|
I Matagal maglaho ang mga batayang di-pagkakaunawa sa kasaysayan ng pilosopiya. Para silang nalilihis na landas sa gubat na walang hantungan (holzweg) ngunit nagiging maaliwalas na daan sapagkat laging dinadaanan, at dahil sa sari-saring pagkakaugnayan, pagbabalik-balikan at pagtatalaban, minsan nakaaabot din sa hindi inaasahang katotohanan. At kahit hindi tahasang katotohanan ang naaabot, paliguy-ligoy pa rin ang takbo ng kasaysayan. Tulad, halimbawa, ng argumento ni San Anselmo sa Proslogion. Hanggang ngayon, madalas pa ring idinidikdik sa mga estudyante sa pilosopiya at teolohiya na ito’y walang iba kundi ang argumentong ontolohiko na pinahalagahan nina Descartes at Leibniz at pinuna ni Kant. Si Kant nga ang nagbinyag sa “argumentong ontolohiko”. Tinutukoy niya rito ang anumang patunay na “gänzlich a priori aus blossen Begriffen auf das Dasein einer höchsten Ursache,”[i] hinihinuha a priori mula sa mga purong konsepto ang pag-iral ng kauna-unahang Sanhi. Dagdag pa rito, ang purong konsepto na pinaghihinuhaan ng pag-iral ng kauna-unahang Sanhi ay walang iba kundi ang mismong konsepto ng esensiya niya-- “Begriff eines höchsten Wesens” o “Begriff des allerrealsten Wesens” [ii]. Kung tama ito, malayung-malayo ang pakay ng Proslogion sa anumang uri ng argumentong ontolohiko.[iii] Hindi maikakaila na nakaugat at nakasalalay ang buong unum argumentum ng Proslogion sa wastong pakikinig at pag-uunawa sa Pangalan na siyang simula at batayan ng lahat ng pagpapatunay ni San Anselmo na may Diyos at kung sino nga Siya. Wari’y katangi-tanging pingga kung saan nagtatalaban ang pag-iisip at pag-iiral, kahulugan at katalagahan, naipalalabas ng Pangalan mula sa kubli ng paglimot ang di-matatakasang katunayan ng Siyang tinatawag ng lahat na “Diyos”. Idinidiin ni San Anselmo:
Ano itong mahiwagang Pangalan na may ganyang kalakip na kapangyarihan? Tinatawag ito ni San Anselmo na prolatio, katagang sadyang kulang sa katumpakan at madalas ipinapahiwatig na ginaganap ang pagtukoy sa harap (pro-latio) ng tinutukoy[iv] . Hindi ito tumpak na konsepto na may malilinaw na hangganan o representasyon sa isip ng esensiya o pagka-ano ng anuman. Hindi rin ito apprehensio o paghawak-sa-isip ng kilalalang katangian ng anumang umiiral. At lalo nang hindi ito personal na pangalan na tumutukoy sa mismong pagka-sino ng sinomang umiiral. Sa gitna nitong wari’y kalabuan, mahalagang balikan at pagmuni-munihan hindi lamang ang sinabi ngunit ang mismong pagsabi ni San Anselmo tungkol sa nilalaman ng prolatio.
Unang binibigkas ang prolatio sa pangalawang pangungusap ng Kabanata II: “Et quidem credimus te esse aliquid quo nihil maius cogitari possit.” Ito ang simula at batayan hindi lamang ng patunay na may Diyos na inilalahad sa mga Kabanata II-IV (quia es sicut credimus), ngunit pati na rin ng pagpapatunay, kahit na bahagya (aliquatenus), kung sino o ano Siya na inilalahad sa mga Kabanata V-XXII (et hoc es quod credimus). Ito ang Pangalan na pinagbubukalan ng dalawa pang Pangalan na nagpapatakbo sa dialektika ng unum argumentum: summum omnium, pinaka-sa-lahat, na ipinapaliwanag bilang quidquid melius est esse quam non esse, anumang higit na mabuti maging kaysa hindi (Kabanata V); at quiddam majus quam cogitari possit, nakahihigit sa anumang maiisip (Kabanata XV), na siyang tunay na iniikutan ng buong panalangin at pangangatuwiran ng Proslogion.Isa-isahin natin ang mga elemento nitong prolatio: Credimus. “Naniniwala/ Sumasampalataya kami.” Sa salitang ito, malinaw na ipinapahiwatig ni San Anselmo ang pinanggagalingan ng prolatio: walang iba kundi ang pananampalataya. Hindi ito isang katutubong ideya (idée innée ) ngunit Pangalan na tinatanggap mula sa tradisyong