OTHER ARTICLES
Atheismo at Paniniwala
PART I
PART II

 


Atheismo at Paniniwala
Jovino Miroy
(Pagpapatuloy)

II.

Psychogenesis ng Relihiyon

Bilang halimbawa ng minungkahing metodo, tatalakayin sa ikalawang bahagi ang pagtingin ni Sigmund Freud (1856-1939) sa Relihiyon. Makikita natin na katulad ng proyekto ni Hume ang sa kanya. Ayon kay Hans Kung sa pag-aaral niya sa kaisipan ni Freud sa relihiyon na Freud and the Problem of God[v]  na napakahalagang paksa para kay Freud ang relihiyon . Ang kanyang buong karera sa sikolohiya ay ditor lamang mula sa interes sa relihiyon: “Ang aking interes, pagkatapos ng buong-buhay na ditor sa mga likas na agham, medisina, at psychotheraphy,   ay bumalik sa mga suliraning pangkulturang bumighani sa akin nuong bata  pa at halos hindi pa nakapag-iisip (41). Sinasabing may apat na mahalagang akda si Freud sa relihiyon, ang Totem and Taboo, Future of an Illusion, Question of a Weltanschauung, at ang Moses and Monotheism.

Masasabi na ang ugat ng relihiyon ang pinakainteres ni Freud. May dalawang paliwanag siya rito. Ang una ay sa inspirasyon ni Darwin at ng  teorya ng ebolusyon. Sunod sa mga panimula ng mga ethnolohista at anthropologo,  tulad ni W.  Robertson,  ninais ni Freud malaman ang pinakaunang  anyo ng relihiyon. Tinanggap niya ang panukala ni Robertson na may mas matanda pang anyo ng relihiyon kaysa sa mga katutubong pagsamba sa mga espirito at  mga diyos. Ito ay ang “totemismo” o ang pagsamba ng angkan sa mga hayop. “Inaakala ng angkan na kakaugnay nila ang partikular na totem, isang hayop, o halaman o likas na kaganapan; inaakala nilang tubo sila mula duon (totem ibig sabihin pagiging kamag-anak)” (Kung 34).  Ayon sa kanilang paniniwala, ipinagtatanggol sila ng totem laban sa kapahamakan at kamatayan. Kaakibat naman ng totemismo ang pagbabawal na magtalik ang kaanib ng iisang angkan (exogamy). Ipinagbabawal din ang pagpatay sa isa’t isa.  Kahit na bawal ang kainin ang totem na hayop, pinapatay ito isang beses sa isang taon upang pagbaguhin ang lakas ng angkan at lahat ay nakikibahagi sa pagkain sa hayop na iyon. Ayon kay Robertson mula rito ang pagsamba sa mga banal na umiiral at pag-aalay sa mga ito sa animismo (Kung 34-35).

Kaakibat ng anthropolohikal na paliwanag sa relihiyong ito ang pagtuklas ni Freud sa psychogenesis ng relihiyon; ibig sabihin,  ang ugat nito sa sikolohiya ng tao.  Para sa kanya ang pagpatay sa totem na hayop, ang pagluluksa at padiriwang dito ay  tanda ng sikolohikal na ugat ng relihiyon. Walang iyong iba kungdi ang pagpatay ng anak sa ama. Ang pagnanais na patayin ang ama ay kaakibat naman ng Oedipus Complex, o ang pagnanais sa ina ng anak at pagturing sa ama bilang karibal. Sunod sa ideya ni Darwin na nabuhay nuong una ang mga tao sa mga kawan at  nasa ilalim ng pinakamalakas at mabangis na lalaki ang lahat ng babae, ipinaliliwanag ni Freud ang unang kilos ng pagpatay sa ama. Sinasabi niya na dahil inangkin ng  Ama ang lahat ng babae sa kawan, napalayo sa kanya ang mga Anak at nagalit ang mga ito. Pinatay nila kung gayon ang ama at kinain siya. Nang namatay na ang ama, walang nakapalit sa kanya dahil nagnais ang lahat na maging ama. Dahil sa pagkabigo, nagdalamhati sila sa ginawa nila (nagkaruon sila ng damdaming guilt). Dahil dito nagbuo sila ng isang tribo na may  mga pagbabawal upang hindi na kailanman maulit ang  pagpatay sa pinuno o ang pagaangkin sa lahat ng babae. Kaya, ipinagbawal ang pagpatay sa ka-tribo at  incest. Ang identipikasyon ng tribo sa totem na hayop, ayon kay Freud, ay dulot ng guilt sa pagpatay sa ama.  Ang totem na hayop ay ama dahil sabay kaaway at ideyal  ito sa pagsamba at pagpatay rito.

