. Hindi ko matatagpuan ang kaugnayan ng aking pagkatao sa isang ganap na bagay -- dahil tao ako at hindi bagay ang makapagbubuo ng aking pagkatao -- ni sa isang abstraktong sangkatauhan (tulad ng hangarin ng mga Marksista) na kinawawalaan ng halaga ng aking pagkatao. Ang sangkatauhan mismo ay may hangganan din. Ngayon, dadako tayo sa tanong: umiiral ba talaga ang Maykapal? Ang kasagutan sa tanong na ito ay batay sa kahulugang ibinibigay natin sa pag-iral ng Maykapal. Kung binibigyan natin ng empirikal na kahulugan ang pag-iral ng Maykapal, “hindi” ang sagot natin. Hindi umiiral ang Maykapal tulad ng pag-iral ng isang bagay na maaari nating ilagay sa laboratoryo at mapatunayan. Ganap ang Maykapal at hindi Siya maaaring gawing obhetong makukulong sa ating kaisipan. Diyos lamang ang tunay na makapagpaliwanag sa sariling pag-iral ng Diyos. Mas makahulugan ngayon kung papalitan natin ang tanong. Sa halip ng tanong na “umiiral ba Siya?” ay itanong natin. “Tunay ba Siya para sa akin?” Ang isang taong nagmamahal ay hindi nagtatanong kung umiiral ang kanyang minamahal. Tila kalokohan iyan. Kung tunay siyang nagmamahal sa kanyang kapwa, buhay na buhay para sa kanya ang kanyang minamahal. Para sa taong ang pamumuhay ay pagmamahal, hindi malayo sa kanya ang katiyakan ng pag-iral ng Maykapal. Tiyak na umiiral ang Ganap-na-Ikaw para sa taong nagmamahal. Nakatitiyak siya sa katalagahan ng Ganap-na-Ikaw sa kanyang pananampalataya. Ano ang pananampalataya? Ang pananampalataya ay isang pagtanggap sa pag-iral ng Poong Maykapal. Naniniwala ang taong may pananampalataya na hindi nagtatapos sa kamatayan ang kanyang pagkatao; naniniwala siya na may buhay na walang-hanggan, na may kaganapan at kabuluhan ang kanyang pagmamahal sa kapwa at sarili. Nakikita niya ang kaganapang ito sa Ganap-na-Ikaw -- hindi sa pamamagitan ng mata o damdamin, ni sa pamamagitan ng lohikal na pag-iisip kundi sa kaibuturan ng kanyang damdamin. Dahil hindi niya maikulong sa kanyang kaisipan ang pag-iral ng Poong Maykapal, itinataya niya ang kanyang sarili sa katalagahan ng Ganap-na-Ikaw. Sa katunayan ang mga pruweba sa pag-iral ng Maykapal (gaya ng limang pruweba ni Santo Tomas) ay hindi mga pagpapatunay sa pag-iral Niya. Ipinapalagay na nila ang pananampalataya, ipinaliliwanag lamang nila na hindi di-rasyonal ang sumampalataya sa Diyos. Nakikita natin na hindi maihihiwalay ang buhay-pagmamahal sa buhay-pananampalataya. Sumasampalataya ako sa Ganap-na-Ikaw dahil nagmamahal ako, at tuluyan akong nagmamahal dahil sumasampalataya ako. Ano ngayon ang paningin ng taong sumasampalataya at nagmamahal sa kanyang kasalukuyang buhay? Bukas ang kanyang kalooban sa mga pangyayari at tinatanggap niya ang mga ito bilang isang daan tungo sa kaganapan ng kanyang pagkatao sa Poong Maykapal. Wika ni Marcel, isa siyang “homo viator”, isang taong naglalakbay. Dala-dala niya sa kanyang paglalakbay ang birtud ng pag-asa. Sa pag-asa niya sa Poong Maykapal, tinatanggap niya ang kadiliman, na bahagi ng pagkabilanggo niya sa kasalukuyang buhay, ngunit hindi niya tinatanggap na ito na lamang ang nananatiling mundo. Alam niyang may kaligtasan, may kalalabasan ang nananatiling mundo. Alam niyang may kaligtasan, may kalalabasan ito -- isang kalayaang ibang-iba sa makamundo niyang pagnanais. Hindi isang pagnanais ang pag-asa: sa pagnanais nangingibabaw ang makasarili kong kagustuhan. Sa pag-asa naman, lumilitaw ang pag-iral ng isang Nakahihigit sa akin, ang Ganap-na-Ikaw, sa dulo ng aking paglalakbay ngunit sa kanyang takdang panahon, at alang-alang sa amin, sa aming nagmamahalan. “Umaasa ako sa Iyo alang-alang sa amin” ang siyang tunay na pananalita ng pag-asa. Winiwika rin ang isang kasabihang Intsik:
Hindi
kaya bungang-isip lamang itong mga sinasabi natin tungkol sa pag-iral
at ugnayan natin sa Maykapal? Paano natin nalalaman na hindi panakip-butas
ang Maykapal sa mga limitasyon naitn sa buhay? Ano ang maaari nating
isagot sa tanong na ito? Kung likha lamang ng ating pag-iisip ang Maykapal,
di nasasaatin ngayon ang pagsasakatuparan ng layuning ito upang makontento
tayo at hindi makaranas ng pagkukulang. Subalit alam natin na hindi
ganoon ang nararanasan natin sa ating buhay. Diwa ng tao ang pagkabalisa,
ang tuluyang paghahanap sa higit pa sa kanya. Tila itinatanim ng Diyos
ang kanyang pagkamaka-Diyos sa kalooban ng tao, at hangga’t hindi nabubuklod
ang tao sa Kanya, hindi mapapanatag ang kanyang kalooban. Sabi ni San
Agustin:
[1] Gabriel Marcel, “Primary and Secondary Reflection,” The Mystery of Being, aklat 1 (Gateway Edition, 1966), pp. 100-2. [2] Andre Malraux, Man’s Estate (Penguin Books, 1972), p. 318. [3] Jean-Paul Sartre, Being and Nothingness (Washington Square Press, 1966); Albert Camus, Myth of Sisyphus and Other Essays (Vintage Books, 1955). [4] Gabriel Marcel, “Theism and Personal Relationships,” Crosscurrents (Fall 1950): pp. 35-42. |
|||||||
|