relihiyoso. Hindi ikinakaila ni San Anselmo ang kanyang pananampalatayang Kristiyano sa diskurso ng Proslogion ngunit pinalalalim ito, pinaliliwanag at pinatitibay. Ang pananampalatayang ipinapahayag ay sabay-sabay mismong akto ng pananampalataya o fides qua creditur at ang mismong pinaniniwalaan o fides quae creditur. Ito’y sabay-sabay na credimus id, naniniwala kami na: tumutukoy sa katotohanang pinaniniwalaan, pananampalataya bilang kaalaman; at credimus in, naniniwala kami sa tumutukoy sa pagbubukas-loob, pagtitiwala at pagpapaubaya na siyang panloob na galaw ng pananampalataya, pananampalataya bilang pasiya. Fides quaerens intellectum o “Pananampalataya na naghahanap ng pag-uunawa” ang tunay na pamagat ng Proslogion. Hindi simula na iniiwanan ang pananampalataya ngunit ugat at bukal na nagpapa-tunay sa anumang dapat o nais mapatunayan. Sa kasalukuyang buhay, wala nang hihigit pa sa pananampalataya bilang sukat o pamantayan ng paglapit at pakikiisa ng tao sa Diyos. Kung gayon, bakit pa hinahanap ang pag-uunawa? Sapagkat ang tao ay hindi lamang kalooban na nagpapasiya at nagmamahal; siya rin ay katuwiran na umuunawa. Kung masasabi na pagpapaubaya ng sarili sa Diyos ang ganap na pananampalataya, hindi lamang puso ngunit isip din kasama na ang buong pagkatao ang ipinapaubaya. Laging sapat ang pananampalataya, ngunit galaw ng pananampalataya mismo ang makaalam at umunawa sa abot ng kanyang makakaya. Sa ganyang paraan, nagiging bukal ng pag-uunawa ang pananampalataya. Nasa pananampalataya ang kaganapan at hindi ito matutumbasan ng pag-uunawa kailanman.
Te. “Ikaw.” Madalas makalimutan ng mga usapang pilosopiko na ang buong Proslogion ay isang panalangin; ang kanyang diskurso, pati na ang pinakamahigpit at pinakamasalimuot na pangangatuwirang matatagpuan dito, ay isang pakikipag-usap sa Diyos na pinaniniwalaan, minamahal at inaasahan. Sa kanyang pambungad, isinasaad ni San Anselmo na sinulat niya ang Proslogion.
Mahalaga isaalang-alang na ang lohika ng Proslogion ay lohika ng pagnanasa na tumatalab at nagpapatibay sa lohika ng pangangatuwiran; binibigkas ng diskurso ang lagay ng kalooban/kaisipang nakabitin sa inaasahang pagpapahayag at pagpapakilala ng kanyang Sinta.
Hindi
kinakausap ang Diyos sa Proslogion; kinakausap Siya. Upang higit
sna makapasok sa abot-tanaw ng teksto, kailangang makibagay at makilayon
sa kanyang katutubong galaw. Aliquid quo nihil maius cogitari possit. “”Yaong walang maiisip na nakahihigit.” Ito ang buod ng prolatio at motor ng dialektika ng Proslogion. Tulad ng ibang bukal-pangungusap (Ursprache) sa kasaysayan ng pilosopiya, nagsilang ang pahayag na ito ng mayayamang pagmumuni-muni at talakayan[v]. Banggitin lang natin ang ilang mahahalagang elemento ng mga usapan. Unang-una, tinutukoy nga ng Pangalan ang tinatawag ng mga tao o ng mga tradisyong relihiyoso na Diyos, ngunit hindi ito isang depinisyon ng Diyos. Itoy isang negatibo at noetikong pahayag na sinasaad kung ano ang hindi maaring isipin ng tao: ang nakahihigit sa Diyos. Walang tuwirang sinasabi ang prolatio tungkol sa esensiya ng Diyos o kung umiiral nga Siya; hindi ito isang ontiko o ontolohikong pahayag. Walang katangian ng Diyos na parang nahuhuli ng ating isip ang inilalahad. Sapat nang mamulat ang tao sa mismong ganap na hangganan ng kanyang kaisipan upang maiasinta ang loob niya sa landas patungo sa pagmumulat sa Diyos. Ikalawa, hindi istatikong pagtukoy ang prolatio na basta na lamang itinatakda ang hangganan ng ating isip. Itoy dinamikong galaw ng pagsasaibayo. Inis na idinidiin ni San Anselmo sa kanyang sagot kay Gaunilo na ibang-iba ang id quo maius cogitari nequit sa maius omnibus na ipinagpupumilit nitong huli[vi]. Ang