Bagaman walang anthropolohikal na patunay para sa panukala ni Freud hindi maakila ang pagkahawig ng kwentong ito sa mito ng Judaismo at Kristyanismo. Maalala halimbawa ang isang talinghaga ni Jesus  na nagsasabing may Panginoon na may-ari ng mga lupain at nagsugo sa kanyang mga tauhan (Mk 12:1-12).  Pinatay  naman ng mga tauhan ang mga sinugo, hanggang ipinadala ng Ama ang kanyang Anak na siyang pinatay rin. Ang pagpatay sa mga sinugo ng Ama ay simbolo ng pagpatay ng tao sa Diyos Ama; ngunit ang pagpatay naman sa Anak ay simbolo ng kaligtasan; na kinababahaginan ng lahat sa sakramento ng Eukaristiya  kung kailan kinakain mismo ang Diyos. Naroon lahat ang mga elemento ng totemismo—ang totem na hayop o halaman (tupa o trigo), ang pagpatay sa ama, ang pakikibahagi sa alay. Mula rin dito nagmumula ang mga pagbabawal ng relihiyon.

Higit sa anthropolohikal na pinanggalingan ay ang kahulugan nito sa indibidwal na naniniwala sa Diyos.  Para kay Freud katulad ng “neurotikong obsesibong mga kilos” ang rito ng relihiyon (Kung  36) Ang  paglikha sa totem ay nakikita sa pag-unlad ng pobya sa mga bata. Para kay Freud ang pobya sa mga hayop ay nagmumula sa takot sa kanilang ama. Ang paglilipat ng takot sa ama sa isang pobya sa hayop ay dulot ng isang ambivalence sa ama. Sapagkat sa kabila ng paggalang at pag-ibig sa ama, natatakot rin ang bata sa kanya. Nababaon (repressed) naman ang takot na iyon sa ama ngunit hindi ganap na nababaon kaya nanatili sa kamalayan sa pamamagitan ng pagpapalit sa ama ng hayop. . Kaya maaaring sa simula gustong-gusto ng bata ang isang hayop ngunit nagiging takot ito kinalaunan. Nakikita ang ambivalence sa turing sa totem na hayop na sa kabila ng pagsamba rito (at pagababawal na patayin) ay pinapatay din at kinakain isang beses sa isang taon.

Para kay Freud ang ambivalence na ito sa ama ng anak ang sikolohikal na ugat ng relihiyon. Ama ang Diyos bilang primogenitor o Lumikha. Napagmasdan ni Freud na maraming kabataan ang nawawalan ng paniniwala sa Diyos kapag natatamo na nila ang kalayaan mula sa awtoridad ng kanilang ama. Liban kay Freud, sinasabi rin ng ibang theologo na sa panahon ng adolescence ang kadalasang panahon ng atheismo, isang penomenon na maaring pag-aralan  kapwa sa pilosopiya at sikolohiya ng relihiyon.

Sa  Future of an Illusion  ipinaliliwanag nang husto ni Freud ang psychogenesis ng relihiyon. Ipinaliliwanag ni Kung na iba ang rasyunal na dahilan ng atheismo ni Freud at ang sikolohikal na paliwanag niya sa relihiyon--kahit na magkaakibat ang dalawa (Kung 42-43). Ang kawalan ng katanggap-tanggap na patunay o demonstrasyon ang pinanggalingan ng kanyang atheismo. Ang mga kaispan niya sa Future of an Illusion  ay  paliwanag  naman sa impluwensya ng relihiyon sa tao sa kabila ng kawalan ng ebidensya. Dito pumapasok ang pagtuklas sa gamit sa relihiyon ng sarili at sa lipunan. Para kay Freud modelo ang relihiyon ng wish-fulfillment na natatagpuan sa mga panaginip at mga neurotikong sintomas. Sa ganitong paraan maaaring unawain ang kahulugan kay Freud ng ilusyon. “Hindi kaisipan ng mga relihiyosong ideya o mga kabuoan  ng ating karansan kungdi ilusyon,” (Kung 44)  ibig sabihin pagnanais na magkatotoo ang pinakamatanda at pinakamalakas at pinakamatinding pangangailangan ng tao. Dahil matindi ang pangangilangan matindi rin ang impluwensya. Ano ang mga pagnanais na ito?  A) ang pagnanais na maipagtanggol sa mga panganib ng buhay; b) ang pagkakaruon ng katarungan sa lipunan; k) pagnanais sa pinanggalingan ng mundo; d) ang kaugnayan ng materyal at espiritwal na mga umiiral. Inilalarawan ni Freud ang pagkabuo ng ganitong Prodyeksyon: (Kung 44) ang pagkamalabo ng mga nangyayari sa kalooban (kubling-malay) ay naghahanap ng pagkamalinaw at nagpapalabas ng isang prodyeksyon na sa hinaharap ang katuparan o sa isang darating pang langit. Sinasabi kung gayon ng paglalarawan sa langit ang masasalimuot na pagnanais sa kalooban.

Ang pagnanais ng taong maipagsanggalang sa kalikasan at sa kamatayan ay pagnanais sa isang Ama. Subalit bilang nakahihigit sa kanya, mayroon din itong kapangyarihan sa kanya. Ito ang dahilan kung bakit  humahantong ang pag-asam sa pagnanais na patayin  ito. Kaya may lumilitaw na ambivalence. Mapapansin halimbawa sa mito ng paglikha na kasabay ng larawan ng Diyos bilang mabuting lumikha at  nagbibigay ng lahat sa tao, ay ang Diyos na nagbawal na kumain ng puno ng kaalaman ng mabuti at masama (Gen 1-3). Ang pagnanais ng taong kainin ang bunga ng puno ng kaalaman ng mabuti at masama ang nagdala sa kanyang suwayin ang Diyos (pagpatay sa Ama). Makikita rin na ang kahirapang dulot ng pagkatapon sa Eden (ang pagtatrabaho, ang mapait na panganganak, ang sakit at kamatayan) ay naglagay sa tao sa sitwaysong kailangan niya ang isang Diyos at dala ng guilt sa kanyang ginawa ninanais niyang bumalik sa Diyos.  Dito ang simula ng pagtingin sa Diyos bilang kailangang palubagin ng mga alay ang Kanyang loob. Sa pamamagitan ng mga alay (na hayop), mananitiling Siyang tagapagtanggol. Ngunit naruon sa mismong pagpatay sa hayop ang pagnanais na patayin ang Diyos.  Nakikita rin ang simula ng sistema ng pagsunod sa batas at kaparusahan. Kasama sa ideya ng Diyos bilang Ama ang sumunod sa Kanya at ang takot na parurusahan kapag hindi.

Para kay Freud ang ugat ng relihiyon ay ang ambivalence ng anak sa ama. Makikita na dala ng ambivalence na ito, ninanais ng taong maging Diyos,  na taglayin ang lahat ng katangian ng ama. Subalit sa pagiging Diyos niya, nawawala na ang ama.  Ang relihiyon kung gayon bilang ilusyon ay hindi kasinungalingan kungdi mga produkto ng  buhay ng kubling-malay na may mga “senswal at instinktibong pangangailangan” (Kung 46)  Kadalasan ipinangangaral na may malalim na pangangailangan ang tao sa absolutong kaugnayan, at Diyos ang  tanging nakakatugon ng ganoong pangangailangan. Ang Diyos ay ilusyon sa paraang siya ang katuparan ng ninanais ng tao.

Kung ang Diyos ay Ama, ang sinumang nasa relihiyon ay nananatiling Anak o bata.  Kung gayon hindi pa siya ganap na tao. Ito ang ninanais na magawa ni Freud sa pagtanggi sa relihiyon, ang pagtubo ng tao sa kanyang kaganapan. Sa  pagtuklas sa kaugnayan ng relihiyon at moralidad, hindi itinatanggi ni Freud  ang moralidad. Kung walang Diyos, may katungkulan ngayon ng taong  itayo ang moralidad sa matibay na paa ng katwiran at hindi ng relihiyon. Sinasbai niya na pagiging moral ang piliin ang mabuti, hindi lamang sa takot sa Diyos o sa kaparusahan kungdi dahil sa katwiran. Ang pagturing sa mga damdamin at katutubong ugali ng seks at kapangyarihan ay hindi sa mga prohibisyon ng relihiyon kungdi sa pamamagitan ng kaisipan at kalayaan. Kung mabubuhay man ang tao nang hindi nagbibigay-hilig sa kanyang katutubong-ugali,  iyon ay dahil may hawak siya sa kanyang sarili at hindi dahil hawak siya ng Diyos (na hindi talaga umiiral). Ang pananatili ng Diyos ay pananatili ng taong sa pagiging bata, sa hindi pamumuhay ayon sa katwiran at kalayaan. Pamumuhay rin iyon sa hinaharap o sa darating, at hindi dito sa lupa ngayon.