maius omnibus o ang higit sa lahat ang siyang tunay na pinagbubukalan ng mga konseptong pinagbabatayan ng ibat-ibang bersiyon ng argumentong ontolohiko-- Ens summe perfecti (Descartes), Ens necessarium (Leibniz), Ens realissimum (Kant), etc. Naitatakda sa tumpak na konsepto o representasyon ng isip ang higit sa lahat, at hinahanda na ang problematiko ng pagtutulay ng konsepto sa pag-iral. Sa kabilang dako, dinamismo ng isip ang ipinapahiwatig ng yaong walang maiisip na nakahihigit. Dapat isipin ang majus hindi bilang katangian ngunit bilang galaw ng pagdadaig. Ikatlo, natutupad ang pagdadaig na isinasaad ng maius hindi lamang sa kaayusan ng pag-iral ngunit sa kaayusan ng mabuti. Malinaw ito sa pagdudulas ng kahulugan ng maius sa melius-- parang pinapahiwatig ni San Anselmo na melius (higit na mabuti) ang ibig sabihin ng maius (higit). Nababanggit ito sa Kabanata III at XIV kung saan quo nihil melius cogitari potest o yaong walang nakahihigit na mabuti ang maiisip ang bagong anyo ng prolatio. Ngunit sa Kabanata V binabalangkas ang takbo ng pagpapakahulugan ng prolatio sa ganitong paraan: quo nil maius valet cogitari Þ summum omnium Þ quidquid melius est esse quam non esse. Ipinapakita nitong pagkakatumbas ng tatlong aspekto ng iisang kahulugan na nararanasan at nauunawaan lamang ang prolatio sa abot-tanaw ng mabuti; samakatuwid, dinadala ng pagnanasa at pagmamahal ang pag-iisip sa prolatio. Habang nagpupumilit ang isip na manatili sa abot-tanaw ng umiiral (ens) lamang, hindi maiiwasan ang pagkabilanggo sa abot-tanaw ng konsepto. Ang abot tanaw ng mabuti, na nasa ibayo ng umiiral, ang siyang maaring magbukas sa isip mula sa loob nito (quo maius cogitari potest) patungo sa kanyang ganap na hangganan (quo maius cogitari non potest).Ika-apat, nilalagom ng pangatlong Pangalan ang ganap na kahulugan ng prolatio sa Kabanata XV bilang nakahihigit sa anumang maiisip o quiddam maius quam cogitari possit. Ipinatitibay dito ang kabalintunaan ng isang kaisipang iniisip ang hindi maiisip. Sa pagbigkas ng prolatio, natutugunan ang imposibleng tanong ni San Anselmo sa Kabanata I: Aut quomodo accedam ad lucem inaccessibilem? Paano maaabot ang hindi maaabot na liwanag? Kung kinakailangang konsepto o representasyon ng isip ang lahat ng tunay o makahulugang kaisipan, walang saysay ang buong argumento ng Proslogion. Sa isang banda, nakasalalay ang pangangatuwiran ni San Anselmo sa buhay na posibilidad ng isang intentionalitas o pakikitungo-ng-isip na hindi maiuuwi sa representasyon ngunit binubuksan mula sa loob ang mismong representasyon sa katunayang kanyang katutubong layon. Sa simulat simula pa, nakaugat na ang prolatio sa katalagahan; inilalahad lamang ng pangangatuwiran na gumagalaw ang bukod-tanging kaisipan ng yaong walang maiisip na nakahihigit sa larangnan ng katutubong pagtatalaban ng katalagahan at kaisipan. Sa kabilang banda, nananatili sa hiwaga ang tinutukoy ng prolatio; nakikilala ang Diyos bilang hindi makikilala at itoy tunay na pagkikilala pa rin. Wariy isang eironeia ang panloob na istruktura ng prolatio at sa ganitong paraan iniiwasan ang tukso na iuwi ang mysterium tremendum et fascinosum[vii] sa mga kategoriya ng ating karanasan. Sa ganitong paraan din ginagalang ng unum argumentum ang katangi-tanging Differenz na sinasaligan ng buong katalagahan: Et merito. Si enim aliqua mens posset cogitare aliquid melius te, ascenderet creatura super creatorem, et iudicaret de creatore; quod valde est absurdum. (Proslogion, III) At ganoon nga ang nararapat. Sapagkat kung may kaisipang makaiisip ng anumang higit na mabuti kaysa sa Iyo, mapapaibabaw ang nilikha sa Maylikha at mahahatulan ang Maylikha; at itoy pawang walang saysay.