Samakutuwid ang pagbatikos ni Freud sa relihiyon ay hindi pagtanggi sa mga malalalim na pangangailangan ng tao na sa pagsasanggalang o sa absolutong kaugnayan kungdi pagtanggi sa pagpapaubaya sa Diyos sa pagtugon sa mga pangangilangang iyon. Ang pagbatikos na ito sa relihiyon ay upang matanto ng tao na hindi nga kuna ang mundo. (Kung 51) 

 

Meditasyon kasama si Sigmund Freud

Marami tayong naiisip na punto ng pagbatikos kay Freud sa kanyang pagbatikos sa relihiyon natin. Mabuting magsagawa ng pagpapanaklong (epoche) sa ganoong pagnanais  at manatiling bukas sa sinasabi ni Freud upang makatulong siya. Ang buod ng sinasabi ni Freud ay bunga ang paglikha sa isang Diyos ng isang ambivalence sa  ama. Ninanais ng tao  ang isang Ama dahil sa takot sa paghihirap at kamatayan. At dahil nabubuhay tayo sa panahong natugunan na ang materyal,  bunga ang Diyos ng pagnanais sa kahulugan.  Katanggap-tanggap ang pagnanais na ito sa kaligtasan para kay Freud.  Hindi iyon ang punto ng kanyang pagbatikos  kungdi ang paraan ng pagtugon. Dahil para sa kanya kung ang Diyos ang tutugon, mananatiling bata ang tao.

Sa Hermenyutika ng Kwaresma kasama ang Atheista tinitignan ang katumpakan ng paglalarawang iyon. Turingin nating tama ang panukalang iyon ukol sa paniniwala sa Diyos at makikita natin na gayon nga minsan ang tunay na nangyayari. Ang pangunahing pangalan ng Diyos sa  Judaeo-Kristyanong  tradisyon ay Ama. At bata ang deboto dahil hinihingian siya ng pagpapakumbaba: “Ang sinumang tumatanggap sa ganitong bata ay tumatanggap sa Akin”  (Mt 18: 5).  Tandaan na hindi niya sinasabang mali ito. Hindi ang katamaan ng mga proposisyon ng  relihiyosong ideya  ang punto ni Freud kungdi ang gamit sa tao (Kung 46). Kaya nga sa hermenyutika ng kwaresma ang proposisyon ng atheista ay hindi nangangailangan ng pagbabagong doktrina. Sapagkat hindi ang katunayan nito ang pinaghihinalaan kungdi ang motibo sa paniniwala rito.

Sa hermenyutika ng kwaresma hindi kailangan humintong maniwala sa katotohanan ng relihiyon, kungdi hinihinging tignan ang doktrina. Ngunit sa paanong paraan? Hindi sa paraang nagnanais na patunayan na tama ito. Ang katotohanan ng Banal na Kasulatan ay nasa loob ng lohika ng pananampalataya—ito nga ay mula sa awtoridad. Ang pagtingin sa relihiyosong ideya ay  sa pagtingin kung totoo ito sa kaugnayan ko sa Diyos o hindi.  Gaano ba katama ang doktrina sa karanasan ko at gaano kalapit ang karanasan ko sa hinihingi ng dokrinang pinaniniwalaan kong totoo?

Ang pagtatanong nang ganito sa sarili ay nagagawa lamang  ng siyang nagnanais lumago sa kaugnayan niya sa Diyos. Ibig sabihin, nasa loob ng espirito ng dasal ang pagtatanong. Sa pilosopiya ng relihiyon ng isang naniniwala, hindi naihihiwalay ang pag-iisip sa Diyos sa kaugnayan sa Kanya (dasal).  Yayamang iyon ang bukal at paksa ng kanyang pagmumuni.

Sa puntong ito tignan natin ang ilang bunga ng hermenyutika ng kwaresma na isinagawa ni Hans Kung. Sumasangayon si Kung kay Freud na kailangan maging pananampalataya ang Kristyanismo ng matanda at hindi lamang ng bata. Maaaring maging “hiwalay na mapanuring awtoridad ang psychoanalysis” upang mahikayat ang theolohiyang laging tumingin sa realidad. Ano ba ang ibig sabihin ng realidad dito? Para kay Freud ang realidad ay ang pamumuhay ng tao “bilang malaya, matanda, realistiko, at sigurado,  iyong tinatanggap ang mga katunayan ng nakaraan, hinahanap ang sanhi ng kanyang kabiguan at dinaraig ang mga iyon” (Kung 101). Nagiging tunay na tao kapag responsable na ang isang indibidwal sa kanyang mga kilos at hinaharap.

Upang lumago ang naniniwala, kailangan niyang makita sa anong paraan hadlang sa pagtubo ang isang uring pagsamba sa Diyos.  Narito ang ilang pagmamasid ni Kung:

Kapag nakatingin lamang ang relihiyon sa ganap na iba, nawawala ang pagdanas sa realidad. Madaling nagiging pangloloko sa sarili at pagtakas, mababaw na pagtataya na walang pagtingin sa realidad ang mga relihiyosong tanong.

Kapag nakabatay lamang sa pagtupad-sa-pagnanais ang relihiyon at hindi sa katotohanan, pagbibigay-kasiyahan lamang ito sa sariling pangangailangan.

Kapag ipinahahayag ang relihiyon sa striktong katapatan sa titik, sa isang legalistikong budhi, sa obsesibo, pedantiko, at walang-halagang pag-uulit ng ilang kapangyarihan, pormula, at ritwal, ang mga relihiyosong ideya ay nagiging luko-lukong pag-iimbento, ang mga relihiyosong gawain ay kapalit na kaligayahang mula sa obsesibong pa-uulit ng mga kulto.

Kung gayon, walang halaga ang mga gawaing iyon at hindi talaga pinapasya sapagkat  pagsasanggalang lamang sa sarili mula sa takot, damdaming guilt,  mapagparusang budhi laban sa di-namamalayang tukso at  nakakatakot na parusa.

Binanggit din ni Kung ang mga puna ni Freud sa maling paggamit ng kapangyarihan ng simbahan:

Kay raming  halimbawa ng kayabangan at pang-aabuso sa kapangyarihan sa kasaysayan ng mga simbahan: kalupitan sa kakaibang mag-isip, mga krusada, inquisisyon, pagpapatay sa mga erehe, obsesyon sa mga mangkukulam, pakikibaka laban sa theolohikal na pagsasaliksik, paniniil sa sariling mga theologo—hanggang sa kasalukuyang panahon.

Kung paano kumilos ang mga simbahan bilang isang super-ego: pinangingibabawan ang mga kaluluwa sa ngalan ng Diyos, ginagamit ang kahinaan at katangahan ng pobreng makasalanan, hinihingi ang pagsuko sa mga pagbabawal ng hindi pa nasusubukang awtoridad, patuloy na binabaon ang sekswalidad at nagpapakita ng pagkamuhi sa kababaihan (sa batas sa  di-pag-aasawa ng kaparian, di-pagsali sa babae sa mga ministeryo ng simbahan). (Kung  97-98)

Inaayayahan ko ang mambabasang  basahin nang mapagnilay ang mga konklusyong iyon ni Kung at tignan kung naging ganoon na ang anyang buhay paniniwala at kung paano siya tumutulong sa pagkagayon ng kanyang simbahan.

Sa ilalim ng lahat ng mga tanong na ito ay ang mahalagang tanong kung paano maipagkakasundo ang agham at ang relihiyon.  Ika nga ni Kung: “ kailangan ba tayong humintong maging pilosopo at pantas upang tunay na maniwala sa Diyos?  (Kung 94) Naalala ko ang isang pag-uusapan sa isang makatang babae  ukol kay  San Juan de la Cruz. Kapistahan nuon ng Doktor ng Pananmpalataya at bilang pag-aalala sa mga Awa sa kanya ng Diyos nagbasa kami ng ilang tula niya at nag-usap. “Doktor siya,”  ika ko, “iyon ay sapagkat hawak niya ang doktrina ng simbahan.”  Ngunit mas malalim ang Makata kong kaibigan na mas may alam sa kadiliman at liwanag  ng puso at  kubling-malay. Ika niya, “Doktor siya sa tamang kahulugan ng salita dahil tagapaggamot siya.”  Doktor din si Freud, at hindi man sumasangayon ang napakaraming sikologo sa kanyang mga ideya at pamamaraan, tinangka rin niyang gumamot ng kaluluwa. At ginamot niya ang isang bahagi  nito na talagang kasangkot sa buhay ng tao: ang kubling-malay. Kasama si Freud, maaaring sabihin na hindi talaga magagamot ng isang San Juan de la Cruz ang tao kung hindi nagagamot ang kubling-malay niya. Kung tama si Freud, nasasangkot sa relihiyon ang ating mga tagong pagnanais at pagnanasa.