III Kung nanggagaling ang prolatio mula sa pananampalataya sa mismong karanasan at pagmumuni-muni ni San Anselmo, at pananampalataya rin ang kanyang pamantayan, paano ito “maririnig” o maiisip ng insipiens o hangal na siya ngang nagsasabi sa kanyang puso: walang Diyos? Maari bang magkaroon ng kahulugan ang prolatio at ang buong argumento ng Proslogion sa labas ng abot-tanaw ng pananmpalataya? Hinaharap ni San Anselmo itong tanong sa kanyang sagot kay Gaunilo[viii]. Mayroong sapat na makatuwirang kahulugan o katutubong rasyonalidad ang prolatio upang maintindihan at maisaisip (esse in intellectu) ng hindi sumasampalataya. Nakaugat ang kahulugan ng prolatio hindi lamang sa mapagsambang pagkilala sa Diyos na tinatanggap sa pananampalataya, ngunit sa pagkilala rin ng tao sa umiiral na daigdig bilang karanasan ng higit at kulang.
Inilalahad ng siping ito ang isang mahalagang susi sa pag-uunawa sa argumento ng Proslogion. Hindi salungat sa konkretong karanasan ng mundo ang pagpapakahulugang hango sa pananampalataya. Hindi ginagamit ni San Anselmo sa kanyang dialektika ang mga katotohanan na makikilala sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. Maaring patalasin ng pananampalataya ang tingin ng katuwiran upang higit na makita ang tunay na daigdig; ngunit iisa ang daigdig na nagpapakita sa lahat ng tao at maaring makita rin ng hindi sumasampalataya itong pagpapakita ng daigdig sa abot-tanaw ng mabuti bilang kaayusan ng higit at kulang. Maliban sa pananampalataya, nakaugat din ang prolatio sa isang metapisikong karanasan sa daigdig na nagpapamulat sa isip sa mga antas ng pag-iral[ix] . Kaya masasabi natin na ang prolatio ay “lugar” hindi lamang ng pakikipag-usap ng sumasampalataya sa kanyang Diyos ngunit pati na rin ng pakikipag-usap ng sumasampalataya sa kanyang kapwa na hindi sumasampalataya. Upang makapasok sa lugar ng pakikipagtagpo, kailangang malampasan ang matatatag na pagpapakahulugan na minana sa kasaysayan at ngayo’y nagiging hadlang sa pakikinig sa talagang sinasabi at sa pagtingin sa talagang nagpapakita. [i] Kritik der reinen Vernunft, A590/B619. [ii] ibid., A601/B629 at A596/B624. [iii] Dapat banggitin ang klasikong akda ni Karl Barth, Fides Quaerens Intellectum (Zurich: Evangelischer Verlag, 1966). Nakatutulong din ang mga sumusunod na pagsisiyasat: G.E.M. Anscombe, ‘Why Anselm’s Proof Is Not An Ontological Argument,” The Thoreau Quarterly, 1985, pp.32-40; Yves Cattin, “La pensée de S. Anselme et la tradition philosophique de l’immédiateté de Dieu,” in Maternus Hoegen (ed.), L’attualita filosofica di Anselmo d’Aosta (Roma: Ateneo S. Anselmo,1990), pp. 83-142; Paul Gilbert, Le Proslogion de S. Anselme (Roma: Editrice Pontificia Universita Gregoriana, 1990); Jean-Luc Marion, “Is The Ontological Argument Ontological?” in Journal for the History of Philosophy, 1992, pp. 201-218; Frederick Sontag, “The Meaning of ‘Argument’ in Anselm’s Ontological ‘Proof’”, in The Journal of Philosophy, 1967, pp. 459-486. [iv] Cattin, loc. cit., p. 103. [v] Tignan ang halos kumpletong bibliograpiya sa tesis ni Paul Gilbert, op. cit., pp. 249-279. [vi] Contra Gaunilo, V, at inter alia. [vii] cf. Rudolf Otto, Das Heilige. [viii] Maliwanag na susing hermeneutiko ang Contra Gaunilo sa pagbabasa ng Proslogion. Dito tinatanggihan ni San Anselmo ang anumang uri ng “argumentong ontolohiko” at inuunahan na niya ang mga puna nina Sto.Tomas at Kant. [ix] Tinatalakay ang kaugnayan ng argumento ng Proslogion sa Tomistikong landas ex gradibus perfectionis sa: Edward Butterworth, The Identity of Anselm’s Proslogion Argument for the Existence of God with the Quarta Via of Thomas Aquinas (Lewiston: Edwin Mellen Press, 1990); Yves Cattin, La Preuve de Dieu: Introduction à la lecture du Proslogion de Anselme de Canterbury (Paris: Librairie J. Vrin, 1986); Anton Pegis, “St. Anselm and the Argument of the Proslogion,” in Medieval Studies, 1966, pp.228-267. |