Kung gayon, maaaring pagkasunduin ang agham ng psychoanalysis at paniniwala. Gayonpaman, ano ba talaga ang nakasangkot sa tanong na maaari bang maging pilosopo at nanampalataya ang taong naniniwala?  Sa aking palagay, nakasangkot rito ang  doktrina ng espiritwal na pagpapakabata na nagmumula sa espiritwalidad ni San Juan de la Cruz at ipinalaganap sa ating panahon ni  Sta. Teresita.[vi]  Pinatatanong tayo ni Freud kung ano ba ang tunay na ibig sabihin ng pagiging bata sa harap ng Diyos? Maari ba akong maging sikologo na ginagamit ang malilinaw at tumpak na metodo ng agham at tinitignan ang tao tulad ng paraan ng pagtingin sa mga hayop at manatiling nakatitig sa hiwaga ng buhay at Diyos?

Si Therese mismo ay hindi nakaabot ng kolehiyo. Hindi niya ginamit ang metodo ng agham at nagnasang lampasan ang katawan, kubling-malay, at kaisipan upang makarating sa Diyos. Ngunit hindi ba’t si Therese ay pinagaling sa isang neurosis na dulot ng pagkamatay ng kanyang ina at paglisan sa kanyang ate? Maaring sabihing dahil dito Ina ang Diyos para kay Therese. Ngunit ang Inang ito na hinanap niya ay higit sa inang natagpuan sa Carmel. Ang Inang nakita niya ay hindi iyong nagpalubag lamang ng kanyang loob,  kahit napakatindi ng pananais niya sa mga iyon. Maraming nagsasabi na napakasensitibo ni Therese, ngunit ang paghihirap na binata niya nang nagkasakit ng tuberkulosis at ang tinatawag na pagsubok sa pananampalataya ay hindi matatagalan ng isang sensitibo lamang at  naghahanap ng pagpapalubag loob. Maipaliliwanag  ng pagnanais sa isang Ina ang pagpasok sa Carmel  ngunit hindi nito maipaliliwanag kung bakit niya ninais maging santo at kung bakit naging santo nga siya.

Sa palagay ko, sa tulong ni Freud,  nakikita natin kailangang  ngang umangat sa isang maling depiniyson ng pagpapakabata at pagpapakumbaba sa harap ng Diyos Ama. Ngunit nanatiling ang pagpapakabata at pagpapakumbaba at pag-ibig bilang bukal ng buhay espiritwal. Si Kristo na siyang maaaring turinging Anak ng mga Anak ( Anak ng Tao) ay anak hindi dahil aa pagsasanggalang sa kanya ng Ama (“Ama bakit mo ako pinabayaan?”) Kungdi Anak siya dahil sinunod niya ang kalooban ng Ama. Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos  ay kasangkot sa tunay na espiritwal na pagpapakabata. Itong pagsunod na ito ay hindi pagwawaksi sa aking kalooban, kugndi ang pagtalima sa pagsasaibayo na laging hinihingi ng Diyos. Hinihingi nga ng Ama na lumago ang kanyang mga anak: (“Magpaganap kayo tulad ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.”) Sa tulong ni Freud nakikita natin na ang hamon sa niniwala ay ang maging ganap na tao . Ngunit sa loob ng paniniwala ang hamon ay ang maging ganap na tao at manatiling anak ng Ama.

Kontradiksyon nga ang pananmpalataya. Hindi ba’t ang hamon ni Camus ay ang maging santo nang walang Diyos (Lauer 100).  Maaari sabihin na tinatawag rin tayong maging atheista sa loob ng paniniwala sa Diyos.  Kung tatanggapin natin na Atheista si Jesus dahil sa pagpuna niya sa relihiyon, ang atheismo ang pinakamabuting paggaya sa Kanya.

 
 



[v] Hans Kung, Freud and the Problem of God, trans. Edward Qwuinn, (New Haven: Yale University Press, 1979).

[vi] Therese ng Lisieux, Story of a Soul The Autobiography  of  St. Therese of Lisieux, transl. John Clarke, OCD, (Washington D. C.: ICS Publications, 1972).